MULING naging mananaysay ng taon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang isang resident fellow ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies para sa sanaysay na bumalangkas sa kasaysayan ng wika.
Inuwi ni Mark Anthony Angeles, instruktor sa Departamento ng Filipino sa Kolehiyo ng Edukasyon, ang unang gantimpala para sa kaniyang sanaysay pinamagatang “Mula Homo Luzonensis hanggang Maginhawa Community Pantry: Isang Panukalang Timeline ng Kasaysayan ng mga Wika ng Kapilipinuhan.”
Una na niyang natanggap ang karangalang ito noong 2015.
Sinaliksik ni Angeles ang mga wikang ginamit ng mga Filipino, mula sa mga sinaunang tao na nanirahan sa Filipinas mahigit 50,000 taon na ang nakararaan hanggang sa mga mamamayan ng modernong panahon na nakulong ng dalawang taon dahil sa banta ng Covid-19 – ang pandemyang nagbigay-bunga sa mga community pantry, o mga puwesto sa komunidad kung saan libreng makakakuha ng donasyong pagkain at suplay ang mga residente.
Gumamit si Angeles ng isang timeline ng wika ng mga Filipino sa iba’t ibang kabanata ng kasaysayan ng bansa.
Layon ni Angeles sa kaniyang sanaysay na isulong ang pagkakapantay-pantay sa lipunan.
“Panahon na para sa inclusivity at [panahon na] upang maibsan man lang ang diskriminasyon sa lahat ng sangay ng lipunan lalo na ang mga naaapi at pinagsasamantalahan,” wika niya sa Gabi ng Parangal na idinaos sa Hotel Lucky Chinatown sa Binondo, Manila, noong Sabado, ika-25 ng Agosto.
Sentro ng patimpalak ngayong taon ang mga sanaysay na tampok ang “sosyolingguwistikong interaksiyonal na pagdalumat sa mga katutubong wika ng Pilipinas na naghahain ng mapananaligang pag-aanalisa tungong modernisasyong pangwika,” ayon sa KWF.
Ayon ito sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon na “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Kabilang sa lupon ng inampalan ngayong taon sina Jayson Petras, katuwang na propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Filipinas sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, na siyang nagsilbing pinuno; Prop. Jimmuel Naval, dekana ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP Diliman; Hope Sabanpan-Yu, komisyoner ng wikang Cebuano; at Rowell Madula, katuwang na propesor sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle.
Ginawaran ng KWF sa Gabi ng Parangal ang mga indibidwal, institusyon, tanggapan, at organisasyong aktibong nagsulong ng pagpapaunlad ng wika at kultura sa nakaraang taon.
Narito ang iba pang mga nagwagi ngayong taon:
Dangal ng Wikang Filipino
- Felipe De Leon Jr.
- Rolando Tolentino
- Pilita Corrales
- Elwood Perez
- Carol Dagani
Dangal ng Wika at Kultura
- Western Mindanao State University
Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura
- Catanduanes State University
- Sorsogon State University
- Aurora State College of Technology
- Quirino State University
- University of San Carlos