Maulan na alas-siete ng gabi nang pumasok ako sa Central Library para humiram ng aklat. Gaya ng nakaugalian, iniwan ko ang aking payong sa lalagyan na nakapuwesto sa lobby ng gusali. Tatlumpung minuto lang ang nagdaan, lumabas ako sa library at nawala na ang aking payong.

Hindi na bago ang ganitong senaryo sa mga Tomasino. Mula nang pumasok ako sa Unibersidad, maraming kaibigan at kapwa Tomasino na ang nagrereklamo ukol sa kawalan ng seguridad ng mga payong na iniiwan sa labas ng Central Library. Sabi nga ng mga kaklase ko, “huwag mo nang asahang makukuha mo pa ang payong mo, kapag iniwan mo sa lalagyan.” Hangga’t maari raw, huwag nang magdala ng payong sa library dahil mawawala lang ito, ngunit paano kung may mahalaga kang aralin na dapat na gawin dito habang masungit ang panahon? Wala kang ibang magagawa kung hindi ang magbakasakali.

Dahil dito, hindi ko maiwasang magtanong kung bakit mayroong mga Tomasino (o taga-labas) na walang pakundangan sa pagkuha ng mga bagay na huwag lang sila ang maulanan. Hindi ko maintindihan kung bakit mayroong mga Tomasinong naaatim mabasa sa ulan ang totoong may-ari ng payong, hindi lamang ito mangyari sa kanila. Hindi ba ito pagnanakaw? Bakit hinahayaan lang ang ganitong mga insidente?

Dito na pumapasok ang disiplina at values na itinuturo hindi lamang sa paaralan kung hindi maging sa tahanan. Nasa kolehiyo na tayo para malaman kung ano ang mabuti sa masama.

Maaaring maliit na bagay lamang ang nawala o ninakaw na payong, ngunit hindi ito dahilan para ito hindi bigyang pansin. Responsibilidad hindi lamang ng may-ari, kung hindi maging ng pamunuan ng Central Library ang mga payong. Magawan sana ito ng aksiyon at sistema nang hindi na maulit ang pagkawala ng mga payong lalo na ngayong tag-ulan.

READ
Thomasian appointed Manila bishop

* * *

Isang propesor ang lumapit sa akin, para ipahayag ang kanyang pagkabahala sa kaliwa’t kanang pagputol ng mga puno sa UST. Aniya, hindi masama ang pagpapaganda at pagpapaunlad ng kaanyuaan ng Unibersidad, ngunit dapat din namang isaalang-alang ang mga bagay na malaki ang naitulong sa pagpapanatili ng maaliwalas na kapaligiran nito. Ilan kasi sa mga punong binuwal ay bihirang- bihira na lamang matagpuan sa bansa.

Maaari namang ilipat ang mga binunot na puno sa ibang bahagi ng UST. Pinag-isipan sana ito nang matagal bago pinutol. Ilang taon ang hinintay bago lumago ang isang puno para putulin lamang para sa mga mabilisang proyekto.

* * *

Sa susunod na buwan, iiwanan na ng Varsitarian ang opisina nito sa Room 112 ng Main Bdlg., para sa bago at mas malaki nitong newsroom sa Tan Yan Kee Student Center. Mula nang lumipat ang opisina nito mula sa UST Post Office noong 1980s, isang henerasyon din ng mga manunulat ng Varsitarian ang kinupkop ng Room 112. Bawat batch ay may sariling kuwento, masaya, nakakatakot at masama. Sari-saring tao na ang naglabas-pasok sa pinto nito, at nalito sa dalawang door knob. Lahat ng ito, maiiwan na lamang sa aming alaala.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.