“Naku, ang suwerte naman ng babaeng pagbibigyan mo nito, Sir!” komento sa akin ng nagtitinda ng bulaklak nang nagpagawa ako ng bouquet na pinalagyan ko pa ng maraming tsokalate. Nilagyan ko rin ng mga keychain na may mukha ni Hello Kitty dahil kita kong parang paborito mo siya.

Nang matapos ayusin ang mga bulaklak, dali-dali kitang hinintay sa entrada ng eskuwelahan niyo. Kita ko sa malayo na panay ang kuha niyo ng retrato ng mga kaibigan mo. Nakakahawa ang napakaganda mong ngiti. Maski ako’y napapangiti na rin.

Pero nang lumapit ka pang kaunti, napako ako sa kinatatayuan ko. Nakita kong may bouquet ka nang hawak.

“Happy Valentines din, mommy and daddy! Thank you for this. Alam niyo po ba kanina…” narinig ko pang sabi mo bago kayo tuluyang sumakay sa kotse ng tatay mo.

Napatitig nalang ako. Mas maganda ‘yong natanggap mo kaysa sa hawak ko.

Parang déjà vu.

Naalala ko rin na ganito ‘yong nangyari sa kaarawan mo. Wala akong natanggap na imbitasyon. Dahil dito, inamin ko sa sarili ko na baka wala kong kuwenta para sa’yo.

Nang nakita kitang umiiyak sa parke, gustong-gusto na kita lapitan at patahanin. Kaso lumapit na ‘yong kalaro mo at tumahan ka na rin. Nakakapanghina lang isipin kung kailan darating ‘yong araw na may problema ka, tsaka mo pa lang ako tatawagin.

Tapos noong sumali ka sa beauty contest ng paaralan, lalo kang nagmukhang anghel sa puting dress na suot mo. Muntik na kitang lapitan kung hindi ko lamang napigilan ang sarili ko.

Hindi naman sa bawal akong lumapit sa’yo pero nauutal-utal kasi ako ‘pag iniisip kong kakausapin kita.

Lumipas ang mga linggo at nabalitaan kong ikaw ang nangunguna sa klase. Nagmadali na naman akong maghanap ng maireregalo para sa’yo, pero huli na naman nang napagtanto kong hindi nga pala kita malapitan ng personal.

Naglagi lang ako sa labas ng bahay niyo, nagtatago sa mata ng mga guwardiya na baka isiping masama akong tao.

Tuwing Linggo na kayo’y nagsisimba, sa harap kayo pumupwesto, sa may altar, at ako nama’y nasa bandang likuran, sapat na para makita kitang taimtim na nagdarasal.

Gusto ko na talagang magpakilala sa’yo. Lapitan ka at sabihing wala akong masamang intensiyon. Nais ko lang maging parte ng buhay mo.

Babae po ba, Sir?tanong sa akin ng saleslady sa mall nang pinamili kita ng damit para sa noche buena.

Panahon na ng Kapaskuhan. Dumating na yata ang araw na pinakahinihintay ko. Pero kita kong kasama mo tatay mo, pinambibili ka rin ng regalo.

Sa mismong araw na ipinanganak si Hesus, maaga akong gumayak at naghanda para tuluyang lumapit sa’yo. Wala pa man din ang mga kasama ko, nauna na akong pumunta sa bahay niyo.

Pagkakita mo sa’kin, masaya kang ngumiti at tumakbo papalapit. Tila tuwang-tuwa na ako’y napagmasdan mo sa unang pagkakataon.

“Merry Christmas, Santa!” masayang bati mo.

Abot-tenga ang ngiti ko na nakatago sa aking puting balbas. Sa wakas, muli na naman tayong nagtagpo, at ngayon, makakausap na kita ng maayos. Walang kaba at pag-aalinlangan.

Nakakatuwa naman at nandito ka, Santa! Ang saya,” wika niya. Naluluha na lang akong yumakap. Kahit sa ganitong pagkakataon lang, pinipilit ko nang makuntento.

Inabot ko sa‘yo ang aking mga regalo na inipon ko buong taon mula Enero. Lumaho bigla ang lungkot sa mga buwang hindi ko ito nabigay sa’yo.

Anim na taon ka pa lang at wala pang kamuwang-muwang. Wala akong balak na sirain ang masayang pamilyang kinabibilangan mo; wala rin akong planong guluhin ang isip mo.

Patawad kung hindi ako makapagpakilala sa’yo ng maayos. Hindi naman sa bawal akong lumapit sa iyo pero…

Alam kong hindi ko kayang ibigay ang marangyang buhay na ibinibigay ng mag-asawang kumupkop sa’yo. Kung nakikita man tayo ng nanay mo, alam kong susuportahan niya ako sa aking desisyon.

Pero kapag naiisip kong darating ang araw na hindi ka na maniniwala kay Santa Claus, hindi ko na alam paano pa kita makakausap.

Patawad kung wala ako sa tabi mo noong ipinanganak ka. Patawad kung huli na nang malaman kong may umampon na sa’yo.

Patawad kung ngayon lang akong lumapit. Pero kahit papaano, kasama kita ngayong Pasko.

Anak ko.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.