File Photo8 Agosto 2014, 12:39 p.m. – PUMANAW na ang kauna-unahang Pilipinong rektor ng Unibersidad ng Santo Tomas na si Leonardo Legaspi, O.P., ang arsobispo emerito ng Caceres, kaninang umaga.

Si Legaspi ay pumanaw sa edad na 78 matapos sumuko sa kanser sa baga sa pagamutan ng UST, alas singko ng umaga.

Nagsilbing rektor ng Unibersidad si Legaspi mula 1971 hanggang 1977. Naging katuwang na obispo ng Maynila si Legaspi hanggang sa italagang ikatlong arsobispo ng Caceres sa Naga noong 1984. Doon ay nagsilbi siya ng 28 taon. Nagretiro siya noong 2012.

Pinamunuan ni Legaspi ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) mula 1988 hanggang 1991.

Nagtapos si Legaspi ng licentiate at doctorate sa Sacred Theology noong 1962 at doctorate sa Philosophy noong 1975 sa UST.

Inilarawan ni Fr. Rex Alarcon, dating kalihim ni Legaspi, ang arsobispo bilang isang indibiduwal “with a strong sense of duty,” sa paunang salita ng “Living the Episcopacy,” ang aklat na isinulat ni Legaspi na naglalaman ng kanyang karanasan bilang obispo sa loob ng tatlong dekada.

Ayon sa CBCP, mananatili ang mga labi ni Legaspi sa Simbahan ng Santisimo Rosario sa UST hanggang Lunes, Agosto 11. Pagkatapos, dadalhin ito sa Basilica ng Nuestra Señora de Peñafrancia sa Naga kung saan ito mananatili hanggang Agosto 13.

Ang libing ay sa Agosto 15, Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Birheng Maria sa Langit, matapos ang Misa ng ika-2 ng hapon sa Dambana ng La Naval de Manila, Simbahan ng Sto. Domingo, sa Quezon City.

Ang pagpanaw ni Legaspi ay kasabay ng ika-37 taon ng kanyang episcopal ordination at ng kapistahan ni Santo Domingo de Guzman, tagapagtatag ng “Order of Preachers,” ang orden ng mga relihiyosong kanyang kinabilangan. Angeli Mae S. Cantillana

READ
Youth reminded: Papal visit not a social gathering

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.