ILULUNSAD ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin ang “SALINSANAY: Webinar sa Pagsasaling Teknikal Bilang Gawaing Propesyonal,” na layong talakayin ang  pagsasaling teknikal para sa mga tagasalin, guro, mananaliksik, at estudyante.

 

Ayon kay Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, mahalaga ang kaalaman sa pagsasaling teknikal upang higit na maintindihan ng nakararami ang mga ganitong uri ng teksto.

“Mayroon siyang halaga sa atin bilang komunidad ng mga propesyonal, at sa ating komunidad din para higit natin silang matulungan sa kanilang mga pangangailangan at matuto din tayo sa kanila. Aanhin ang expertise natin kung tayo tayo lang nagkakaintindihan?” wika ni Fajilan.

Kasama sa mga tagapanayam ang ilang mga dalubhasa sa iba’t-ibang larangan gaya ng wika, medisina, legal management, at agham panlipunan.

“Mayroon tayong propesor mula sa agham, propesor mula sa pilosopiya, mula sa departamento ng Ingles, na [maghahandog] ng kanilang panayam sa Salinsanay para i-highlight na napaka-multidisciplinary ng pagsasalin,” paliwanag niya.

Aniya, tatalakayin sa webinar ang kahalagahan ng  kaalaman sa pagsasalin para sa lipunan. 

“Mayroon kasing propesyonal na wika at pangkaraniwang wika. Yung propesyonal na wika na pinag-aralan natin at pinagkakadalubhasaan, karamihan talaga nag-iingles kaya kapag kailangang mag-Filipino para sa kapwa Filipino, maraming nahihirapan,” aniya.

Inaasahan ni Fajilan na tataas ang kamalayan at interes sa pagsasalin ng mga kalahok, magtuloy-tuloy ang pag-aaral ng pagsasalin at pagsasalin, at maging katuwang sila sa pagsusulong ng propesyunalisasyon ng mga tagasalin at pagpaparami pa ng programa tungkol sa pagsasalin sa bansa.

Idadaos ang webinar sa dalawang Sabado ng Abril 23 at 30.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.