HINAHAMAK ng sinumang umiibig ang lahat upang ang kagustuhan ng puso ay masunod lamang, wika nga ni Francisco Baltazar.
Naging patunay sa mga salitang ito ang mga salaysay ng pagharap sa iba’t-bang hamon ng pag-ibig sa Tuhug-Tuhog: 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng mga OFWs (Navotas Press, 2005) ng premyadong mandudula na si Frank G. Rivera.
Halaw ang mga kuwento sa mga karanasan ng mga Pilipinang nakasalamuha ni Rivera bilang testing officer ng Technical Education and Skills Development Authority. Ang mga salaysay na ito ay magkakaugnay na mga bahagi na kapag naunawaan ang mga detalye ay makakabuo ng isang nobela.
Kabilang sa serye ang mga kuwentong “Kahit sa Malayo,” “Pasko ng Mumunting Pangarap,” at “Lihim ng Agosto” na patungkol sa pag-iibigan ng mag-asawang sina Sylvia at Fidel. Ayon sa salaysay, napilitang magtrabaho sa bansang Hapon bilang mang-aawit si Sylvia dahil sa kakulangan ng mapagkakakitaan sa Pilipinas. Bunga nito, naging pagsubok sa mag-asawa kung papaano pananatilihing buhay ang alab ng kanilang pagsinta. Isa sa mga pagsubok na hinarap ni Sylvia ay kung paano siya hahanap ng paraan upang makasama ang kaniyang pamilya.
Tampok naman sa mga kuwentong “Kakanta, Sasayaw, Titeybol” at “From Manila with Love” ang kaibigan ni Sylvia na si Ligaya. Maituturing naman siya bilang isa sa mga Pilipinang mang-aawit sa Japan na marunong mag-isip at pumili kung ano ang makakabuti para sa kanilang sarili dahil sa pakikipaghiwalay nito sa isang modelong Hapon.
Bukod pa rito, pinili rin niya ang maghintay na dumating ang lalaking magmamahal sa kaniya sa kabila ng kaniyang trabaho.
Ipinakita naman sa mga kuwentong “Bagong Taon, Lumang Puso,” “Goodbye, Princess Di…,” at “Pasko ng Taksil” kung papaanong pinapagulo ng pagtataksil sa pag-ibig ang mga buhay, hindi lamang ng magkasintahan, kung hindi pati na rin ng mga naiwang mahal sa buhay. Tampok sa mga kuwentong ito si Carmen, ang isa pang kaibigan ni Ligaya, at kung paanong ipinaiiral lamang niya ang bugso ng damdamin nang nakipagrelasyon siya kay Arturo, isang lalaking may pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Nilagyan rin naman ni Rivera ng konteksto ng kasaysayan ang dalawang kuwento sa kalipunan, ang ”Marsha” at “Lawrence, Mga Anibersaryo sa Setyembre.” Makikita sa mga ito kung paano nakahanap ang dalawang teenager ng pagkakahawig hindi lang sa kanilang mga ugali at mga pananaw sa buhay kung hindi pati na rin sa pagiging “martial law babies” nilang dalawa at pagkakaroon ng mga makabayang magulang noong panahon ng Batas Militar.
Maituturing na representasyon ng buhay ng maraming Pilipinang OFW ang mga karanasan nina Sylvia, Joy at Carmen.
Iba’t-ibang mga aspekto ng buhay mang-aawit o mananayaw sa Japan ang ipinababatid ng mga kuwentong ito sa mga mambabasa.
Masasabing nakalilito nang bahagya ang pagsasalaysay ni Rivera dahil habang inilalahad niya ang isang istorya ay lumadlad din sa parehong teksto ang iba pang mga detalye ng iba pang kuwento.
Subalit ang ganitong pamamaraan na ginamit ni Rivera ang siya ring naging kalakasan ng akda sapagkat tumaliwas ang awtor sa kumbensiyonal na istilo ng pagsasalaysay ng mga maikling kuwento. Ang resulta ay isang dagling nobela kung saan maraming tauhan ang bida.
Ipinamumulat ng Tuhug-tuhog sa mga mambabasa na walang pinipiling lugar at panahon ang pag-ibig. Sa mga pambihirang pagkakataon na ito ay totoo, nagpapatuloy ang pag-aalab nito anumang layo ng magkasintahan sa isa’t isa. Joseinne Jowin L. Ignacio