KAMAKAILAN ay nakatanggap ako ng liham mula sa ilang di-kilalang mag-aaral mula sa Fakultad ng Derecho Civil. Nilalaman nito ang mga sinasabing hinaing ng mga estudyante sa naturang kolehiyo.
Mahaba at puspusang tinalakay ng nasabing sulat ang mga problemang kasalukuyang hinaharap ng mga nag-aaral ng abugasya sa unibersidad.
Kung tutuusin ay nakakaantig ng damdamin ang mga sinabi ng may akda (o mga may akda) sapagkat bilang isa sa mga estudyante ng abugasya, normal lamang na makibahagi ako sa mga damdamin ng aking mga kasama.
Subalit ang nakalulungkot ay sa kabila ng kagandahan ng layunin ng nasabing liham, wala man lang nangahas lumagda o maglagay ng pangalan upang akuin ang mga nasabing paratang.
Hindi nga ba’t ayon sa ating mga pinag-aaralan, ang katotohanan ng isang pahayag na nilalagdaan ay pinapagtibay ng lagda ng may akda nito?
Mahirap mang isipin ngunit hindi nawawala ang posibilidad na maaring isang biro o isang patibong lamang ang nasabing liham na maaring maglagay sa alangin ang sinumang makababasa at maniniwala sa mga sinasabi nito. Kung sa gayon, maihahalintulad natin ito sa isang lason na maaring kumitil sa kalinawan ng pag-iisip ng mambabasa.
At dahil na rin sa ganitong kadahilanan, wala magagawa ang pahayagang ito kundi ituring na lang na isang bulong ang inyong karaingan.
Ito ay dahil na rin sa aming pananagutan na maghayag ng katotohanan sa mambabasang Tomasino. Ngunit paano kami maniniwalang totoo ang mga sinabi ninyo kung mismong ikaw (o kayo) na may akda nito ay ayaw patunayan ang katotohanan nito?
Sayang naman, kaibigan — sino man ikaw (o kayo). Sadya nga bang hindi kapani-paniwala ang mga ipinaglalaban ninyo at wala man lang kayong lakas ng loob upang maglagay ng pangalan at lagda sa inyong mga paratang?
Nais kong intindihin ang kalagayan ninyo na dahil na rin sa takot (o hiya) sa mga nakatataas ay napigilan ang paglantad ninyo ng ilang kamalian na inyong nakikita.
Katulad ng sinasabi ng pamagat, mahirap ipaglaban ang isang anino.
* * *
Napag-uusapan na rin lang naman ang mga anino, labis na nakalulungkot ang nangyaring pagbibitiw ni dating Kalihim Raul Roco mula sa Kagawaran ng Edukasyon.
Ang pag-alis ni Roco sa Kagawaran ay tila isang anino na sumaklob sa maliwanag at maayos sanang kinabukasan ng sistema ng edukasyon sa ating bansa.
Matatandaan na si Roco ang nagpasok ng ilang nakakabuting reporma at nagtuwid ng ilang baluktot na gawain na tila lumulumpo sa abang kalagayan ng ating mga guro — lalo na yung mga nagtuturo sa mga pampublikong paaralan.
* * *
Naging isang malaking hamon sa amin ang paggawa ng Filipinong edisyon ng The Varsitarian. Bagamat madalas nating gamitin ang wikang Filipino sa pang-araw-araw na pakikipag-uusap, bihira naman itong magamit sa paglalapat ng mga salita sa papel.
Nakalulungkot isipin na karamihan sa kilala kong manunulat ay hirap sa paggamit ng sariling wika. Kadalasa’y mas sanay pa tayo sa mga salitang banyaga tulad ng Ingles. Ito na marahil ang nagiging dahilan upang maituring na isang espesyal na kurso ang pag-aaral ng wikang Filipino.
Biruin mo, sarili nating wika ay ayaw man lang nating bigyan ng masinsinang pansin.
* * *
Bago ako magtapos, nais kong batiin ang mga bagong Tomasinong doktor, nars, at therapists. Nawa’y maging matagumpay ang paglusong ninyo sa inyong piniling propesyon.
At para naman sa mga kukuha ng bar exams ngayong buwan ng Setyembre — Good luck sa inyo! Hanggang sa muli — sumainyo ang kapayapaan.