ILILIPAT ang petsa ng Pambansang Kongreso sa Wika at Panitikang Filipino ng Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino (Kasugufil) dahil sa patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa.
Nakatakda sa ika-19 hanggang ika-22 ng Abril ang Kongreso sa Bulwagang Benitez sa Teachers’ Camp sa lungsod ng Baguio.
Kasalukuyan pang isinasapinal ng Kasugufil ang pagbabago ng iskedyul.
“Dulot ng Covid-19, ipinababatid ang pagbabago ng iskedyul ng ika-11 Kongreso ng Wika at Panitikan. [K]asalukuyang isinasapinal ang pagbabago ng iskedyul,” ayon sa inilabas na mensahe ng Kasugufil.
“Inobatibong Integrasyon ng Teknolohiya sa Pagtuturo ng Filipino” ang tema ng Kongreso.
Layunin nito na maunawaan ang kahalagahan ng pagsasama ng edukasyon at teknolohiya sa nagbabagong daigdig at mabigyang-halaga ang wika at teknolohiya tungo sa pagsasaling teknikal.
Umabot sa 707 ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bansa ngayong ika-27 ng Marso.