NAGULANTANG ang buong mundo sa kumakalat na kuwento ng mga pari na sumuway sa kanilang pangako noong sila’y ordenahan, na mamuhay nang malaya sa tawag ng laman. Sa ibang bansa, patok sa balita ang mga pari at obispo na nasasangkot sa kasong pedophilia. Katunayan, isang diyosesis ang muntik nang maubusan ng pera dahil sa laki ng ibinayad nila sa korte bilang damyos sa mga naging biktima ng kanilang mga pari.

Sa Pilipinas, matunog pa rin ang usapin tungkol sa mga paring nagkaroon ng bawal na relasyon, na kadalasan ay nagbubunga. Napabalita ang isang kumbento na ginawang taguan ng mga babaeng nabuntis ng mga pari. May karamihan din ang lumantad upang ibahagi ang kanilang mga kuwento ng mga lihim na pag-iibigan sa mga alagad ng simbahan.

Ang usaping ito ay nagdulot ng mga samu’t saring opinyon. Nariyan ang panawagan na payagan na ng Simbahan ang kaparian na tumanggap ng sakramento ng kasal. Sabi ng ilan, isang porsyento lamang daw ng buong kaparian ang tumiwalag sa kanilang sinumpaang pangako noong sila ay inordenahan. Hindi raw nararapat na gamiting argumento ang kamalian ng mangilan-ilang pari upang payagan ang buong kaparian na magkaroon ng sariling asawa at anak.

Tao rin ang mga pari. Sa tagal ng pagtira ko sa seminaryo, marami na ring mga pari ang nakasalamuha ko. Nakita ko kung paano sila magalit dahil sa mga maliit na bagay, tumawa nang pagkalakas-lakas, gumawa ng mga kalokohang hindi mo akalaing magagawa nila. Sa pagiging tapat nila sa kanilang sarili, lalong tumibay ang hangarin kong magtiiis at magpatuloy. Doon ko napatunayang hindi ko pala kailangang talikuran ang aking pagkatao, tanggapin lamang ako ng simbahan.

READ
'Let's get physical': CRS offers aerobics to teachers

Datapwa’t ang mga pari ay tinawag sa kakaiba at natatanging pagsisilbi, nawa’y hindi natin kalimutan na sila ay nilalang din na may pusong nasasaktan. Mahirap umiwas sa mga tukso ng mundo. Hindi sapat ang tagal nila sa seminaryo upang mamuhay silang tila santo. Sa hirap ng kanilang trabaho, hindi nila maiwasang dumanas ng kalungkutan. At sa kanilang karupukan, hindi nila namalayang nagkakasala na pala sila.

Sa aming lugar, marami na ring umalis sa kaparian upang gampanan ang tungkulin ng isang padre de pamilya. Mangilan-ilan din ang patuloy na kumakapit sa kanilang mga sotana, namumuhay sa dalawang pagkatao: siya ay pari sa kanyang kongregasyon at tatay sa kanyang asawa’t anak.

Ang mainit na tanong ngayon ay kung ano ang gagawin ng simbahan sa problemang ito. Noong kabataan pa ng Simbahan, hindi sila naging mahigpit sa pagbabawal ng pagpapamilya ng isang pari. Kahit noong naging mahigpit na ang doktrina ng simbahan laban sa pagkakaroon ng pamilya ng isang pari, puno pa rin ang ating kasaysayan ng mga Padre Damaso.

Ngayon na ba ang tamang oras upang baguhin ng simbahan ang posisyon nito ukol sa tinatawag na mandatory celibacy?

Nararapat nang gumalaw ang simbahan upang ayusin ang gulong ito. Kailangan din ng simbahan na mamangka sa pabago-bagong agos ng panahon. Subalit handa ba tayong tanggapin ang mga pagbabagong ito?

Ang kapariang Katoliko ay tunay na naiiba sa mga pari at pastor sa ibang denominasyon. Matagal ang panahon na inilagi nila sa seminaryo, panahon na ginugol upang ihanda sila sa mga kakaibang buhay ng isang pari. Hindi lamang sila nagmimisa, nagbibinyag, o nangangaral. Laan sa simbahan, sa mga tao, sa lahat ng mga nangangailangan ng kanilang mga tulong ang kanilang buong oras at atensyon.

READ
SM-USTH wins in certification elections

Sa madaling salita, hindi ganoon kasimple kung papayagan ang mga pari na makapag-asawa. Isang malaking pagbabago rin ang magaganap sa konsepto at diwa ng buong kaparian.

Isang halimbawa ay ang pangungumpisal. Batid nating ang kumpisal ay isang sagradong sakramento. Inaanyayahan tayong mangumpisal sa pangakong lahat ng mga nangyari at nasabi sa loob ng kumpisalan ay hindi na malalaman ng iba, maski ang batas. Kung pamilyado ang isang pari, di maiwasang ilahad niya lahat ang kanyang mga saloobin at nalalaman sa kanyang asawa. Paano na ngayon si Juan na nangumpisal, na umaasang mananatiling lihim ang pagkakamaling nagawa niya?

Hindi permanente ang isang pari sa lugar o posisyon na kanyang pinagsisilbihan. Ibig sabihin, kailangan niyang sundin kung ano at saan mang tungkulin ang ibibigay sa kanya ng kanyang obispo o superior. Sa aming diyosesis, kadalimang taon ay nagpapalit-palit ang mga pari sa kanilang mga gawain at posisyon, mapa-parokya man, seminaryo, paaralan o opisina.

Kung papayagan silang magkaroon ng pamilya, hindi ba ito magsisilbing pabigat sa mga tungkulin nila sa mga parokyano? Sino kaya ang dapat niyang unahin, ang pamilya o ang mga parokyano?

Bata pa lamang akong seminarista. Hindi ko pa lubos maipagmamalaki na kaya kong unawain ang mga pagsubok na bumabalot sa simbahang pinapangarap kong pagsilbihan bilang pari. Ang sa akin ay isang pananaw ng isang seminarista na tuliro rin sa mga iskandalong yumayanig sa Simbahan. Hindi naging madali para sa amin na isipin na ang simbahang sinumpaan naming pagsisilbihan ay hindi rin nakakaiwas sa mga ganitong problema.

Oo nga’t ngayon na ang tamang pagkakataon na gumawa ang Simbahan ng kaukulang hakbang upang lutasin ang naturang suliranin. Kailangan nilang bigyang pansin ang mga bagay-bagay na hinihingi ng kasalukuyang panahon. Maaring ito ay radikal sa iba, halintulad sa pag-aalis ng wikang Latin sa Banal na Misa noong Vatican Council II. Handa na ba tayong tanggapin lahat ng mga ito? Handa na ba tayong talikuran ang isang disiplina na nagpatibay sa ating Simbahan? O magtatago na lang ba tayo sa pader ng takot at pangamba at pabayaan na lamang ang mga sakit na ito na dungisan ang ating Simbahan?

READ
Bulay-bulay sa pagbabago

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.