KAHIT na siya ay may pharyngitis, nakamit pa rin ng isang Tomasino ang korona sa unang Ms. Association of Southeast Asian Nation (Asean) beauty contest noong Marso 19 sa Jakarta, Indonesia.
Itinuring ni Jhezarie Javier, 22, isang Hotel and Restaurant Management alumna, ang pagkapanalo bilang isang malaking biyaya na sumubok sa kanyang kakayahan.
“It was a blessing. I couldn’t even stand straight the day before the pageant and I only had enough strength to finish it,” ani Javier.
Nakatulong din umano kay Javier ang kanyang pagiging Tomasino sa pagpapatibay ng kanyang pananalig sa Diyos nung nagkasakit siya kaya naman laking pasasalamat niya nang nakamit niya ang titulo.
“I just wanted to prove to the rest of the Asian countries what the Philippines has to offer and be proud of,” dagdag niya.
Umalis ng bansa si Javier tungong Indonesia noong Abril 8 upang bisitahin ang mga pagawaan upang paigtingin ang kalakalan at kakayahan ng mga manggagawa sa bansang Indonesia. Layunin din niya bilang Ms. Asean na libutin ang Asya upang ipahiwatig ang pagtangkilik sa kalakalan at industriya bilang embahador.
Pinarangalan din si Javier bilang “Natural Beauty.” Naging kinatawan siya ng bansa sa Ms. International na ginanap noong nakaraang taon sa Tokyo, Japan.
Nagkamit si Javier ng Rp. 50 milyon (humigit kumulang 286 libong piso), isang kotse (Hyundai Trajet), at Artha Gading na apartment sa Jakarta, Indonesia bilang opisyal na tuluyan sa Indonesia para sa buong taon.
Inilunsad ng Asean Business and Advisory Council ang timpalak na nilahukan ng walong delegado sa layuning ipalaganap ang turismo, kalakalan, at pamumuhunan sa mga kasaping bansa ng Asean.