BAWAL pagsamahin ang mga lalaki at babaeng mag-aaral sa iisang dormitoryo.

Ito ang napag-alaman mula sa mga opisyal ng siyudad ng Maynila, na nagbigay-babala sa mga may-ari ng dormitoryo at boarding houses na sumunod sa mga patakaran—lalo na sa mga ordinansang nagtatakdang pangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral—kung ayaw nilang maipasara.

Ipinasara ng pamahalaang lungsod noong Hunyo 2010 ang Active Dormitory sa España Boulevard na dating tinutuluyan ng mga atleta ng Unibersidad, dahil sa paglabag sa Ordinansa Blg. 4765 na nagbabawal na patirahin sa iisang dormitoryo ang mga babae at lalaki.

Ayon kay Jesus Marzan, city administrator, layon ng ordinansa na iwasan ang mga insidente tulad ng hindi inaasahang pagbubuntis.

“Minsan ang first floor [ay para sa] lalaki, dadaan ang mga babae na nasa third floor nakatira. Kung lasing ang mga lalaki baka biglang dalhin sa kwarto nila, o magyaya sa kwarto ng inuman,” ani Marzan sa isang panayam.

Ngunit marami pa ring nakalulusot na dormitoryo sapagkat tuwing kukuha ng lisensya ang mga may-ari, hindi isinasaad na ang dormitoryo ay pinauupahan sa parehong babae at lalaki, aniya.

Isa pang paraan ay ang pagrerehistro bilang condominium. “Kapag ni-register mo siya as condominium, hindi tuloy umaakma ang probisyong nagbabawal sa pagsasama sa babae at lalaki sa iisang gusali,” ani Marzan.

Ayon pa kay Marzan, kinakailangang siguruhin ng mga may-ari ng dormitoryo at boarding houses na mayroon silang mayor’s permit, fire safety inspection certificate, certificate of final electrical inspection, sanitary permit, certificate of annual building inspection, sapat na garbage disposal facilities, personal accident insurance, at no smoking sign bago makapagsimula ng operasyon.

READ
Kapuri-puring panimula

Maaaring tanggalin ng alkalde ng Maynila ang lisensya at permiso ng mga dormitoryo o boarding houses kung napatunayang lumabag sila sa mga patakaran, matapos mabigyan ng sapat na abiso, dagdag pa niya.

Karaniwang nilalabag ng mga dormitoryo at boarding house ang regulasyon ukol sa pagkakaroon ng maayos na fire exit.

“Hinihintay pa nilang magkasunog bago ilagay ‘yung fire exit. Minsan may fire exit pero ‘di ka naman makalalabas, walang mga exit signs, walang directional signs, at walang emergency lights,” ani Marzan.

Tinatayang higit sa 300 dormitoryong ang may lisensya mula sa Manila City Hall sa buong ikaapat na distrito kabilang na ang Sampaloc, ayon sa ginawang pagsusuri ng lokal na pamahalaan noong nakaraang Enero.

Alinsunod sa nabanggit na ordinansa, hindi dapat maglalaman ng higit sa anim na nangungupahan ang isang kwartong may sukat na 20 square meters. Ang lapad naman ng mga pasilyo ay hindi dapat bababa sa dalawang metro at ang mga grills ng bintana ay hindi dapat permanente upang hindi maging fire trap sakaling magkaroon ng sunog.

Pinayuhan din ni Marzan ang mga mag-aaral na tiyaking maayos ang tutuluyan at kumpleto ito sa mga lisensya at permiso.

Pinaalalahanan rin niya ang mga magulang na tiyaking mayroong kontrata ang dormitoryo upang masiguro na ang pamunuan nito ay may pananagutan sa mga nangungupahan sakaling may mangyaring sakuna.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.