SA PINAKAUNANG koleksiyon ng tula ni Paul Castillo na pinamagatang “Walang Iisang Salita,” malikhain niyang isiniwalat ang kahirapan at karahasan sa lipunan sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.
Noong nakaraang taon, naiuwi ni Castillo ang unang gantimpala para sa kaniyang koleksiyon ng tula na “Luna’t Lunas” sa ika-68 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Pinarangalan rin siya sa Makata ng Taon: Talaang Ginto (2017 at 2018), Maningning Miclat Poetry Awards (2013) at Gawad Ustetika (2010).
Binubuo ito ng 41 na tula na hinati sa tatlong bahagi.
Sa “Pasahero,” buhay na buhay na inilarawan ni Castillo ang persona na nagpupunas ng mga sapatos ng pasahero sa dyip gamit ang sariling damit. Sa kabila ng kaniyang malikhain na paglalarawan, hindi maitatanggi ang masalimuot na katotohanan kung paano nagiging desperado ang mga tao upang maitawid ang isang araw.
Makikita sa mga sumusunod na taludtod kung paano halos ibinenta ng persona ang kahihiyan makagawa lamang ng paraan upang kumita:
Pagdating sa dulo, hinubad niya paitaas
ang manipis na saplot
na sandaling nagpalaho sa lahat
bago inalis sa kaniyang ulo…
Nang muli niyang matipon
ang kinalat na kahihiyan,
lumagos sa magkabilang palad
ang inilakip na patawad.
Ipinapakita naman sa “Pagkakabód” ang pagiging dahop sa buhay sa pamamagitan ng persona na pinapanood ang kaniyang anak na lumusong para humakot ng ginto. Ngunit ang kapaitan na magpasisikip sa dibdib sa tula ay kung paano isinugo at pinapanood ng persona ang anak sa isang buwis-buhay na trabaho.
Lalaliman mo ang paglubog sa malabong tubig
at lalong lalalim ang pang-unawa
kung bakit laging nasa hukay
ang aking mga paa
tuwing sumisisid para sa ginto.
Sa ibabaw, walang ibang inaalala
kundi ang sandaling maaaring
guguho ang guwang
na ginawa para maitakas ka
at gugunaw sa pangarap
na ika’y mapagtatapos
Inialay naman ni Castillo ang “Neo” para kay Horacio Castillo III, ang mag-aaral ng abogasya sa Unibersidad na namatay diumano dahil sa hazing. Dito ikinumpara ni Castillo ang kaso ni Horacio kay Kian at Carl Angelo Arnaiz, mga bata naman na namatay dahil sa oplan tokhang.
Tinalakay niya kung paano nagiging bulag ang hustisya sa paglilitis ng kaso at sa pagsisiwalat ng katotohanan. Dagdag pa rito, ibinunyag din ng tula kung gaano kabilis ang paglilitis na maaaring magpakita na hindi ito na pinagdesisyunan nang maigi o isinantabi na lamang:
Kaya ika’y nanindigan at dali-daling tumutol
sa laganap na pagpaslang at kawalan ng paghatol.
Ngunit higit na mabilis ang hukumang namamaril
kaysa mga mambabatas na nanggisa ng salarin.
Sumunod niyang ipinakita sa tulang “Rebisyon” ang iba’t ibang mukha ng kasalukuyang rehimen. Binigyang-diin niya nagbubunga na sa historical revisionism o ang pagbabago sa katotohanan ng kasaysayan ang mga kuwento ng namatay sa tokhang, pagiging “berdugo” ng rehimen at talamak na pagkalat ng fake news.
Sa pamamagitan ng hulagway ng namayapang Dominikong historyador na si Padre Fidel Villaroel, O.P., ipinakita ni Castillo na kung ano ang isinusulat sa kasaysayan ay maaaring maging daan para paniwalaan ng lahat.
Kanina, sabi mo, kahit historyador,
pinagtataksilan maging ng gunita
ng katawang nasa bingit ng panahong
maaaring hindi-hindi itatala.
Ipinakita mo habang nasa burol ang payapang mukha at lalim ng gatla
mula sa kahapong kaniyang ginugol
na ngayo’y binago ng ibang salita.
Pinatunayan ni Castillo na hindi natatapos ang kagandahan ng tula sa papel lamang. Walang-takot na ginamit ni Castillo ang kaniyang boses bilang makata upang magbigay-ilaw sa mga marahas na katotohanan. Isinulat niya ito nang hindi nagtutunog mesiyas, kundi gamit ang mata ng isang mamamayan na may malasakit sa kaniyang lipunan. Tunay na walang iisang salita ang makapagpapatahimik sa katotohanan.
Kasalukuyang nagtuturo ng panitikan at humanidades si Paul Castillo sa Unibersidad. Isa rin siyang resident fellow ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Nagtapos siya ng masterado sa Creative Writing at kasalukuyang kumukuha ng doktorado sa Panitikan.
Inilimbag ng UST Publishing House ang kaniyang koleksiyon noong 2018.