“Nong ideal d8 mgsuicide?”
“Mya n lng, bc pa me.”
“Mr. Villalobos, keep your cellphone away. Exam, tapos nagte-text ka.”
Alam ni Sir na di ako nagtsi-cheat. Imposibleng makapag-cheat sa celphone kapag exam. Lalo na sa Physics. Una, may 1/4 index card kaming lahat para doon tignan ang formula. Medyo pinsan lang ni Hitler si Sir sa pagte-terrorize at pagto-torture sa aming mga estudyante. Pwedeng gumamit ng kahit ano (calculator, scientific calculator, abacus, butil ng mais o munggo, mga daliri sa kamay at paa) sa pagso-solve sa kanyang mga problem na prinomoproblema ko ngayon. Pangalawa, open notes, open books, open tables at lahat ng gusto mong i-open at i-close, kahit prayer book, Biblia, Qur’an, Summa Theologica ni Santo Tomas at Saligang Batas ng Pilipinas, pero hindi ko makikita ang kasagutan. Pangatlo, kahit mangopya ako kahit kanino, o humingi pa ako ng saklolo sa kaluluwa ng mga ninuno kong namayapa, malamang hindi pa rin tatama ang sagot ko.
Hay! Physics. Gusto ko na ayaw ko ng subject na ito. Gusto, kasi tuwang tuwa ako sa pressure (panggigipit sa magulang para makahingi ng dagdag na baon), force (pamimilit sa magulang na kailangan nang i-upgrade ang celphone ko), gravity (na kapag tumalon sa jeep dahil nag-1-2-3, gravity ang maniningil sa pwet na pumalakda o ulong nabagok), acceleration/deceleration (bagalan o bilisan ang pagtawid sa lansangan pinaghaharian ng mga tsuper na kaliga nina Road Runner at Speedy Gonzales, Kuya Cesar at Ben Tisoy , heat transfer (matutong sumalo ng init ng ulo ng mga drayber, professors at asong galang di naka-score) buoyancy (paano umuwi sa gitna ng baha na lumulutang at salbabida ang backpack habang nakataas ang kamay na hawak ang celphone). Ayaw ko, kasi, exact at precise science/math ang Physics. Hindi ako makapambola, makapangatwiran o makipagdebatae sa numbers at figures. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag na tama ang sagot ko pero mali ang solution.
First period. Exam. Late. Panalo.
Papisik-pisik ako habang sumasagot ng Physics exam. Pailing-iling. Tingin sa papel. Tingin sa prof. Tingin sa kisame. Tingin sa board. Sagot na mailap, nasaan ka? Totoo nga kaya na talagang insignificant ang time sa point of view ng universe? Pero habang tumatakbo ang oras, unti-unti kong nararamdaman na humahalakhak ang universe sa akin. Malamang, kinakantyawan ako ni John Lennon (isa sa mga pinagkuhanan ng pangalan ko ni erpat) ngayon. Siguro, kinakanta nya ang Across the Universe habang sinisipat-sipat ang papel kong nagmamakaawang magkahimala at litawan nang kusa ng tamang sagot.
Kaya kanina, nang mag-vibrate ang cellphone ko, kala ko, himala na ng mga himala at may nagpadala na ng sagot. ‘Yun naman pala, si Jen. May sapi na naman at kung ano-ano ang naiisip. Pati ako, binigyan pa ng panibagong problema. Problema na sa Physics, problema pa kung kelan ang ideal date para mag-suicide. Isa-isa lang, mahina ang kalaban. Ito munang pa-exam ni Einstein con pinsan ni Hitler ang uunahin ko. At kung bumagsak ako dito, malamang ako pa ang maunang mag-suicide.
May ilang items akong nasagutan, may ilang ala-tsamba at may ilan siguradong mali. Pero okay yung punuin yung papel. Baka may psychological effect kay sir na kapag nakita nyang hindi ko iniismol ang subject nya (kahit minor lang pero nag-aasta syang major) ay pinaghirapan ko naman talaga. Pinuno ng sagot. Sagot lang naman ang kailangan. Kung tama… yun ang problema.
Direction: Answer the following. Show your solution. Encircle your final answer. Use the provided extra sheet as needed.
