ANO ANG ugnayan ng panitikan at social media?

Para kay Rolando Tolentino, direktor ng Institute of Creative Writing ng Unibersidad ng Pilipinas, ipinapakita ng panitikan sa social media—tulad ng nobelang serialized sa Wattpad, sanaysay at opinyon sa Facebook, at kulturang hugot sa Twitter, atbp.—ang liberalisasyon ng impormasyon sa pamamagitan ng paglalathala sa internet.

“May optimism sa internet. Kasi, may ordinary folks na walang access sa books o walang outlets sa kanilang lugar so na-liberalize ang access to information, access to literature,” saad ni Tolentino sa Varsitarian.

Ayon sa tala sa Filipinas noong 2018, mayroong humigit kumulang 44.6 milyong Facebook users, pitong milyon na Pilipino na gumagamit ng Wattpad, at 9.9 milyong Twitter users. Bukod pa rito, tinatayang 10 oras ang ginugugol ng bawat Pilipino sa internet kada araw.

Mula sa kaniyang akda na “#Pag-ibig: Mga Aporismo ng Pagnanasa’t Pagsinta” na nagsimula bilang mga tweets, ginamit ni Tolentino ang pag-ibig upang manghikayat ng mambabasa tungo sa mga usapin ng opresyon ng kasalukuyang administrasyon.

“Ang mga naka-online, dapat ay magpost ka ng maraming pag-ibig nang ma-hook up sila tapos eventually ma-feel nila na nagbubukas yung isip, nila na pati iyong mga concerns of the nation ay natatanggap na rin nila,” ani Tolentino.

Aksesibilidad naman ang nakikitang pakinabang ni Joselito de los Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Panitikan sa Unibersidad, sa pagpapalaganap ng panitikan sa social media.

“Mas malawak ang nararating. Mabilis ang proseso ng paglalathala … Mas may interaksyon, mas may elemento ng biswal na representasyon, gaya ng photo at video, meme at gif,” sabi ni de los Reyes.

Si de los Reyes ang manunulat ng “iStatus Nation,” na mula sa kaniyang mga pagninilay-nilay na nailathala niya bilang Facebook posts.

Ito rin ang paniniwala ni Charmaine Lasar, manunulat ng “Toto O.”

Giit niya, “madaling makakonekta sa mambabasa online. Madaling magbahagi ng akda, at madali ring makakuha ng opinyon at komento mula sa kanila.”

Nagsimula ang akdang “Toto O.” mula sa online writing community na Wattpad. Di kalaunan, nanalo ito sa Don Carlos Palanca Memorial Awards sa kategoryang nobela.

Bagaman hindi maikakaila ang malawak na kapasidad ng internet sa pagsusulat, mayroon pa ring sumasalungat dito at itinuturing na “mababang-uri” at “corny” ang mga inilalathala online.

Ang sagot ni de los Reyes dito: nakakamit pa rin ang dahilan ng pagsusulat ng panitikan sa internet—ang dahilan, para kay Delos Reyes, ay impluwensiya.

“Parehong kasanayan sa pagsusulat pa rin naman ang ginagamit ko sa pagsusulat ng status at pagsusulat ng maikling kuwento o naratibo ng pananaliksik. Parehong kasanayan, parehong estetika at teknik, parehong pagkonsidera sa mambabasa,” sabi ni de los Reyes.

Para din kay Tolentino, walang pagkakaiba ang pagsusulat online sa pagsulat ng tradisyonal na libro dahil nag-iba lang ang lunsaran.

“E di sige, kahit hindi sila ordinarily makakabili ng P250, or even P500, na libro, may access sila ng ideas mo,” ani Tolentino.

Saad naman ni Lasar, hindi naman natatapos ang pagkatuto sa pagsusulat. Kung pangit man ito, puwede pang baguhin.

“Patuloy akong maniniwala sa potensiyal ng mga batang manunulat sa Wattpad. Naniniwala akong balang-araw, magkakaroon ng mas malaking ambag sa panitikan ang mga batang ito. Kung mababaw, bakit hindi turuan upang lumalim ang kaalaman? Ang kailangan ng komunidad na ‘to ay tulong, hindi panlalait o panghuhusga.” may ulat mula kay Angelika V. Ortega

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.