NAKALIGTAAN nga ba ang mga guro sa kolehiyo sa mga usapin sa K to 12?

Pumirma ang 17 opisyal ng mga faculty union sa isang petisyon para sa Pangulong Benigno Aquino III, ng iba’t ibang pribadong kolehiyo at unibersidad sa Kamaynilaan upang magkaroon ng faculty representation sa pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulations ng Enhanced Basic Education Act o mas kilala bilang K to 12 Law. “There is a need for all stakeholders to be represented in the drafting of the Implementing Rules and Regulations if only to properly address the foregoing issues and concerns of those affected faculty and staff of private colleges and universities,” batay sa kopya ng petisyong nakalap ng Varsitarian.

Nakasaad sa Artikulo XIII o Social Justice and Human Rights ng 1987 Constitution na lahat ng manggagawa ay maaaring lumahok sa paggawa ng mga patakaran at mga desisyon na makaaapekto sa kanilang mga karapatan at benepisyo.

Ayon kay Rene Tadle, internal vice president ng UST Faculty Union (USTFU), mahalaga ang presensiya ng mga guro sa kolehiyo sa mga diskurso kaugnay ng K to 12.

“[USTFU President George] Lim has communicated with the University that they have to involve the faculty members in the dialogue, insofar as K to 12 is concerned. We believe that we can also share some inputs on those policies that they may draft. We do recognize the management prerogative but at the same time, we pray that they will also consider some of our suggestions,” ani Tadle noong ika-20 ng Hulyo.

Iginiit naman ni Alan Macaraya, direktor ng Department of Labor and Employment-National Capital Region, sa parehong pagtitipon na kailangang konsultahin ang mga propesor lalo na at magkakaroon ng “massive displacement” sa mga propesor pagdating ng 2016.

READ
Faculty Union distributes P10-M savings

“Dapat makipag-dialogue na [ang gobyerno] sa [faculty members] to try to consult [them] kung ano talaga ang pwedeng gawin [sa 2016]. [Faculty members of HEIs] have to come together and look at these things, and make [their] presence felt kasi [sila] ‘yung tatamaan ng problemang ito,” ani Macaraya.

Mawawalan ng teaching load ang mahigit-kumulang 90, 000 propesor ng kolehiyo sa buong bansa pagsapit ng 2016 dahil sa pagdadagdag ng dalawang taon sa high school. Ayon kay Macaraya, ang mga guro ay hindi lamang maaaring mailipat sa ibang trabaho; ang kanilang mga sahod ay mababawasan din. Nasa peligro rin ang tenureship ng mga maaapektuhang guro, ani Macaraya.

Ngunit binuweltahan ng DepEd ang mga usaping mawawalan ng trabaho ang mga propesor ng kolehiyo dahil ayon sa kagawarazn, sasagutin ng gobyerno ang “massive layoff” sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga guro sa kolehiyo ng trabaho sa senior high school.

Mga bagong asignatura

Dahil din sa pagpapatupad ng K to 12 program, naglabas ang Commission on Higher Education (CHEd) ng bagong memorandum order (CMO) na nagtatakda ng mga bagong general subjects sa kolehiyo. Ang CMO 20 na pinamagatang “General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies” ay naglalayong magbigay ng intellectual competencies, personal and civic responsibilities, at practical skills sa mga estudyanteng kolehiyo.

Ang bagong kurikulum ay binubuo ng walong asignatura ng core courses, tatlong asignatura ng elective courses, at isang asignatura ng Rizal course alinsunod sa Republic Act No. 1425 o Rizal Law.

Ang mga core courses na may tigtatlong yunit ay: Pag-unawa sa Sarili (Understanding the Self), Mga Babasahin Hinggil sa Kasaysayan ng Pilipinas (Readings in Philippine History), Ang Kasalukuyang Daigdig (The Contemporary World), Matematika sa Makabagong Daigdig (Mathematics in the Modern World), Malayuning Komunikasyon (Purposive Communication), Pagpapahalaga sa Sining (Art Appreciation), Agham Teknolohiya at Lipunan (Science, Technology and Society), at Etika (Ethics).