Ito ang gusto ko kay Sir Physics, walang paligoy-ligoy. Yung sinabi nya lang ang ibigay. Kung hindi hinihingi/tinatanong, wag nang mag-epal-epal.
Kaya minsan, natatawa ako sa ibang prof na nagbibigay ng instructions/directions sa exam:
Direction: Fill in the blanks with the correct answer.
E, ano pa kaya ang ilalagay doon kundi tamang sagot lang?
Direction: Choose the best letter that corresponds to the question.
Kung hindi best yung sagot ko, let’s say, good… good din kaya ang point/s. 0.25 out of 1? Kapag better? 0.50 out of 1?
“Time’s up.”
Ugong ng bulungan, buntong hininga, palatak at mura. Pasahan na ng papel. May ilang ayaw pa. Baka makasilip pa ng sagot sa mga papel na iniabot. O finishing touches sa sagot.
Inulit ni Sir Physics ang panawagan. No choice. Nagpasa na ang lahat. Pati ako. Bahala na si Batman (Bakit si Batman na lang ang laging bahala? Busy naman lagi ang Dark Knight sa dami ng krimen sa Gotham City at puyat pa lagi).
Nagpaalam na ang prof. Lalong lumakas ang ingay sa classroom. Buti na lang di sinagad ni Sir Physics ang three-hour class namin. Kapag galing ka sa isang oras na pakikipagbuno sa mga formula at equation, at pagkatapos ng test ay magle-lecture pa uli ang prop… hindi ba’t masarap manggilit ng leeg ng tao gamit ang kalawanging tansan?
“Puno ang papel mo dude, ha?”, si Jenny. Yung nag-text kanina. Classmates at kalaro ko. Nakaupo sa likuran ko.
“Walang probelama. Kung pupunuin, yakang yaka. Problema nga lang kung tama yung sinulat.”
“Hm, pa-humble effect ka pa? If I know, kahit di ka naman nagre-review, pumapasa ka pa rin.”
“Magaling lang akong manghula at tsumamba.”
“So, what’s your answer sa problem number 6?”
“Di ko na matandaan, e.”
At kahit matandaan ko pa, wala na namang silbi yun. Ito ang sakit ng mga estudyante tapos ng exams. Tanungan ng sagot. May magagawa pa ba sakaling magkakaiba o magkakatulad kami ng sagot sa isang item? Kapag nalaman ko bang mali yung sagot ko, pwede kong habulin si Sir sa faculty room at itama yung mali kong sagot? Magbubuklat ng notes ang karamihan at hahanapin ang tamang sagot. Manghihinayang kapag mali ang isinagot o mapapa ‘yes’ kung tama. Yung mga grade conscious, abot-abot ang pagsisisi at kulang na lang na batukan ang sarili kung mali ang isinagot.Yung mga myembro ng ‘bahala na gang,’ at ‘sige-sige’, abot-abot ang usal ng orasyon na sana tumama ang hula o magkabisa ang tsamba.
“Ano dude, kelan ba best day mag-suicide?” si Jenny uli.
“Pwedeng huminga muna?”
Tumawa lang ito. Binulatlat ang bag. May dinukot. Iniabot sa akin ang dalawang bar ng imported na chocolate. Dark Chocolate. Alam ni Jenny ang kiliti ko.
“Ano ito, suhol?” kunwari pa ako, pero tinatalupan ko na. Nagkarambola ang maliit at malaki kong bituka. Giniling na ng mga ito ang almusal ko kaninang isang platong sinangag at tatlong tuyo’t dalawang pritong itlog. Dalawang tasang kape at isang saging. Malakas makatunaw ng laman ng tyan ang exam ni Sir. Kumikirot ang tyan? Kumikirot ang ulo? Correlation? I therefore conclude na ang utak ay parang tyan, sumasakit kapag walang laman.
“Sige na dude. Kung di pa yan enough sa ‘yo, sabihin mo lang… ”
“Ganito yan Ate Vi…”
“Anong Ate Vi?”
“E, dude (Edu Manzano) ang tawag mo sa akin… di ikaw si Ate Vi.”
“That’s the result ng mahirap na exam, you’re getting corny na ang jokes mo.”
