HINIKAYAT ni dating Bulacan Gob. Roberto “Obet” Pagdanganan ang mga guro ng UST na sumali sa kooperatiba ng UST Faculty Union (USTFU) sa ginanap na USTFU general assembly (GA) sa Medicine Auditorium noong Hulyo 31.

Ayon kay Pagdanganan, mas matutuunan ng pansin nito ang kanilang pangangailangan.

Inilahad ni Pagdanganan, ang presidential adviser on cooperatives, ang tungkulin ng mga kooperatiba sa pagsulong ng bansa. Ayon sa kanya, layunin ng mga kooperatiba na itaguyod ang pagkakaroon ng kapital sa pamamagitan ng mga iniimpok na pera ng mga miyembro nito.

“Ito ay isa na namang paraan ng mamamayan laban sa kahirapan. ‘Ika nga, people power is the force. Cooperation is the means. People Empowerment—the ultimate end,” wika ni Pagdanganan.

Ipinaliwanag din niya na demokratiko at service-oriented ang isang kooperatiba. Dagdag pa rito, ibinibigyan din ng tig-iisang boto ang bawat miyembro sa mga magiging desisyon ng kooperatiba. Bukod pa rito, pantay-pantay ding ipinamamahagi sa bawat miyembro ang kanilang kita.

Samantala, binati ni Pagdanganan ang USTFU sa pagtatag nito ng isang kooperatibang makatutuon sa mga pangangailangan ng kanilang mga kasapi.

“USTFU will show the way for other cooperatives. The union now serves as a catalyst for strengthening cooperatives,” dagdag pa niya.

Dahil dito, maraming guro ang nakumbinsing sumapi sa Sto. Tomas Community Savings and Credit Cooperative ng unyon.

Ayon kay Gil Garcia, punong direktor ng USTFU, nakakuha sila ng mga magagandang tugon sa kanilang mga miyembro.

“Faculty members from Nursing and Medicine have asked to be scheduled for registration. I still have to talk with the other colleges but so far, they’re all willing. Masaya kami roon. Sa tingin ko, ito ay dahil sa marami itong magagandang features like the patronage fund at iba pa,” sabi ni Garcia.

READ
Kontrobersyal na MRI pinasinayaan

Noong nakaraang taon pa itinatag ang USTFU credit cooperative, ngunit ngayon lang opisyal itong pinatatakbo dahil nagkaroon ng ilang problema sa proseso ng pagtaguyod ng kooperatiba.

Samantala, nabunsod noong GA ang USTFU Linkages, kung saan plano ng unyon na bumuo ng isang pambansang organisasyon ng mga faculty unions na pamumunuan ng USTFU. Academic Worker’s Unions in Private Schools ang pansamantalang tawag nila sa organisasyon.

Ayon kay Rene Tadle, pangalawang pangulo ng USTFU, bilang pinakamalaking unyon ng mga guro sa buong bansa, ang USTFU ay may mga sumusunod na agenda ukol dito: legislative agenda; representation in government policy-making bodies related to education; advocacy work with civil society groups; and creation of Academic Labor Federation and/or Academic Labor Center. Napagkasunduan ang mga ito noong GA ng mga guro ng nakaraang taon.

“Layunin ng USTFU na matulungan ang ibang mga unyon at maipamahagi sa mga ito ang magagandang programa at karanasan ng USTFU,” ani Tadle.

Nagkaroon nang pagtitipon ang mga faculty unions ng iba’t-ibang eskwelahan sa National capital Region (NCR) noong July 25 at sa rehiyon ng Visayas noong July 29 ukol sa pambansang organisasyong ito.

Muli ring ibinunsod ng USTFU ang programang Haven for Optimum Psycho-Spiritual Empowerment (HOPE) ni Prof. Lourdes Medina, USTFU secretary-general, sa kanilang GA.

Ayon kay Medina, naglalaan ng spiritual activities para sa mga miyembro ng unyon ang programang ito.

“Ito ay parang relaxant ng mga guro. Para mas mabawas-bawasan naman ang stress nila sa pagtuturo at mga affairs nila sa bahay,” dagdag niya.

Pinarangaralan din noong USTFU GA ang 45 na gurong nakatapos ng kanilang post-graduate studies. Nakatanggap ng P5000 ang bawat isa sa 42 na mga gurong nakatapos ng master’s degree at P8000 bawat isa sa tatlong mga guro na nakakuha ng doctorate degrees.

READ
Nabundol na jogger, pumanaw na; estudyante kinasuhan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.