Sa umuusbong na Pilosopiyang Pilipino, hindi pa rin lubos na nasasagot ang katayuan ng wikang Filipino sa naturang kaisipan. May nagsasabing dahil sa kakulangan ng ating wika, na di kayang yakapin ang mga konseptong kakailanganin; humiram na lamang tayo sa mga banyagang salita upang tuluyang maihayag ang kaisipan. May nagsasabi namang isang tahasang pagtataksil sa tunay na hangarin ng naturang pilosopiya ang paggamit ng mga banyagang salita. Hangad ng naturang pilosopiya na sagutin ang ating pagkakakilanlan sa larangan ng kritikal na kaisipan.

Sa ating bansa, nagkalat ang mga iba’t ibang wika. Dahil dito, kailangang pagtuunan ng pansin ang mga pananaw at kultura ng bawat isa bago tuluyang siyasatin ang ating pangkabuuang kalagayan at kamalayan.

Ang Filipino ay isang sandata na bumibigkis sa mga kalat nating kalinangan subalit hindi ibig sabihin na limutin natin ang ating ugat. Mas naging komportable tayo sa paggamit ng wikang banyaga na kung tutuusin ay gipit sa salita sa paghabi ng mga kamalayan, kuwento, at kaisipan ng ating lahi. Bilang lingua franca, ang Ingles ay mahalaga sa pakikipagtalastasan sa mundo. Subalit, may sarili pa rin tayong wika na nangangailangan ng kalinga.

Hindi ko masisisi ang kasaysayan sa pagpapabaya nito sa ating wika subalit wala na kayang pag-asang isakdal ito sa pedestal na nararapat ay matagal nang naigawad sa kanya? Sa mga paaralan, Ingles ang ginagamit hanggang tuluyang itong naging batayan ng katalinuhan ng isang estyudante. Kinatatakutan ang pagbaba ng kalidad ng Ingles sa ating bansa. Samantala, ang mga hinaing sa kawalan ng pagpupugay sa sariling wika ay naririnig lamang sa mangilan-ilang akademiko na kadalasan ay sa tenga lamang ng di-interesadong mag-aaral napupunta.

READ
Thomasian attends int'l forum on globalization

* * *

Sa pagkakahanay ng Filipino sa mga banyagang wika, na wari’y pantay lamang ang pagkakatrato nito, nahuhuli tayo sa kalinangan ng wikang pambansa. Maihanay man ang ating pamantasan sa mga nangungunang paaralan sa bansa, ang hindi pagiging kasapi ng UST sa Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Filipino (SANGFIL) sna naglalayong paunlarin ang wikang pambansa sa larangan ng pagtuturo at komunikasyon, ay sadyang nakakapanghinayang. Malaki man ang naiambag natin sa kasaysayan ng ating kapuluan, ang tuwirang pagpapabaya sa wikang bumubuhay dito ay patuloy na magmumulto sa atin. Maaring ang mga malalaking pangalan ng kontemporaryong panitikang Filipino ay mga Tomasino, subalit ang matamlay na paglinang ng ating wika sa Unibersidad ay maaring makahadlang sa malayang pag-usbong ng Panitikang Tomasino sa Filipino.

Pilit naming kunan ng interbyu si Dra. Hashim ng Department of Languages ng ating Unibersidad subalit naging mailap pa rin ang butihing propesor. Ang sa amin lang naman po ay naghahanap sa kasagutang makakatulong sa aming pamantasan. Gusto rin naming makatulong kahit papaano sa pagpapausbong ng wikang Filipino sa ating Unibersidad. At kung kailangang magtanong at magtanong kami, gagawin at gagawin namin iyon.

Sa susunod na taon po, sana…

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.