TINALAKAY ng isang dalubhasa ang kahalagahan ng pagtama sa mga pagkakamaling madalas makita sa paggamit ng wikang Filipino.

Ayon kay Arthur Casanova, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino,  may mga pagkakamali sa paggamit ng wikang pambansa na hindi alam ng karamihan sapagkat nakasanayan na ang mga ito.

“May mga pagbabago dahil ang ating wika po ay nagbabago. Dinamiko po ang wika kaya ibinabagay sa takbo ng panahon o sa daloy ng panahon,” wika ni Casanova.

Sa isang panayam sa “Newsroom Ngayon,” ng CNN Philippines, inilista ni Casanova ang ilan sa mga madalas na pagkakamali sa wikang Filipino at ang pagtatamang katumbas ng mga ito.

Aniya, mayroong mga salitang hiram mula sa Espanyol na dapat panatilihin ang pagbabaybay katulad ng “kumusta” imbis na “kamusta.”

“Ang dapat diyan ay ‘kumusta’ kasi buhat po iyan sa Espanyol na ‘Como esta.’ Yung ‘aspeto’ sa Espanyol ay ‘aspecto’ with a ‘c.’ So ang dapat diyan ay ‘aspekto,’ hiniram po natin sa wikang Espanyol. Dapat kasi maging consistent tayo,” wika ni Casanova sa panayam noong ika-12 ng Agosto, na ginawa alinsunod sa Buwan ng Wika.

Binigyang-pansin din ni Casanova ang pagkakamali sa pagbabaybay ng mga salitang “lalaki,” “kasi,” “sabi,” at “hindi” kung saan madalas ipagpalit ang matigas ang “I” at malambot na “E.”

“Ang ‘lalake’ dapat ‘lalaki’ matigas ang ‘I.’ Walang salitang ‘kase’ sa diksyonaryo, [dapat] ‘kasi.’ Wala pong ganoong mga salita sa diksyonaryo, kaya dapat po ay ‘bakit,’ ‘sakit’,” aniya.

Nilinaw din ni Casanova ang paghihiwalay sa “di ba,” “na lang,” at “pa lang” na kadalasang binabaybay na “diba,” “nalang,” “palang.”

“Dapat magkahiwalay ang ‘di’ at tsaka ‘ba’ dahil magkahiwalay na enclitic o ingklitiko iyan. Dapat  ‘di ba.’ Ganoon din sa ‘pa rin,’ hindi iyan iisang salita, kundi dalawang magkabukod na ingklitiko o enclitic [tulad ng] ‘na lang,’ ‘pa lang,’” paliwanag ni Casanova.

Ayon kay Casanova, mayroon ding mga salita na may iba’t-ibang paraan ng pagbabaybay sa ilalim ng lumang patakaran na “sariling preperensya sa ispeling,” na mayroong pormal na pagbabaybay sa kasalukuyan.

“Yung salitang aksiyon, ‘aksyon’ walang ‘i’ pero sa bagong tuntunin kasi dapat ‘ak-si-yon’. Dati tinatanggap kasi noong mga naunang panahon na dine-develop pa lamang ang ortograpiyang pambansa–bahala ka na mamili, basta consistent ka lang,” wika ni Casanova. Matthew G. Gabriel

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.