Tomasinong propesor, wagi sa Gawad Julian Cruz Balmaseda

0
3957

PINARANGALAN ang disertasyon ng isang Tomasinong propesor sa ikalimang Gawad Julian Cruz Balmaseda na ginanap sa Bulwagang Romualdez sa tanggapan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Maynila noong ika-27 ng Enero.

Tinanghal na pinakamahusay ang saliksik ni Wennie Fajilan, propesor ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, na pinamagatang “Pananalig sa Bata: Kasaysayan at Panunuri ng Muling Pagsasalaysay at Pagsasaling Pambata sa Filipino.”

Paliwanag ni Fajilan, tinalakay ng kaniyang pag-aaral ang mga prinsipyo sa pagsusulat ng salaysay at pagsasalin ng mga makabatang akda na nakatuon sa pangangailangan mga batang Filipino.

“Ang kahalagahan ng pananaliksik sa bayan ay ang kontribusyon natin para sa pagtuklas ng mga sagot sa mga suliranin ng bayan, lalo na sa panahon ng krisis at sa panahon ngayon na marami tayong mga suliranin na dapat tugunan,” wika niya sa isang panayam sa Varsitarian.

Inilunsad din ng KWF ang pinakabago nitong aklat na isinulat ng isang Tomasinong pilosopo, pinamagatang, “Mga Tomasino sa Pilosopiyang Filipino.”

Ayon kay Emmanuel de Leon, awtor ng aklat at propesor sa Departamento ng Pilosopiya sa Unibersidad, nais niyang maging bukas ang publiko sa usapin ng pamimilosopiya upang patuloy pa itong yumabong.

“[I]sa sa mga pangunahing adhikain o layunin ng aklat na ito… [ay] buksan ang konsepto ng publiko, para sa isang matinong debate, para sa matinong kritisismo at para sa lalong pag-unlad ng pamimilosopiya sa bansa,” ani de Leon.

Kinikilala ng KWF sa Gawad Julian Cruz Balmaseda ang mga natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan at iba pang kaugnay na larang na isinulat sa wikang Filipino. V. A. P. Angeles at M. U. Cotongan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.