Mga tula sa dahas, wagi sa Talaang Ginto ng KWF

0
2418

NANAIG ang mga akdang tumatalakay sa iba’t ibang uri ng dahas sa taunang patimpalak ng Komisyon sa Wikang Filipino na Talaang Ginto. Idinaos ang Araw ng Parangal kasabay ng Pambansang Kampo Balagtas 2019 sa Mababang Paaralan ng Orion sa Bataan noong ika-3 ng Abril.

Nasungkit ni MJ Cagumbay Tumamac mula sa General Santos City ang titulong Makata ng Taon para sa kaniyang akdang “Mga Mungkahi ng Pagdanas ng Dahas mula sa Maitum.”

Ayon kay Tumamac, ipinakilala niya sa kaniyang akda ang mayamang wika at kultura ng kaniyang bayan sa Saranggani na nagngangalang Maitum.

“Sa koleksiyong ito, sana makaambag na ipamalay sa ibang tao na nag-eexist kami. Nandirito kami at marami kaming manunulat.

Marami kaming wika. Nakapagbabasa kami ng mga nagsusulat sa Ilokano, Biyasa, Hiligaynon, T’boli at lalo na sa Tagalog,” wika ni Tumamac sa isang panayam sa Varsitarian.

Ginawaran naman ng ikalawang gantimpala si Fr. Arnel Samson Vitor mula sa Diyosesis ng Antipolo para sa “May Nakakatawa ba Sakaling may Mamatay at Iba pang Tula sa Panahong Eksayting ang Paghimlay,” habang nagwagi ng ikatlong gantimpala si Richard Regadillo Gappi, editor ng Angono Rizal News Online, para sa “Dulok: Gunita ng Tubig.”

Ginawaran din ng Dangal ni Balagtas 2019 si Reynaldo Valera Guardiano para sa musika at si Rodolfo Vera para sa Dula.

Binubuo ang lupon ng inampalan nina Michael Coroza, tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Ruth Elynia Mabanglo, professor emeritus sa Filipino at sa University of Hawai’i at Moana, Honolulu, at Enrique Villasis, scriptwriter sa programang pantelebisyon ng ABS-CBN.

Nakilahok sa Pambansang Kampo Balagtas ang Kagawaran ng Edukasyon, kinatawan ng mga ahensiyang pangkultura sa Filipinas, mga organisasayong pangwika at pangkultura, mga manunulat, mga delegadong guro at mga mag-aaral mula sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas.

Ipinagdiwang ang Pambansang Kampo Balagtas upang gunitain ang ika-231 kaarawan ng “Prinsipe ng mga Makatang Tagalog” na si Francisco Baltazar, at kilalanin ang mga huwarang manunulat para sa kanilang ambag sa sining ng Filipinas. M. U. Cotongan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.