Pinangos ko ang natitirang chocolate bar. Lunok. Iniabot ni Jen ang bottled water nya. Wag daw akong mandiri at wala pa naman daw syang nakakahawang sakit. ‘Wala pa’ ha? Panalo.
Ganito talaga si Jenny. Basta’t gustong nyang mang-abala, dark chocolate ang pansuhol nya sa akin. Alam nyang hindi ako makatanggi dito. Sabihin nyang itakbo ko ang ulo ni Rizal sa Luneta kapalit ng dalawang box na dark chocolate, hindi ako magdadalawang isip. Sya lang ang nakakalam nito. Minsan kasi, mga one week pa lang nagsisimula ang klase, habang naghihintay kami ng prof, kumakain ako ng dark chocolate (local nga lang, yun lang ang kaya ng budget), nakatingin sya sa akin. Kahit nag-aalangan ako (baka nga pumiraso), inalok ko sya. Kinuha nya ang kinakain ko. Hinati sa gitna. Iniabot nya sa akin ang kalahati. Nakangiti syang kumakain. Parang gusto kong agawin sa kanya ang chocolate ko. “Tang ina ‘to ha? Ang ganda pa naman, kaso matakaw.” sa loob-loob ko.
Kaya mula noon, kapag kumakain ako ng chocolate, hindi ko na ito inaalok, o ni tinititigan pa… baka manghingi pa. O kaya para di naman ako magmukhang maramot , pasimple na lang ang kain ko. Since nasa likuran ko naman sya, hindi nya na siguro napansin noon ang kadamutan ko sa patagong pagkain ng dark chocolate. Pero minsan pag-uwi ko, may nakita akong isang bar ng dark chocolate sa bag ko. Kinabukasan, tinalupan ko ito sa harapan ni Jenny, at inialok sa kanya. Nagkangitian kami.
Sabi ko sa kanya, since gusto nyang mapansin ang kanyang pagpapakamatay, dapat ma-maximize nya ang atensyon ng mga tao.
Kaso, January na ngayon, at next week ay prelims na… bad date kung magpapakamatay sya. Busy ang lahat sa pag-aaral at pagkuha ng exams. Walang makikipaglamay at makikipaglibing sa kanya.
Kung February, naku, abala ang lahat sa Valentine’s Day. Saka hoarding ng bulaklak sa Dangwa sa Sampaloc kapag ganitong mga buwan. Baka yung mga bulaklak na iaalay sa lamay ay malamang recycled mula sa mga syota ng mga nakipaglamay. Saka panay-panay ang suspension ng klase noon, gawa ng EDSA-People Power 1 celebration. Matrapik. Mabagal na nga ang libing, mas babagal pa gawa ng kaliwa’t kanang demonstrasyon. Chinese New Year nga rin pala sa ganitong buwan. Ang pangit naman ng eksena na may makakasalubong na Lion Dance ang libing kasabay ng masigabong putukan (akalain pa ng ilan na tuwan tuwa ang mundo sa pagpapakamatay nya). Papasok na rin ang tag-init.
Marso, Fire Prevention Month. Abala ang kalsada sa pagkakampanya ng bumbero laban sa panay-panay na sunog. Saka patapos na ang klase noon, Finals. Walang makikipaglamay at libing sa mga ganoong panahon. Busy ang buong eskwelahan, mga nanay na naghahanda sa graduation/closing party sa school at pagpapa-book sa summer destination. At dahil summer, tatamarin ang mga taong makipaglamay (buti sana kung sosyal at airconditioned ang punerarya) lalo na sa pakikipaglibing.
Abril? Hindi maganda. Mahal na Araw. Busy ang lahat sa pasyon, pabasa, senakulo at penitensya. Kakumpitensya sa ingay ng pag-iyak ng mga kamag-anak nya yung mga trompa ng mga nagpapabasa. Ampangit naman na sumusunod ang karo ng libing nya sa mga kristu-kristuhang samantalang pasan-pasan ang krus-krusan habang hinahagupit ng mga hudyu-hudyuan. Saka ang pagkakaalam ko, sarado ang simbahan kapag Mahal na Araw. Saka, April Fools Day nga pala noon. Baka hindi seryosohin ng mga tao ang burol at libing nya (o ang mismong pagpapakamatay nya). Baka ma-Wow Mali sila. Yung mga matatanda, abala sa pagpapraktis ng kanilang agimat o galing. Bawal sa mga may agimat ang dumadalo sa burol.
