IMINUNGKAHI ng isang Tomasinong guro ang pagbibigay ng sertipikasyon at akreditasyon sa mga tagasalin sa bansa upang mas makilala sila bilang mga propesyonal.
Ayon kay Ian Mark Nibalvos, guro sa Departamento ng Filipino ng Unibersidad, masusing pag-aralan ng mga paaralan at mga pambansang institusyon ang mga paraan upang maisulong ang propesyonalisasyon ng pagsasalin.
Aniya, maaaring sundin ang sistema sa mga bansang Canada at Australia.
“[M]atibay ang pagkilala ng kanilang pamahalaan at gobyerno sa mga gawaing pagsasalin at seryoso ang kanilang mga gobyerno na ang mataas na antas sa kalidad ng serbisyo sa pagsasalin, lalong-lalo na sa mga legal na dokumento,” wika ni Nibalvos.
Kinakailangan ng pagsasanay, akreditasyon, istandardisasyon ng translator’s fee at pagkilala sa karapatan ng tagasalin, dagdag pa niya.
Saad niya, napag-iiwanan na ang bansa sa patakaran ng pagsasalin dahil walang koordinasyon at pagpapahalaga para sa mga tagasalin.
“[S]a Canada, kinikilala ang Canadian Translators, Terminologists, and Interpreters Council (CTTIC)… Samantalang dito sa Australia, ito naman ang National Accreditation Authority for Translators and Interpreters Limited,” aniya.
Ilan sa mga benepisyo ay mga oportunidad sa trabaho, pagkakaroon ng mas maraming kliyente, mga pagsasanay, networking, insurance at promosyon.
“Sa aking palagay, handa na ang ating bansa para sa pagsasa-proseso ng pagsasalin o sertipikasyon ng pagsasalin. Nararapat din na ibigay ng ating pamahalaan at kahit sino mang institusyon ang de-kalidad at mataas na antas ng serbisyong pagsasalin sa mga Pilipino. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng isang malinaw na susing hakbang ng sertipikasyon.”
Isa si Nibalvos sa mga nagsalita sa ikatlong serye ng webinar na “Salintasan” na isinagawa noong ika-26 ng Marso.