HINDI lamang isang kayamanan sa sining at panitikan ng Filipinas ang balagtasan; ito rin ay kontribusyon ng bansa sa panitikang pandaigdig, ayon sa isang Tomasinong makata.

“[Isa itong] pagpapatunay na dapat mayabang tayo e. Ang problema natin, ipinagmamalaki natin ‘yong kultura ng iba,” wika ni Victor Emmanuel Carmelo “Vim” Nadera sa ikapitong “Diwang: Sagisag Kultura Competition and Festival” noong ika-22 ng Setyembre sa Malolos, Bulacan.

“[I]tong balagtasan, angkop na angkop sa mga ginagawa natin sa panahon ng mga pagdududa at pagdedebate,” dagdag pa niya.

Iginiit din ni Nadera, dating punong patnugot ng Varsitarian, na dapat buhayin at payabungin ang mga panitikan ng bansa sa paraang makauugnay ang mga kabataan.

“Kung gusto nating isipin na ang wika ay buhay, buhay rin ang panitikan e. Sa pagiging buhay nito, binubuksan natin ito sa iba’t-ibang posibilidad,” giit niya.

Dagdag pa niya, maaaring mamatay ang isang sining kapag hindi ito hinayaang sumunod sa pagbabago ng panahon.

Tampok sa kompetisyon ang mga kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa na mayroong iba’t ibang estilo ng balagtasan.

“Captain America vs. Aliguyon: Sino ang karapat-dapat na bayani ngayon?” at “Makatarungan ba ang pasiya ng Korte Suprema tungkol sa wika at panitikang Filipino sa kolehiyo?” ang dalawang paksa na pinagpilian ng bawat kalahok.

Wika ni Joseph Cristobal, direktor ng Philippine Cultural Education Program ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), hindi puwedeng ikahon lang sa istandard ng mga Tagalog ang balagtasan.

“‘Yong hamon mo ng Filipinization at pagtataguyod sa wikang Filipino bilang pambansang wika, maganda talagang behikulo ‘yong balagtasan para sa isang national culture… pero na-a-appreciate natin sa luma. [A]ng kultura at wika, nagbabago siya. Hindi mo ‘yon mafi-fix,” wika ni Cristobal sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa ni Cristobal, magandang magamit ang balagtasan sa pagtugon sa mga isyung kinakaharap ng lipunan.

Sinang-ayunan ito ni Nadera at sinabing hindi dapat pigilan na magdagdag ng ibang wika sa isang pagtatanghal ng balagtasan.

“Kaya nagagalit ang ibang rehiyon na gamitin ang wikang pambansa dahil parang idinidikta nating mga Tagalog kung ano ‘yong wika, at doon sila naiinis. [H]indi na Tagalog ang pinag-uusapan natin dito kundi Filipino,” wika ni Nadera sa isang panayam sa Varsitarian.

Nagwagi sa patimpalak ang kalahok mula sa Koronadal City na gumamit ng wikang Hiligaynon sa kanilang piyesa.

Ayon kay Jonathan Emmanuel, guro mula sa Koronadal National Comprehensive High School, dapat na panatilihin ang katangian ng isang kultura pero hindi ibig sabihin na hindi ito maaaring gawing moderno.

“Paano magiging kultura kung ekslusibo lang sa iisa? [A]ng wika ay hindi eksklusibo para sa taal na Tagalog lang. [‘P]ag sinabing Filipino, ito’y kabuuan ng pagkakakilanlan bilang isang lahi, isang lipi. Pili na pino pa, Pilipino nga talaga,” wika ni Emmanuel.

Pinangunahan ng NCCA ang pista at kompetisyon na naglalayong magpakilala, magpahalaga at magpalaganap ng mga imahen at sagisag kultura ng bansa para maibahagi sa kamulatan at diwa ng mga Filipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.