Dibuho ni Michelle Angelique E. Canoy“Dear J…” Ikatlong papel ko na ito.

“Dear Joey…” Mali na naman. Mapupuno na ng basura ang kuwarto ko pero hindi ko pa rin matapos-tapos ang pagsusulat ng liham na ito. Paano ba naman? Ang hirap-hirap ligawan nitong taong pagbibigyan ko! Aakalain mong napapaso siya sa tuwing didikit ako sa kanya.

Minsan iniisip ko kung ano ba ang ginawa ko at nagkaganito ang pagtrato niya sa akin. Aba, e parang hindi na nage-exist sa mundo ang lola mo.

Kung anu-ano na nga ang ginawa ko para mapansin lang niya. Nandiyan ang pagti-text ko sa kanya ng “hi” o “hello” gabi-gabi kahit alam ko namang magmumukha lang akong tanga dahil hindi naman siya sumasagot. Minsan pa, sinasadya ko na talagang magparinig sa kanya gaya ng “Ano ba ‘yan o! Napakahirap talagang i-please ang isang taong ayaw mamansin ever!” Pero wala pa ring epekto sa kuya mo. Aba, e kulang na lang mag-tumbling ako sa harapan niya at bumuga ng apoy para lang ipamukha sa kanyang, “Hello! I’m here!”

Kaya heto sulat naman ang sinusubukan ko. Pero ano ba ‘yan! Hindi ako makapagsulat ng maayos dahil hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Iniisip ko tuloy kung kinakailangan ko pa ba ng master’s degree sa English para lang masabi sa kanya na gusto ko siya. Nakakairita na! Sa dinami-dami ng isinusulat kong artikulong umaabot sa deadline sa araw-araw, akalain mong sa love letter pa ako hindi matapos-tapos.

Ang hindi ko kasi talaga matanggap ay lumalapit lang siya sa akin kapag may kailangan o nagkataong magkasama kami sa coverage ng isang event. Aba, professionalism yata ang drama ng kuya mo.

Immaturity ang tawag ko sa pag-iinarte niyang ito. E paano ba naman, kaya lang lumamig na parang ice-cold Coca-Cola ang relasyon namin ng kuya mo ay dahil nalaman niyang may gusto ako sa kanya. Pupuwedeng pakibatukan naman siya para matauhan?

Kinonsulta ko ang mga college friends ko. Hindi nila kilala itong si Joey pero dahil magaling akong maglitanya, mukhang nakuha ko yata ang dalawang pinaka-gusto kong sagot sa kanila.

Una, “Ay, mother, nagfi-feeling lang ‘yan!” sabi ng isa kong kaibigan. Magsimula kasi nang umikot ang mundo niya sa rebelasyon na may gusto ako sa kanya, nagtodo- emote na ‘yang si Joey. Nandiyan ang “it’s okay, it’s fine” na mga linya niya sa tuwing sasagot siya sa akin sa text at maniwala kayo mas madalas pang maging lobo si Angel Locsin kaysa dito.

READ
Totoo ba o hindi?

Dumating ang pagkakataon na kinausap niya ako ng masinsinan dahil lang ‘dun. Para bang nabulabog ng husto ang mundo ng kuya mo at hindi siya makatulog gabi-gabi dahil laman ako ng isipan niya. Ahh… How sweet naman!

Sabi niya sa akin, “It’s ok to have a crush on me. Just know the boundaries.” Dito ako nagsimulang mailang sa kanya. Pakiramdam ko kasi masyado siyang bothered ng pagka-gusto ko sa kanya kaya naaapektuhan na pati pagtatrabaho namin.

Napaka-ironic kasi para sa isang tao, katulad ni Joey, na nagtatrabaho sa dyaryo na hindi masanay sa simpleng isyu na may nagkakagusto sa kanya. Dito pumapasok ang ikalawang sagot na nakuha ko mula sa mga kaibigan ko.

“Teka, hindi kaya mother din ang kuya mo?” sabi sa akin ng isa kong friend. Inisip ko na rin ‘yan noon at hindi lang basta inisip, wish ko pa ‘yan.

In fairness may rason naman talaga ang lahat para magduda sa tunay na kasarian niya. Napaka-creative kasing tao nito ni Joey. Lahat na lang yata ng gustong lagyan ng design ay kakalikutin at kukulayan niya.

‘Yung pitaka nga niya ang alam ko ay siya mismo ang gumawa. Wala pa kasi akong nakikitang pitaka na may nakalagay na “One Hot Joey.”

Pati nga ballpen hindi niya pinatawad. Siya lang yata ang nakita kong tao na merong green, aqua, purple, at kung anu-ano pang matitingkad na kulay ng tinta ng ballpen. Dinaig pa niya ako ah.

Pati nga yata Diyos nagpahiwatig na tama ang hinala namin. Nung minsan kasi na sinundan ko siya papuntang simbahan, nagulat ako nang may sumalubong sa kanyang lalaki, at hindi basta lalaki lang ah, maputi, matangkad, at cute na lalaki. Hindi ko nga alam kung matutuwa ba ako o malulungkot e. Matutuwa dahil tama ang hinala namin na bading siya o malulungkot dahil mayroon na siyang papa.

Kaya lang sa kabila ng lahat ng signs na ito, ipaliwanag mo nga sa akin kung ano ang tinitignan niya sa FHM? Mga bra ng mga modelo para magkaroon siya ng fashion statement? Hello naman sa’yo kuya, wala kang boobs ‘no!