READ
Thank you, PDAF—and good riddance!

Ang mga elective courses naman ay binubuo ng 12 asignaturang naka-kategorya sa tatlo: Matematika, Agham at Teknolohiya (Mathematics, Science and Technology), Araling Panlipunan at Pilosopiya (Social Science and Philosophy), at Sining at Makataong Sining (Art and Humanities).

Labing-apat na academic subjects ang ililipat sa Senior High School: apat na asignatura sa Wika (Language), dalawa mula sa Literatura (Literature), isa sa Komunikasyon (Communication), dalawa sa Matematika (Mathematics), isa sa Pilosopiya (Philosophy), dalawa sa Agham (Natural Science), at dalawa sa Araling Panlipunan (Social Science).

Ayon kay UST Philosophy Chair Paolo Bolaños, ang pagbabago ng GEC ay isang “lohikal na bunga ng K to 12 program ng DepEd” na magbibigay ng sapat na kaalaman sa mga estudyante ng kolehiyo.

Ayon naman kay CHEd Executive Officer Julito Vitrolo, hindi mababawasan ang mga taon ng pag-aaral sa kolehiyo dahil ang mga ililipat na asignatura sa high school ay papalitan ng mga propesyunal at iba pang asignatura.

“More or less, magiging four years pa rin naman ang ang mga college degrees, [kasi] madadagdagan ito ng more professional courses and other general education courses na talagang for college,” ani Vitriolo sa isang panayam ng Varsitarian.

Ang mga guro ng mga general education courses sa kolehiyo na maaapektuhan ng pagbabago ng GEC ay maraming maaaring gawin ayon kay Vitriolo.

“It’s either they’d be allowed to teach [Grades] 11 and 12, or do research, or [still] teach upper years,” aniya.

Ang nasabing kurikulum ay ipatutupad sa akademikong taong 2018-2019 kung saan ang unang pangkat ng mga mag-aaral ng programang K to 12 ay papasok na sa kolehiyo.

READ
Banta sa pagpapahayag

Pagtanggal sa NCAE

Samantala, hindi na kailangang kumuha ng National Career Assessment Exam (NCAE) ang mga estudyanteng nasa Grade 8 simula ngayong taon.

“In the K to 12 Curriculum, students should already decide beforehand what career pathway they would want to pursue before they enter Grades 11 and 12. NCAE is given to students in the old curriculum to guide them and their parents in their program choice in college. Since choosing a career pathway is already embedded in the new curriculum, there is no need to administer the same test to K to 12, Grade 8 students,” ani Marishirl Tropicales, punong guro ng UST High School sa isang email sa Varsitarian.

Subalit ang third year students na nananatiling bahagi ng Basic Education Curriculum na hindi saklaw ng K to 12 ay kailangan pa ring kumuha ng NCAE sa Agosto 28. Siyamnapu’t walong estudyante ang kukuha ng NCAE mula sa UST Education High School habang 487 naman ang kukuha ng pagsusulit sa UST High School.

Sa NCAE nasusuri ang abilidad ng mga mag-aaral upang sila ay mapayuhan sa kung ano ang nais nilang tahakin kapag sila ay nagtapos na ng high school.

1 COMMENT

  1. Hindi madaling usapin ang K-12 lalo na kitang kita naman na hindi gaanong preparado ang gobyerno sa ganitong pagbabago. Ngunit dahil andiyan na yan, mas maigi na mabigyan ng angkop na atensyon ang lahat ng apektado sa K-12. Sa pananaw ko, naging apurado ang gobyerno sa pagiimplement ng ganitong balangkas. Sana, nagkaroon ng mga pilot testing. Yun nga, andiyan na yan, pero importante na matuunan ito ng pansin lalo na sa mga propesor na unang una, ay guro din naman. Hindi ibig sabihin na importansya ang mga estudyante ay ihuhuli na ang mga guro. “You can’t put students first if you put teachers last,” ika nga.

    Sana magawan ito ng paraan. Hindi kailanman dapat gawin apurado ang usaping edukasyon.

    Saludo ako sa nailathalang artikulong ito! Mabuhay kayo!

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.