Tula tungkol sa pag-ibig, ‘wag lang sa talinghaga ituon – makata

0
3878
(Kuha ni Hazel Grace S. Posadas/The Varsitarian)

BINIGYANG-DIIN ng isang premyadong makata na hindi lamang talinhaga ang dapat pagtuonan ng pansin sa pagsulat ng tula tungkol sa pag-ibig.

“Kailangang magtiwala sa kapangyarihan ng pag-ibig upang makalas ang dila sa pagkabuhol at mapalaya rin ang sarili sa mga gapos ng pag-iisip na nagkukulong sa atin sa nakamihasang mga padron ng tunggalian tungkol sa pag-ibig,” wika ni Allan Popa sa isang panayam sa Varsitarian.

Iginiit din ni Popa, dalubguro ng panitikan at pagsulat sa Ateneo de Manila, na malabong malaos ang pagtula tungkol sa pag-ibig dahil sa kakayahan nitong bigyan ng panibagong gamit ang mga karaniwang salita at palawakin ang pagiging malikhain ng isang manunulat.

“Hindi pinagsasawaang itula ang pag-ibig dahil patuloy itong kumakawala sa pag-unawa. Kay raming kontradiksyon na pinupukaw ng puwersang ito kung kaya may kakayahang baguhin din ang wika,” wika niya.

Ayon din kay Popa, naisasabuhay ang mga lihim na nakapaloob sa isang akda sa pamamagitan ng pagtatanghal ng tula.

“Hamon sa kaniya kung paano mananahan ang katawan sa ligalig ng mga salita, sa pahina at kung paano ito maiparirinig sa mga tagapakinig. [A]ng bawat tula ay natatanging paraan ng paglapit sa kapwa, pinakikinggan man o binabasa,” sabi niya.

Isa si Popa sa mga nagtanghal ng tula tungkol sa pag-ibig sa ikalawang bahagi ng “Ang Sabi Nila,” sa Ruins Poblacion sa lungsod ng Makati noong ika-23 ng Pebrero.

Nagwagi si Popa ng National Book Awards for Poetry dahil sa kaniyang libro na “Morpo: Mga Pagsasanaysay sa Tula” noong 2001.

Awtor din siya ng “Incision” (UST Publishing House, 2016) at “Damagan” (UST Publishing House, 2018).

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.