May? Naku, lalong pangit. May 1 pa lang, rally na. Ampangit naman na habang ngumangawa ang mga nakikipaglibing ay sumisigaw ang mga manggagawa ng “Makibaka, Wag Matakot! ” Saka, buwan ito ng mga pyesta, Santa Cruzan, Sunduan, Flores de Mayo at kung ano-ano pang anik-anik. Busog ang mga tao sa kabi-kabilaang handaan.At dahil busog nga, yung iba ay natatakot sumilip sa bangkay. Baka nga naman bangungutin sila at sila pa ang susunod na paglamayan. Finals din ito ng mga kumukuha ng summer classes. Finals din ito ng mga pa-contest ng Baywatch Bodies, Boracay Beauties… patapos na kasi ang summer. Baka matapat pa sa eleksyon. Masisira ang senti ng lamay habang may nagpapa-meeting sa mga kanto-kanto. May politiko/kandidatong magpapadala ng bulaklak at mass card sa lamay. At baka sa mismong libing doon pa sila mangampanya sa mga makikipaglibing, tumatangis na kaanak at kaibigan.
Kung June naman, lalong hindi bebenta ang senti ng suicide. Unang una, nagsisimula nang magpasukan at abala ang lahat ng mga magulang at estudyante sa pagbili ng gamit, damit, sapatos at syempre, pag-e-enroll. At dahil opening o kakasimula pa lang ng klase, malamang trapik lagi. At mahirap nga namang pumunta sa lamayan at pakikipaglibing na trapik ang sasalubong sa mga uuwi. Oo nga pala, marami raw nagpapakasal sa buwang ito. Malas daw sa mga bagong kasal o balak magpakasal ang sumilip sa patay (lalo na kapag nalaman nilang nagpakamatay ang pupuntahan). Baka kapag napag-isip-isip ng groom kung gaano kasama ang ugali ng bride, di na ito magpakasal at ang bride…malamang ay mag-suicide. Sya nga pala, dikit-dikit ang parada sa buwang ito dahil sa Independence Day at Alay-Lakad. Baka magkapalitan ng mga tao ang makikipaglibing at nakikiparada. Sagwa naman na ‘yung umiiyak ay namalayan na lamang na nasa Flag Raising na sya at yung mga ulyaning beterana’t beterano ay nauwi sa sementeryo at diretso libing na sila. At baka magkapalitan ng banda. Habang ipinapasok ang kabaong sa nitso ay bumanat ng Lupang Hinirang ang banda. Samantalang sa pagtaas ng bandila ay hihirit ng Lift Up Your Hands to God o kaya ay Hindi Kita Malilimutan.
Hulyo? Hm… bad idea. Malamang ay makakasalubong ng karo ng patay ang karosa at float ng mga Prep at Nursery na nagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon. Nakabarandal ang mga islogang parang nangangantyaw : Kumain ng Gulay, Hahaba ang Buhay (nagpakamatatay ka nga, e); Kumain ng Itlog, Ikaw ay Bibilog (nakahiga… unat na unat); Ang Kalusugan ay Kayamanan (dahil nagpakamatay ka, ikaw ang pinakamahirap sa lahat ng mga mahihirap); Kumain ng Kamatis, Kikinis ang Iyong Kutis (nangungulubot na nga ang kutis mo dahil sa formalin at pasasaan ba’t mabubulok ka na rin). Tapos, sa halip na mga barya ang ihagis sa karo ng ililibing, imadyinin na umuulan ng kamatis, talong, okra at ampalaya.
