HINIMOK ng isang dalubguro ang pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino sa diseminasyon ng impormasyon ngayong may pandemya.
Sa naging pagpupulong ng Tanggol Wika noong ika-24 ng Hulyo, binigyang-diin ni Prop. David Michael San Juan, associate member ng National Research Council of the Philippines, ang kahalagahan ng wikang Filipino upang lubos na maunawaan ng publiko ang impormasyon at mga direktibang ibinababa ng pamahalaan.
“Karamihan ng mahalagang opisyal na impormasyong bakuna at pandemya ay nasa Ingles, kaya mabagal ang diseminasyoon ng impormasyon. Isa nang halimbawa ay [a]ng resolutions ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases),” wika niya.
Ginawang halimbawa ni San Juan ang isyu ng pagiging essential ng lugaw noong nakaraang taon, at sinabing ito ay dulot ng misinterpresyon sa mga resolusyon ng IATF.
“[N]aaalala niyo ba ‘yung panahon na may barangay tanod na naghihigpit dahil ang lugaw ay hindi essential… [ito ay dahil] hindi maliwanag ang mga patakaran dahil nasa Ingles ang karamihan sa mga resolusyon, patakaran at polisiya ang nilalabas,” aniya.
Giit pa ni San Juan, 0.07 porsyento lamang ng mga Pilipino ang gumagamit ng Ingles bilang pangunahing wika kaya marapat na isalin sa wikang opisyal ang mahahalagang impormasyon hinggil sa pandemya at bakuna lalo pa’t patuloy na tumatataas ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Nanawagan din siya sa gobyerno na ituloy ang pagsasabatas ng adbokasiyang pangwika na unti-unting nauudlot dahil sa pandemya.
“[H]indi prayoridad ng Palasyo, Kongreso at Senado ang House Bill 223 (Filipino at panitikan sa kolehiyo) at Senate Bill 1838 (Batas sa pagtataguyod ng wikang Filipino sa mga asignatura sa kolehiyo)… [t]uloy ang national lobbying sa Kongreso at Senado, tuloy rin ang internal lobbying sa mga unibersidad,” wika niya.
Layunin ng Tanggol Wika na gamitin ang Buwan ng Wika bilang oportunidad na kalampagin ang pamahalaan na ipasa ang dalawang batas upang magkaroon ng repormang panlipunan.
Kaugnay nito, naniniwala si San Juan na mayroong epekto ang pag-iingay sa social media kaya’t hinihikayat niya ang mga guro at mag-aaral na labanan ang fake news at maglabas ng mga makabuluhang materyal sa pagtuturo, lalo na sa wikang Filipino.
Disyembre ng nakaraang taon nang nanawagan si Arthur Casanova, tagapangulo ng Kagawaran ng Wikang Filipino, na gamitin ang wikang Filipino upang ipaliwanag ang mga konseptong mahirap unawain sa wikang Ingles. Samantha Nichole G. Magbuhat