READ
Araling etika, binigyang diin ng Rektor

Isa pa, mukhang natural naman kay Joey ang magkaroon ng hilig sa iba’t-ibang kulay ng ballpen dahil bukod sa pagiging reporter, nagsa-sideline din siya bilang artist ng dyaryo namin.

Nagtanong na rin ako sa mga kaibigan naming dalawa para malaman kung totoo ito pero talaga yatang Adan itong si Joey. Sabi pa nga ng isa sa akin, “Kapag naman meron kaming kuwentuhan tungkol sa mga babae, nakikisama naman siya.” How disappointing.

May mga ilang tao na rin ang naglakas-loob na magtanong sa kanya noon, at ganoon rin kadami ang nabigo sa narinig nila: “Lalaki ako.”

Wala naman talaga akong pakialam kung hindi mujer si Joey. Hindi ko rin naman kasi inaasahan na magugustuhan niya rin ako. Ang pilit ko lang pinagdidikdikan sa kanya ay huwag naman niya ‘kong gawing invisible “woman.” Pansinin niya naman ako gaya ng pakikitungo niya sa ilan naming katrabaho.

***

Matapos kong maibigay ang sulat, may konting pagbabago namang naganap sa pakikitungo sa akin ni Joey.

Kanina, nung pabalik ako sa mesa ko galing banyo, niyaya ako ni Joey kumain. Dala na rin siguro ng kainisan sa kanya at konting pagpapakipot, tumanggi ako at walang galang na inawasan siya. Sa totoo lang, hinihintay kong hatakin niya akong pabalik at pilitin gaya nung nakikita ko sa mga drama sa TV, kaya lang hindi niya ginawa.

Ang hindi ko alam higit pa doon ang gagawin niya. Bubuksan ko na sana ang computer ng may gumulat sa akin sa ibabaw ng aking mesa: isang sulat.

Nung una ang akala ko ay hindi sineryoso ni Joey ang sulat na ibinigay ko sa kanya. Kaya lang bigla kong naisip ang pagyaya niya sa akin para kumain kanina. Naguluhan ako, kaya naman binuksan ko na agad ang sulat.

‘Yun na siguro ang isang bagay na pumilit sa akin na kausapin si Joey sa kabila ng pagkailang namin sa isa’t-isa. Keme na lang sa lahat ng nangyari, basta ang nasa isip ko kailangan ko siyang makausap.

Pagdating ko sa canteen, agad-agad akong umupo sa tapat niya. “Kain ka,” bati sa akin ng mahal ko.

Pero sigurado akong alam niyang hindi pagkain ang pinunta ko kaya naman pinarangka ko na siya, “Bakit ka magre-resign?”

READ
DOH bans mercury in health care facilities

Noong una ngumiti lang siya sa akin. Pero ako, tinitigan ko lang siya ng walang kakurap-kurap. Maya-maya pa’y napilitan na siyang sumagot, “Yun ang makakabuti,” sabi niya.

Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa sinabi niya. Ang isipin ngang hindi kami nagpapansinan ay masakit na, ano pa kaya ang hindi na kami magkita?

“Gusto kong malaman mo na hindi ikaw ang dahilan. Kaya kita hindi pinapansin ay hindi dahil ayaw ko sa iyo kundi dahil ayaw kitang paasahin.”

Nainis na ako. Hindi pa rin niya sinasagot ang tanong ko. Kaya naman tinanong ko siya ulit, “E bakit mo nga kailangang umalis pa?”

“Magpapari ako,” ang walang pag-aalinlangang sagot sa akin ni Joey. Noong una, ayaw kong maniwala, para kasing wala sa tipo niya ang magpapari. Pero sa seryoso ng pagtingin niya sa akin, kahit na anong sabihin niya ay mapapaniwalaan ko.

Sa puntong iyon pakiramdam ko ako na ang pinakamahinang tao sa mundo. Diyos na pala ang kalaban ko sa puso ni Joey. May pag-asa pa ba akong manalo?

Gusto ko sanang yakapin si Joey bago ako tuluyang magpaalam. Pero sino ba naman ako para umasa, hindi ba?
Nagdesisyon na lamang akong manahimik at umalis na lang. Nagulat na lamang ako ng isang yakap mula kay Joey ang sumalubong sa akin.

Huminto lahat at wala na akong ibang nararamdaman kundi ang yakap na iyon. Sayang lang at iyon na ang una at huling yakap na puwede kong matanggap mula sa kanya.

Maya-maya pa’y nagsalita siya, “Ok lang ‘yan. Makakahanap ka rin ng iba mong mamahalin.”

Gusto ko sanang isagot na siya lang ang gusto ko. Kaya lang ayaw ko namang maging mabigat ang pagpasok niya sa seminaryo kaya kahit pakunwari ay sinabi kong, “Sana nga.”

Bumitaw na ako mula sa pagkakayap niya. Ayaw kong makita niyang tumutulo ang luha ko. Kaya lang hinatak niya ako pabalik. Sa pagkakataong ito, may inabot siya sa akin na isang piraso ng papel. Pagkatapos ay patakbo akong umalis patungo sa opisina. Tinignan ko ang piraso ng papel na ibinigay niya sa akin at dali-dali ko itong nakilala.

Ito ang sulat na pinaghirapan kong isulat magdamag na naglalaman lamang ng dalawang kataga: “Mahal kita.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.