ITINALAGA ang isang Tomasinong propesor bilang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, kung saan magsisilbi siyang kinatawan ng wikang Tagalog.
Ang pagkakatalaga sa premyadong edukador at manunulat na si Arthur Casanova ay may bisa hanggang ika-6 ng Enero taong 2027.
Pinalitan ni Casanova ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario sa puwestong ito.
Siya ay naging bahagi ng Aliw Awards Foundation taong 2013 hanggang 2017 at ng International Theatre Institute noong 2000 hanggang 2017.
Taong 2011 hanggang 2012 naman siya nanilbihan bilang pangulo ng Metrobank Foundation Network of Outstanding Teachers and Educators.
Nailimbag niya ang higit 40 na aklat ng kuwentong pambata at mga teksbuk sa hayskul at kolehiyo.
Nagkamit siya ng parangal mula sa National Book Awards noong 1986 at 1987.
Nagtapos ni Casanova ng kaniyang Batsilyer sa Pansekondaryang Edukasyon medyor sa Filipino sa Mindanao State University sa Marawi City noong 1982.
Nakuha naman niya ang kaniyang masterado sa Education with specialization in Filipino Linguistics sa Philippine Normal University noong 1992. Sa parehong unibersidad din niya nakuha ang kaniyang doktorado sa Linguistics and Literature noong 1999.
Siya ay naman ay pinangaralan ng Metrobank Outstanding Teacher (na ngayon ay Metrobank Outstanding Filipino) noong 1999.
Nagmumula sa Pangulo ng Filipinas ang desisyon sa pagtatalaga ng kinatawan ng bawat pangunahing wika sa bansa. Kinakailangan din ang sapat na kaalaman at ang pagiging native speaker sa naturang wika.
Iginiit din ni Casanova na ang kaniyang bagong tungkulin ay isang bagong hamon na kaniyang haharapin sa kaniyang buhay.
“Ito’y hinaharap ko, tinatanggap kong hamon para sa bayan. Ito ay sagot sa dasal at ako ay tumatanaw ng malaking utang na loob sa UST sa pagbibigay ng pagkakataon na makapagturo sa loob ng limang taon simula noong 2015. Isang malaking utang na loob ‘yon,” wika ni Casanova sa Varsitarian.
Nang tanungin naman tungkol sa mga plano niya bilang kinatawan ng Wikang Tagalog, “Magkakaroon ng maraming mga pananaliksik at buhat sa resulta ng mga pananaliksik na gagawin ay idadagdag natin sa mga magagandang kasalukuyang proyekto na isinasagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino,” giit niya.
“Maging makatao, gampanan ng maayos ang trabaho dahil ‘yan ang kinabubuhay natin” dagdag pa niya. Caitlin Dayne A. Contreras at Bea Angeline P. Domingo