ISANG teoryang ukol sa pinagmulan ng tao na tinanggap at nagtagal ng maraming taon ang teorya ng ebolusyon ni Charles Darwin. Sa mahabang panahon, inakala ng marami na tanggap na ng Simbahan ang konsepto ng ebolusyon ni Darwin. Ngunit binasag ang katahimikang ito ng obispo ng Vienna, Austria na si Christoph Cardinal Schönborn.

Sa isang sulating nailathala sa New York Times noong Hulyo 7, ipinahayag ni Schönborn na hindi siya sumasang-ayon sa teorya ng ebolusyon na nagsasabi na hindi raw planado ang mga biological na proseso ng mga bagay-bagay at hindi dumadaan sa masusing kaganapan ang mga ito.

“Sumasang-ayon ang opinyon ni Cardinal Schönborn sa mga sinasabi ng Simbahan ukol sa teorya ng ebolusyon,” ani Allan Basas ng Institute of Religion. “Ang kinokontra lamang ng Simbahan sa teoryang ito ay ang konteksto ng hindi paniniwala sa Diyos.”

“Inaalis mo ang posisyon ng design at order sa teorya ng ebolusyon ng mga Neo-Darwinian kung saan dumadaan ang lahat sa walang katapusang pagbabagong anyo, na taliwas sa paniniwala (ng Simbahan) na nilikha tayo ng Panginoon bilang ganito ayon sa Kanyang kagustuhan,” dagdag pa ni Schonborn, isang batikang teologong Dominikano na malapit kay Papa Benedicto XVI.

Bagaman hindi opisyal na kinilala ng Vatican ang posisyon ng cardinal, nag-iwan ito ng malaking dagok sa mundo ng agham.

Noong 1996, isinulat ni Santo Papa John Paul II ang Magisterium is Concerned with Question of Evolution for it Involves Conception of Man, ngunit hindi nito ipinaliwanag nang husto ang tunay na paninindigan ng Simbahan ukol sa ebolusyon.

READ
Ang Varsitarian at si Jose Villa Panganiban

“Ang ebolusyon ng mga nabubuhay na bagay, na pinag-aaralan ng agham ay nakapagdudulot sa atin ng paghanga dahil sa ibinibigay nitong internal finality,” ayon sa sulat.

Para sa mga siyentipiko, partikular na ang mga biologist, hindi na bago ang hindi pagsang-ayon ng Simbahan sa teorya ni Darwin.

“Sa akin, wala namang problema iyon, dahil kagaya naman ng mga itinuturo ko sa klase, hindi naman dahil siyentipiko ka, hindi ka na maniniwala sa Diyos,” sabi ni Josefino R. Castillo ng Department of Biological Sciences sa College of Science. “Pero hindi naman ibig sabihin na dahil hindi tinanggap ng Simbahan ang doktrina ng ebolusyon, hindi na tinatanggap ng agham ang Divine Creation.”

“Kung titignan natin, si Gregor Mendel, siyentipiko siya, Father of Genetics, tapos isa (rin) siyang monghe, isang Austrian monk,” dagdag pa niya. “(Kaya) mali ‘yung kaisipang kapag ako naniniwala sa ebolusyon, hindi na ako (dapat) maniniwala (sa relihiyon).”

Tumutukoy ang neo-Darwinism sa paniniwala nina Charles Darwin at Gregor Mendel na ang modernong henetika ang susi upang maintindihan ang pinagmulan ng mga nabubuhay na organismo, na dulot lamang ng hindi inaasahang mga pagkakataon.

“(Ngunit) kung wala ka sa field ng science, sasabihin mong haka-haka lamang iyan na nakikita mo. Sasabihin mo ngayong iyon na ‘yung totoo, hinuhulaan mo na lamang kung ano (ang magiging) dulo,” ani Castillo.

Ayon kay Schönborn, bagama’t ipinapaubaya ng Simbahan ang detalye ng pagsisimula ng buhay sa agham, may kakayahan ang taong matukoy na may disenyo at layon ang natural na mundo.

Nakuha rin marahil ng ilang neo-Darwinist ang ideya na tanggap ng Simbahan ang kanilang kaisipan sa isang dokumento ng International Theological Commission na pinamahalaan ni Santo Papa Benedict XVI hanggang 2004, na nagsasaad na walang direktang pagtutol ang Simbahan sa ebolusyon.

READ
UST holds pastoral assembly

Ayon kay Schönborn, kung sisiyasatin nang mabuti ang dokumento, tanging babala lamang ito sa mga mambabasa, na hindi nangangahulugang kinakampihan ng Simbahan ang mga nagsililitawang mga teorya ng ebolusyon, maging ang paniniwalang neo-Darwinism.

Maihahambing ang dokumento sa minsang paghingi ng tawad ng Santo Papa John Paul II sa maling paghusga ng Simbahan sa paniniwala ni Galileo Galilei.

“Hindi tayo nilikha ayon sa pagkakataon, kung hindi ayon sa talino ng Panginoon,” dagdag pa ni Basas.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.