Ang diksyunaryong Jose Villa Panganiban sa loob ng 30 taon

0
7452

ALAM ba ninyong umabot ng 30 taon ang pagkalap ng mga datos sa pagbuo ng Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban?

Natapos ni Panganiban, ang itinuturing na “Ama ng Varsitarian,” noong 1972 ang diksyunaryo kasama sina P. Evergisto Bazaco, O.P. at Dr. Euforbia Alip.

Nag-ugat ang unang sanggunian ng diksyunaryo mula sa mga magsasaka at mangingisda sa Bungkalot, Tinurik, Wawang Balili, Ambulong, at Bañadero ng Tanauan sa Batangas.
Nakibahagi rin sina Dr. Jose Henandez, Antonio Zacaria, Julian Cruz Balmaseda at Lope K. Santos sa pagbuo ng diksyunaryo.

Sa kabila ng giyera noong 1945, naingatan ang manuskrito ng diksyunaryo sa tulong ni Remigio Maiquis, na kapitan ng mga gerilya noon.

Nagpatuloy ang pagbuo sa sangguniang ito sa tulong nina Teodoro Valencia, Arsenio Afan at Dr. Jose Arruego, at nailimbag ang English-Tagalog Vocabulary noong 1946.
Taong 1945 naman nang sinimulang gawin ang manuskrito na itinago at iningatan ni Maiquis.

Nagpatuloy ang pagbabalangkas ng diksyunaryo dahil sa panunuri nina Marcelo Garcia at Leonardo Dianzon hanggang sa nailathala ng magasin na Liwayway ang “Talahuluganang Tagalog-Ingles” na bahagi ng manuskrito mula Oktubre 1953 hanggang Oktubre 1964.

Ibinahagi ang 10,000 salitang nagsilbing donasyon sa Surian ng Wikang Pambansa upang magamit ng bayan at magkaroon ng kita ang kanilang opisina. Nakapaglimbag ng 13,000 na sipi ng diksyunaryo na naubos noong 1970.

Nakatulong ang mga impormante mula sa iba’t ibang lugar sa Filipinas upang makatipon ng mga kasing-kahulugan at kabaligtaran ng mga salita sa iba’t ibang wika.

Tomasino Siya

Namayagpag ang isang Tomasino sa loob at labas ng bansa dahil sa kahusayan niya sa larang ng arkitektura.

Kilala si Abelardo “Jojo” Tolentino Jr., nagtapos ng kursong arkitektura sa Unibersidad noong 1987, bilang tagapagtatag at tagapamahala ng Aidea Philippines, Inc., isang kilalang architectural firm sa bansa.

Bago naging matagumpay na arkitekto sa Filipinas, nagsilbi siya sa ilang Hong Kong-based firms tulad ng HOK Asia Pacific, John Lei Architects Ltd, at Robert Matthew Johnson Marshall (RMJM).

Taong 2003 nang simulan ni Tolentino ang pagtatatag ng Aidea Philippines, Inc. na nagsilbing rebranding ng RMJM Philippines.

Dahil sa ipinamalas na galling sa arkitektura, kabilaang parangal ang natanggap niya tulad ng South East Asia Property Awards, Philippines Property Awards, at International Property Awards.

Taong 2007 nang kilalanin siyang Ernst and Young Innovation Entrepreneur Awardee at Outstanding Thomasian Alumni Awardee naman sa sumunod na taon. Napabilang rin siya sa Top 10 Architects ng BCI Asia noong 2011.

Ginawaran si Tolentino noong 2013 ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ng Ani ng Dangal for Architecture and Allied Arts at nagging rehistradong arkitekto ng Association of Southeast Asian Nations noong 2014.

Kasalukuyan siyang bahagi ng Council for New Urbanism, Society of Environmental Graphic Design, at Urban Land.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.