MAHIRAP na masarap ang first time.

Para sa isang 19-anyos na kilalang “birhen” sa anumang gawain, isang malaking hamon ang sumalungat sa kung anuman ang wasto sa paningin ng lipunan.

Matapos ang halos dalawang dekadang pananatiling “anghel” sa paningin ng walang kamuwang-muwang sa tunay na takbo ng isipan ko, heto ako ngayon, kaharap ang ilang basyo ng beer na pinagpipiyestahan ng aking mga barkadang tila nanginginig pa sa bawat paglagok.

Ibang-iba ang dating ng paligid—maingay ang bawat sulok ng lugar at bigay na bigay sa pagkanta ang bandang nasa entablado. Nariyan din ang mga nagsasayawang kababaihang tinipid sa tela ang mga kasuotan na nagpatindig sa balahibo ko.

Malakas at nakakaindak ang musikang itinutugtog ng bandang na nagwawala na sa entablado. Tila isang panibagong mundo ang kinalulugaran ko ngayon. Ngayon ko lamang natakasan ang hindi maubos-ubos na mga gawaing bahay, mga librong gabi-gabing pinapasakit ang aking mga mata, ang panenermon ng ama na naging bahagi na ng bawat araw. Sa unang pagkakataon, ang dating “manang” na bahay-eskuwela lamang ang depinisyon ng buhay, madadampian na rin ng alak ang labi.

Hindi ko nagawang tanggihan ang basong umaapaw pa sa bula nang iniabot ng isang kabarkada. Ipinikit ko na lamang ang mga mata. Pinilit kong tiisin ang tila libo-libong karayom na tumutusok sa aking lalamunan. Tuluy-tuloy ang paglagok ko sa serbesang ilang taong iniwasan habang nagsisigawan ang mga kainumang tila nagwagi sa paligsahan

Kakaiba pala ang pakiramdam—pinaghalong pananabik at pangamba. Para akong batang ngayon lamang natutong maglakad, nariyan pa rin ang takot na baka matumba kung hindi maaalalayan.

READ
Ang itinakdang araw

Patuloy pa rin ang pagdaloy ng alak sa aking lalamunan hanggang sa naging manhid na ito sa kirot.

Ganito pala ang pakiramdam ng malasing. Parang sumasayaw ang buong paligid. Lalong lumakas ang pananabik na nadarama.

Pakiramdam ko, malaya na ako sa pagkakagapos sa anino ng isang “manang” at sa imahe ng isang “birhen” na kadalasang ginagawang katatawanan ng barkada.

Gumuhit ang isang mapagwaging ngiti sa aking mga labi.

Sa wakas, kabilang na ako sa mga taong minsang inakala kong malayong maging ako.

Unti-unting bumigat ang aking ulo. Ipinatong ko na lang ang noo ko sa kamay na nakadantay sa mesa. Hindi ko na namalayang tuluyan akong nahimbing.

Naalimpungatan na lamang ako sa mga tinig na narinig—mga malalakas na halakhak at kantiyawan ng mga lalaking hindi ko na maintindihan ang mga pinag-uusapan. Mabigat ang pakiramdam ko at nananakit ang buo kong katawan na tila may kung anong puwersa ang nagpipigil sa aking kumilos. Ilang sandali pa, tila may isang bagay na humataw sa ulo ko na nagpawala sa aking ulirat.

Pagmulat ng mga mata, iba na ang lugar na nakikita ko. Wala na ang bandang bigay-todo sa pagkanta. Wala na ang mga babaeng kulang sa pansin. At wala na rin ang mga kaibigang nagpatikim sa akin ng panibagong buhay. Wala ni- kapiranggot na kasiyahan ang madama sa silid na iyon. Inilibot ko ang mga mata sa silid—kulob at malamig na puting silid na may nakabibinging katahimikan.

Nakahimlay ako sa maliit na kama. Hindi makagalaw. Manhid ang aking buong katawan. Maruming-marumi ang aking damit na may bahid pa ng kung anong pulang mantsa. Bumukas ang pintuan. Unang pumasok ang isang lalaking naka-berdeng uniporme kasama ang isang pulis.

READ
Red Cross fetes Science prof

Sumunod ang dalawang taong punong-puno ng sindak ang mga mukha pagkakita sa akin.

“Siya nga, ang anak namin.”

Bigla na lamang humagulgol ang aking ina. Lumapit ang lalaking naka-berdeng uniporme at tinakpan ng puting tela ang aking mukha.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.