BINIGYANG-DIIN ng isang dalubguro sa Unibersidad ang mga tungkulin ng isang tagasalin sa mga usaping akademiko, politika at kultura.
Ayon kay Asst. Prof. Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng UST, ang mga tagasalin may tungkuling magpasya at gumawa ng interbensiyon sa pagsasalin ng mga akdang banyaga sa wikang Filipino.
“[A]ng isang tagasalin ay tagagawa ng desisyon, at ikalawa, ang interbensiyon na ginagawa niya ay katanggap-tanggap at normal na proseso sa pagsasalin. Lalo na kung titingnan pa natin kung sino siya bilang tagasalin,” wika ni Reyes sa ikalawang serye ng webinar na “Salintasan.”
Saad niya, marapat na isaalang-alang ng tagasalin ang kultura ng isang lugar upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Isang komplikadong salik ang kultura kaya dapat mag-ingat ang mga tagasalin dahil maaaring maging “insensitive” ang dating nito lalo na sa sektor ng minorya, ani Reyes.
“[A]ng pagtutumbas sa mga salita ay mga layers o antas-antas o sapin-sapin na dapat natin isaalang-alang. Maaaring ang isang salita ay madaling pagpasyahan sa unang tingin, pero pag isinaalang-alang na natin ang iba’t ibang factors katulad ng kultura… [maaaring] insensitive pala ito sa isang partikular na sektor at maaari silang umalma,” ani Reyes.
Hinimok ni Reyes ang mga tagasalin na maging kritikal lalo pa’t may pulitika ang pagsasalin.
“‘Yung pagdedesisyon niyo, kayo man ay papabor sa pangangailangan o pipili ng sarili niyong prejudice bilang tagasalin, may politics pa rin kayong ginawa bilang tagasalin, nagiging intruder kayo,” aniya.
“Kaya pag kayo ay nagsasalin lalo na’t kung kultural ito, asahan na natin na may isang sektor na aalma, ngunit nakadepende ‘yung pagtugon natin sa sektor na iyon sa kung ano ‘yung pinanghahawakan natin bilang tagasalin at kung ano yung paliwanag natin doon,” pagpapatuloy niya.
Inilahad din ng propesor ang kahalagahan ng wika sa isang kultura gayundin ang kahalagahan ng kultura sa pagpepreserba ng wika.
“[W]ala raw wika na magpapatuloy kung walang kultura o kung hindi nakapaloob sa konteksto ng kultura, at wala din namang kultura na magpapatuloy kung hindi ito tumutuntong sa wika bilang kaniyang pundasyon,” saad ni Reyes.
“Ibig nito sabihin, [m]ag-ingat tayo bilang tagasalin ng kultura kasi kung may isang salita na loaded o mayroong kahulugan na natatangi sa isang partikular na kultura, nago-operate yung construct na iyon sa kulturang iyon lang,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Mark Angeles, poet of the year sa 2019 Nick Joaquin Literary Awards at instruktor ng Filipino sa Unibersidad, kailangang bumuo ng “natural affinity” ang isang tagasalin sa akda bago niya ito isalin.
Dagdag pa niya, hindi basta-basta ang proseso ng pagsasalin at kailangan dito ang masinsinang pananaliksik.
“Ang pagsasalin ay hindi lang basta gagamit ka ng Google Translate tapos ilalapat mo… kailangan mo i-research ‘yung mga salita… Napakahalaga ng research sa pagsasalin. Dapat ang tagasalin ay isa ring masinsin na researcher,” sabi ni Angeles.
Idinaos ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin noong ika-26 ng Pebrero ang ikalawang “Salintansan” ngayong taon. Samantha Nichole G. Magbuhat