HIGIT na lalalim ang talakayan sa silid-aralan kung ang wikang pambansa ang gagamitin sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura sa mga mag-aaral lalo na ngayong napanatili ang Filipino sa kolehiyo.

Magandang pagbubukas sa Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon ang desisyon ng Commission on Higher Education (Ched) na ipagpatuloy ang pagtuturo ng asignaturang Filipino sa mga institusiyon para sa mas mataas na edukasiyon.

Patuloy nang natuldukan ang kabi-kabilang protesta ng mga tumututol sa pagkaltas ng asignaturang Filipino sa pangkolehiyong kurikulum noong ika-18 ng Hulyo sa pangunguna ni Patricia Licuanan, tagapangulo ng Ched. Ipinag-utos niyang panatilihin ang pagtuturo ng Filipino sa kolehiyo mula anim hanggang siyam na yunit depende sa programang kinukuha ng mag-aaral.

Nakasaad sa Ched Memorandum Order (CMO) 59 serye ng 1996 na mayroong siyam na yunit ng Filipino para sa Language at Literature habang nasa CMO 4 serye ng 1997 naman nakasaan na mayroong anim na yunit ng Filipino para sa Humanities.

Ito ang ginawang aksiyon upang hindi maisakatuparan ang CMO 20 serye ng 2013 na nagsasaad na tanggalin ang mga asignaturang Filipino sa kolehiyo at ilipat ang mga ito sa dalawang taong dinagdag sa basic education ng K to 12 o senior high school.

Pagsang-ayon ng akademya

“Sa pagtuturo ng agham, mas mabuti kung ito ay mailalapit sa araw-araw na kabuhayan,” wika ni Fortunato Sevilla III, propesor emeritus at dating dekano ng College of Science ng Unibersidad na hinirang ding Kampeon ng Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Aniya, susi ang paggamit ng wikang Filipino sa komunikasiyon sa pagkakaroon ng mas malalim at mas makabuluhang pakikipanayam.

Mungkahi naman ni Tereso Tullao, Jr., dalubguro ng ekonomiks sa De La Salle University, ang hindi paggamit ng wikang Filipino ang sanhi kung bakit hindi napagbubuklod ang ating lipunan partikular na sa sektor ng edukasiyon.

Kung magiging intelektuwalisado ang wikang Filipino, magagawa nitong mapag-isa ang mga Filipino lalo na kapag ginagamit ito araw-araw ng mga iskolar, propesor at maging ng mga pinuno ng bansa sa kani-kanilang larang, dagdag pa niya.

“Malaking bahagi ng midya [sa paglago ng wika] lalo na [kung ang’ radyo at telebisyon ay pinatatakbo sa paggamit ng wikang Filipino,” ani Tullao.

Ipinaliwanag din niyang bagaman magiging malaking ambag ang pagiging maalam at matatas ng mga Filipino sa wikang Ingles sa mga panlabas na transaksiyon, malalanta naman ang integrasiyong panloob ng ating lipunan kung pipilitin itong paghariin sa bansa sapagkat malayo pa rin ang wikang banyaga sa kamalayan at karanasan ng mga ordinaryong Filipino.

Ginawa niyang halimbawa ang larangan ng batas bilang isa sa mga nagpapatunay na napakalaking bahagdan pa rin ng populasiyon ng Filipinas ang madalang na paggamit ng wikang Ingles.

Samantala, pinabulaanan naman ni Purificacion Delima, Komisyoner sa Ilokano ng KWF, ang paniniwala ikababagsak ng Ingles ang pag-angat sa wikang Filipino.

Mungkahi ni Delima sa isang talastasan kasabay ng opisyal na pagbubukas ng Buwan ng Wikang Pambansa 2016 noong ika-1 ng Agosto, sabay dapat na isinusulong ang Ingles at Filipino sapagkat hindi naman maaaring magpakadalubhasa sa isang wika ang mga Filipino nang walang pangunahing wikang mas mahusay na nagagamit

Iginiit niyang higit na mapayayabong ang wikang Filipino sa loob at labas ng bansa kung gagamitin at palalawakin ito gaya ng ginagawa natin sa wikang Ingles.

Sa katunayan, ayon sa resulta ng Test of English as a Foreign Language, isang respetadong pagsusulit sa wikang Ingles sa buong mundo, noong 2010, ika-35 ang Filipinas mula sa 163 na bansa sa pinakamatatas na gumagamit ng banyagang wika habang pangatlo naman sa Asya kasunod ng Singapore at India.

Mga susunod na hakbang

Patuloy naman ang KWF sa kampanyang isulong ang wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan.

Hangarin ng ahensiya na patuloy nang maisalin sa Filipino ang mga terminong likas sa siyensiya, matematika, biyolohiya at iba pang mga teknikal na usapin nang sa gayon maipaalala na rin sa mga mag-aaral ang kapangyarihan at kagandahan ng sarili nating wika.

Ayon kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining at tagapangulo ng KWF, nasa tuktok ng kanilang hangarin ang maituring na “wika ng karunungan” ang Filipino kung saan magagamit ito sa pagtuturo at pang-araw-araw na diskurso. Jolau V. Ocampo at Winona S. Sadia

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.