Dibuho ni Carlo Patricio P. FrancoIlang araw na lamang ang bibilangin bago dumating ang araw ng Pasko, ngunit tila ngayon ko lang naitanong sa aking sarili: “Paano ba namin ipagdiriwang ang Pasko, ngayong dalawa na lamang kami ng aking kapatid na narito sa Pilipinas?”

Noon, ipinagdiriwang ng aming pamilya ang Pasko nang sama-sama. Gaya ng ibang pamilya, masaya na kami sa pamimili ng mga regalo nang sabay-sabay. Sa bisperas naman ng Pasko, kuntento na kami sa pagsisimba at pagkakaroon ng sariling handaan sa bahay. Ngunit lahat ng ito ay nagbago nang magtungo ang aking mga magulang sa ibang bansa, upang matutustusan ang pangangailangan ng aming pamilya.

Masasabi kong kabilang ang aking pamilya sa tinatawag na modernong diaspora o ang pag-alis ng mga tao sa bayang kinagisnan pagtungo sa ibang bansa upang doon na manirahan. Ilang taon na rin kasing nasa ibang bansa ang aking mga magulang. Si Daddy, pitong Pasko na ring hindi umuuwi rito sa Pilipinas, habang si Mommy naman, apat. Nais nilang pasunurin na kaming magkakapatid sa Amerika upang doon na tuluyang manirahan matapos magtapos sa kolehiyo.

Umalis man ang aming mga magulang, ganoon pa rin ang gawi naming tatlong magkakapatid tuwing sasapit ang Pasko. Ibinabawi na lamang namin ang kawalan ng presensya ng aming mga magulang sa paghahanda ng mas masasarap na pagkain, at siyempre sa pakikipag-usap nang mahaba sa aming mga magulang sa telepono, o minsan nama’y sa internet.

Labingsiyam na taong gulang pa lang ako ngunit hindi lamang pagiging isang mag-aaral sa Kolehiyo ng Narsing ang aking gampanin. Gaya ng ibang mga ka-edad ko, isa rin akong anak, isang kabarkada, at isang ka-organisasyon. Ngunit pagdating sa aming tahanan ngayon, ako na rin ang tumatayong nanay, tatay, at ate ng aking nakababatang kapatid.

READ
Voter ed program for 2010 launched

Hindi ako ang panganay sa aming magkakapatid, ngunit matapos sumunod ng aming ate sa Amerika ngayong taon, mas bumigat ang aking responsibilidad.

Mahirap pagsabayin ang pag-aaral ng nursing at ang pagsusulat sapagkat kinakailangan ng oras at dedikasyon sa parehong aspeto. Matapos ng nakakapagod na duty, paghahabol naman sa deadline ng istorya ang aking aatupagin. Kung madadagdagan pa ito ng mga pantahanang responsibilidad, higit na magiging mas mahirap ang aking pasanin.

Minsan, natanong ako ng isa kong kaklase kung mahirap daw bang maghawak ng pera’t mag-budget. Para sa isang katulad kong maraming pasanin, tunay namang mahirap matapos ang karagdagang gawaing ito. Paliwanag ko sa kanya na kasama sa prosesong ito ang pagsisingit sa mahigpit na class schedule ng oras sa pagpunta sa bangko, pagbili ng mga groceries, at pagbabayad ng mga bills. Hindi man ako ang nagbabanat ng buto para kumita ng pera, pilit ko namang hinahanapan ng paraan na mapagkasya ang oras ko sa lahat ng aking obligasyon.

Minsan maiisip mong tila wala ka nang oras para sa iyong sarili. Magrereklamo ka sa sarili mo na wala ka nang pahinga’t sapat na tulog para maayos ang mga bagay-bagay na dapat mong tapusin. Sa ganitong punto, kinakailangan mo nang magsakripisyo. Titimbangin mo kung anong higit na dapat na pagtuunan ng pansin, at kung sinu-sino ang maaapektuhan ng bawat kilos na iyong gagawin.

Minsan, sa pag-aaral, nakalilimutan kong maglaan ng oras para sa trabaho ng pagsusulat. Minsan, sa pagtatrabaho, nakaliligtaan kong asikasuhin ang pangangailangan ng aking kapatid at ang pagyayaya ng mga kaibigan. At minsan naman, dahil sa pag-aasikaso ng aming mga pangunahing pangangailangan, nawawala na sa isip ko ang simpleng pagkumusta man lamang sa mga magulang.

READ
Thomasians land in Top 10 of board exams

Ilang Pasko na rin ang lumilipas na wala sina Mommy’t Daddy ngunit, ito ang unang Paskong tunay kong nararamdaman na kahit gaano kabigat ang mga obligasyon mo para sa sarili at sa ibang tao, higit namang importante na mayroong pa ring mga taong nagtitiwala sayo, kahit sila pa ang dahilan ng ilan sa mga paghihirap mo.

Tila ngayon ko rin lamang naisip na wala pa sa katiting na paghihirap nila ang mga trabahong nakaatas sa akin ngayon. Masuwerte kami ng kapatid ko ‘pagkat hindi naman kami ang nagbanat ng buto mapag-aral ang aming mga sarili’t tustusan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan.

Ilang Pasko pa kaya ang lilipas nang kaming dalawa na lamang ng aking kapatid ang magdiriwang? Hindi ko alam. Ngunit sisiguruhin ko na sa tuwing sasapit ang Pasko, kahit wala sina Mommy’t Daddy dito, panatag ang loob nilang tinutupad namin ang mga simpleng kagustuhan nila para sa amin.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.