HINIMOK ng historyador na si Michael Charleston “Xiao” Chua ang kabataan na bigyang-pansin ang mensahe ni Emilio Jacinto, isang Tomasino at bayaning manunulat, na tumatalakay sa tunay na diwa ng pag-ibig sa bansa.
“[I]tong kabataan na ngayon ay pinapasahan ni Jacinto ng kaniyang mga salita bilang arkitekto ng bayang ito [at] arkitekto ng pagkabansang Filipino. [M]akinig kaya sila na ang mensahe ni Jacinto sa kaniyang buhay na [ang] pagrespeto sa batas at paggalang sa karapatang pantao ay pag-ibig sa Diyos, bayan at kapuwa?” wika ni Chua sa kaniyang lektura sa “Peregrinasyong Jacinto,” sa Magdalena, Laguna noong ika-15 ng Abril.
Ayon kay Chua, dapat iwaksi ang pag-iisip na isang menor na bayani si Jacinto dahil isa siya sa mga arkitekto ng pagkakakilanlan at pagkabansa ng Filipinas.
Binigyang-diin naman ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang kahalagahan ng mga akda at ideolohiya ni Jacinto.
“[K]ung babakasin natin ang tunay na ideolohiya, ang kaisipan, ang mga bagay na nagtulak sa mga katipunero para mag-himagsik, ang lahat ng iyan ay higit nating mababakas sa mga sinulat ni Emilio Jacinto,” wika ni Almario.
Dagdag pa niya, kailangang maging masigasig sa pagbasa ng mga sinulat ni Jacinto upang lubos na maunawaan ang diwa ng Katipunan at dahilan ng Himagsikan noong 1896.
Isinulong noong 2018 ang muling paglimbag ng mga akda ni Jacinto; na pinangunahan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining at Komisyon sa Wikang Filipino.
Nagtapos si Jacinto ng abogasya sa Pamantasan ng Santo Tomas noong 1894.
Kilala si Jacinto sa kaniyang alyas na “Pingkian” o talaban na isang halimbawa ng espadahan. Kilala rin siya bilang “Utak ng Katipunan” at sa mga akda niyang “Liwanag at Dilim,” “Pahayag” at “Mga Aral ng Katipunan ng Anak Ng Bayan.”
Isinilang si Jacinto noong ika-15 ng Disyembre 1875 sa Tondo, Maynila. Pumanaw siya noong ika-16 ng Abril 1899 sa murang edad na 24 dahil sa sakit na malaria, sa bayan ng Magdalena, Laguna.