SA IKA-100 anibersaryo ng Philippine Cinema, makikitang isa sa mga paraan ng pagpapakita ng mga kaugalian ng Filipino ang pagpapalabas nito sa pelikula. Sa ikatlong taon ng Pista ng Pelikulang Pilipino, inilathala ang mga pelikulang kaugnay sa “Pamilya, Pagkakaibigan at Pag-ibig,” sa pamumuno ng Film Development Council of the Philippines katuwang ang mga sinehan sa buong Filipinas.

Para maunawaan ang mga katotohanan at kahalagahan ng mga aral na nakapaloob sa mga pelikulang ito, sinikap ng Varsitarian na pagnilayan ang mga tampok na pelikula noong ika-13 hanggang ika-19 ng Setyembre.

LSS

Tiyak na kilig at aral ang mapupulot sa pelikulang “LSS (Last Song Syndrome)” ni Jade Castro matapos maipakita ang tunay na kahulugan ng pag-ibig.

Binigyang-linaw ng pelikula ang tunay na diwa ng pagmamahal – ang paghihintay sa takdang panahon.

Nagsimula ang paglalahad ng kuwento sa pagtatagpo ng dalawang pangunahing tauhang sina Sarah (Gabbi Garcia) at Zack (Khalil Ramos) sa isang bus habang tumutugtog ang “Ride Home,” isang kanta ng bandang Ben&Ben. Kapuwa sila na-LSS sa kantang ito kaya naman mabilis nilang nakapalagayan ng loob ang isa’t isa.

Nangangarap na maging isang matagumpay na musikero si Sarah habang nais naman ni Zack na mahanap ang kaniyang magiging kabiyak sa hinaharap.

Bagaman umamin si Zack ng kaniyang paghanga sa kaniyang kaibigan, hindi ito kayang masuklian ni Sarah.

Ilang beses ding nabigo si Sarah sa pagsugal para sa kaniyang pangarap ngunit hindi naglaon, tinangka niyang magsimula sa pag-abot nito sa pamamagitan ng pagsali sa Ben & Ben bilang bahagi ng mga tao sa likod ng banda.

Muling nagtagpo ang landas nina Sarah at Zack sa isang konsiyerto ng Ben&Ben at doon nabigyan ng tsansa ang tila naudlot nilang pagmamahalan noon. Sumama si Zack sa isang gig ng Ben&Ben sa Lucena kung saan naroon din si Sarah at dito lalong lumalim ang nararamdaman nila para sa isa’t isa.

How can you quit your passion because of your fear of failure e hindi ka pa nga nagfe-fail,” wika ni Zack kay Sarah sa pagsisimula ng kuwento.

Tumatak ang linyang ito sa mga manonood at naging sandigan upang ipagpatuloy ang pag-abot sa pangarap. Hindi siya sumuko at tinatagan niya ang kaniyang loob upang magsimula sa mababa hanggang sa unti-unting marating ang minimithing pangarap.

I’m Ellenya L.

Sa isang modernong mundong laganap ang pagpapanggap ng mga tao, ipinakita ni Boy 2 Quizon sa kaniyang pelikulang “I’m Ellenya L.” ang kahalagahan ng pagiging totoo sa sarili.

Nagsimula ang istorya sa pagpapakita sa pang-araw-araw na buhay ni Ellenya (Maris Racal). Pangarap niyang maging isang social media influencer kaya sinimulan niya ito sa paggawa ng mga vlog o video blog.

Matalik na kaibigan ni Ellenya si Stephen (Iñigo Pascual) at siya ang tumutulong kay Ellenya sa pag-iisip ng magiging laman ng kaniyang vlog, maging sa pag-edit nito.

It’s so hard! We have different personalities online—we’re not the same on Instagram, Facebook, Twitter, or YouTube,” wika ni Ellenya sa pelikula.

Sinalamin ng pelikula ang reyalidad ng buhay na mahalaga ang pagpapakita ng katotohanan sa social media. Ipinakita rin dito na hindi dapat ipilit na magpakita ng ibang katauhan para lang magustuhan ng mga tao.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.