ANG PASKO ba ay para lamang sa pamilya? Kailangan ba kumpleto, marami, at sobrang masagana? Hindi ba maaaring ang Pasko mo ay para lamang sa iyong sarili? Hindi naman sa nagdadamot. Hindi rin naman sa pagiging makasarili. Higit lalo namang hindi dahil sa wala kang kapamilya. Pero hindi ba kinakain tayo nang sobra ng tradisyon kung ang tanging nakatatak sa ating isipan ay ipinagdiriwang lamang ang Pasko kung buo na ang angkan?
Paano kung ikaw lang mag-isa? Marahil hindi ka nakauwi sa iyong probinsiya. Marahil ay hindi na nakarating pa sa Maynila ang iyong mga kasama. Marahil ay mag-isa ka na lamang sa buhay. Marahil ay nais mo lamang talagang maging mapag-isa. O kaya naman ay nagkataong malayo ka talaga sa iyong pamilya mula’t sapol pa. Wala ka na bang karapatan magdiwang ng Pasko?
Palagi nating pakatandaan na hindi batayan ng dami ng nakapalibot sa iyo ang sukat ng kasiyahan mo. Hindi dahil ay mag-isa ka, hindi ka na magiging masaya. Maaari ngang ang tunay na diwa ng Pasko ay matatagpuan rin sa isang pamilyang sama-sama, pero huwag kalilimutan na diwa rin nito ang pagmamahal sa sarili at hindi lamang sa iba.
Sa panahong ito ng pasasalamat, pagmamahal, at pagtanggap ng biyaya, ang pinakamagandang regalo na makakamit mo ay hindi matatagpuan sa ilalim ng iyong Christmas tree. Hindi maibibigay ng kahit sinong kakilala mo. At hindi rin maihahanda sa hapag-kainan. Sapagkat nakapaloob lamang ito sa iyo at nasa iyong sariling huwisyo na kung paano mo ito mabubuksan at kaluluguran.
Para sa lahat ang Pasko. Walang limitasyon, walang patakaran, at walang pinagbabawalan. Basta’t malakas ang iyong paniniwala at paninindigan, iyong mairaraos ang Kapaskuhan nang may kagalakan. May natanggap mang regalo o wala, simpleng handaan lang o magarbo, may kasama man o mag-isa lang, ang Pasko ay hindi nagbabago, walang mairereklamo at palaging taos-puso.
Sabi nga sa isang awitin, “Ang pag-ibig naghahari.” Hindi lamang ito patungkol sa pag-ibig na alay sa iba; ito’y tumutukoy sa pag-ibig na ikaw lang ang makakapagbigay. Pag-ibig na dalisay at tanggap ka nang buong-buo; pag-ibig na para sa iyo, galing mismo sa sarili mo.
Kaya marapat lamang na sa tuwing may magdiriwang ng Pasko nang mag-isa, hindi awtomatikong malungkot siya. Bagkus, maging masaya na lang rin para sa kaniya dahil hindi katumbas ng kalungkutan ang pagiging mag-isa.
Sa bawat taong kinakayang lumusot sa karayom at baybayin ang mahabang landas nang walang kasama, may mga tao namang kabaliktaran na hindi kinakaya maglakbay kung walang karamay. Sa parehong sitwasyon na pantay lamang ang dinaraanan patungo sa Disyembre, hindi ba’t masyadong maraya kung iisiping ang mag-isa ay malungkot at ang may kasama ay masaya? Hindi sa lahat ng pagkakataon ito ang nagiging timbangan ng pagtingin natin sa kapwa dahil, una sa lahat, ang Pasko ay malaya – ikaw ang bahala kung paano ito ipagdiriwang.
Maliban diyan, ang pasasalamat sa hininga na ipinagkaloob sa atin na umabot pa sa panahong ito ang siyang pinakabiyaya natin tuwing ipinagdiriwang ang Pasko. Sa mga sandaling ito, hindi lamang si Hesus ang isinilang at biniyayaan ng buhay sapagkat lahat ng may matatag na pananampalataya ang siya ring dapat magpasalamat sa pinakasagradong handog sa atin ng Maykapal – ang buhay natin at ang pagkakataong umabot pa ng Pasko ang ating kasiglahan.
Kaya sa katanungang kung ang Pasko ba ay para lamang sa mga pamilya, hindi nga kailangang kumpleto, marami, at sobrang masagana. Hindi rin kasalatan sa pagmamahal kapag nag-iisa. Mas lalong hindi kakulangan kung wala kang kasama. Para sa lahat ang Pasko. Magregalo ka para sa iyong sarili. Maghanda ng noche buena kahit walang bisita. Mag-Simbang Gabi kahit walang kilalang katabi. Ang mahalaga, sa pagpatak ng panahong ito, alam mo sa sarili mong may kasama man o wala, ang Pasko mo ay malaya.