Sakaling piliin ang buwan ng Agosto, tingin ko sablay pa rin. Busy ang buong klase para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Marami ang nagpa-praktis ng sabayang bigkas, pagsasatao, pagkukuwento, pagtatalumpati at paghahanda ng kakaning Pinoy. Syempre, mahirap maghanap ng patadyong, Balintawak, Barong Tagalog, bahag, malong, batik at kung ano-ano pang katutubong kasuotan. Sabi ko nga kay Jenny, mahalay naman na sa burol nya, pupunta kami na nakasuot pa ng Filipiniana, baka akalain ng marami na may bagong sequel ng ‘Ang Panday (Panday vs. Zombie)’. Saka prelims na nga pala nun ng first sem. Busy talaga. At sa pagkakaalam ko, kaliwa’t kanan ang bagyo’t baha sa ganitong buwan. Mahirap maglamay lalo na’t kailangang lumangoy pauwi ng mga nakikiramay. At kung lalala ang ulan, baka mapagkamalang bangka ang lumulutang nyang kabaong. Sa libing, sayang lang ang ibabayad sa musiko o banda na tutugtog. Hindi mahihipan ang trompa’t torotot na puno ng tubig-ulan. Hindi rin mararamdaman ang iyak at palahaw ng mga kamag-anak nya. Kakainin ng kulog at kidlat ang pag-atungal ng mga nakikilibing at naulila.
Setyembre? Naku, selebrasyon/komemorasyon ito ng Martial Law (selebrasyon kasi maraming yumaman noong panahon ng diktadurya, komemorasyon kasi pag-alala ito ng mga naghirap na hindi nakinabang sa kinulimbat na yaman ng bruha at Apo). May mga demonstrasyon din sa buwang ito.
Lalo naman syempreng hindi pwedeng Oktubre. Finals na nun, no? Kung kalagitnaan naman sya magpapakamatay… sem break. Walang makikipaglamay. Nasa probinsya yung iba. Alangang lumuwas sila para lang makipaglamay at makipaglibing sa isang kaeskwelang nag-suicide sa alanganing araw. Di praktikal yun. Di papayagan ng mga magulang.
Nobyembre? Sabi ko kay Jen, sira ba sya… kakatapos lang ng Todos los Santos, kagagaling lang ng mga tao sa sementeryo, pababalikin nya ba agad? Malamang tipirin ng mga taong makikiramay sa kanya ang ibibigay na bulaklak at kandila. Mahal ang mga ito sa Araw ng mga Patay. Saka, malapit na ang pasukan para sa second sem.
At lalong pangit magpakamatay kung Disyembre. Busy ang lahat sa Christmas party. Kainan. Shopping. Maraming pera ang tao sa mga panahong ito. No time to grieve. No time to cry. Ampangit naman na pagkagaling sa kasiyahan ay pupunta sa lamayan at vice versa. Pangit din na may magkakaroling sa gitna ng lamayan.
Mas pangit kapag nagno-Noche Buena sa mismong punerarya. At dahil Christmas rush… malamang, panalo ang trapik. Baka hindi pa nangangalahati sa byahe ang ililibing, mainip at maburat na ang mga nakikipaglibing… magsiuwian na sa kalagitnaan ng parada dahil sa halos hindi umusad na karo ng patay. Baka mga kamag-anak nya na lang ang magtyagang ihatid sya sa huling hantungan. Tapos, habang tinutugtog ng karo ang “Hindi Kita Malilimutan,” “Lupa” at “Take Me Out of the Dark” ay maririnig sa paligid ang pagtugtog ng “Pasko na Naman,” “Jingle Bells” at “Rudolph the Red Nose Reindeer.” Kung sa huling linggo ng buwang ito magpapakamatay… imadyinin ang sasalubong na bagong taon. Sinasalubong ng paputok, lusis, super lolo, kwitis, plapla, torotot at kinakalampag na banyera ang kanyang kamatayan.
“So…” nakapamewang nyang urirat. “Pag-iisipan ko pa… bigyan mo pa ako ng ilang araw.’
“’Tang na ka dude, ‘kala ko pipigilan mo ko magpakamatay o itatanong mo kung ba’t ako magsu-suicide… yun pala…”
Tumahimik na ang lahat. May paparating na bagyo. Si Ma’am. Si Ma’am Ethics.
*Ang maikling kwentong ito ay halaw sa unang kabanata ng librong Ligo na U, Ready na Me ng may-akda. Si Eros Atalia ay nanalo ng unang gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2006. Kasalukyan siyang nagtuturo ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters.