HUWAG sumulat ng mga paksang hindi mo alam.
Ito ang binigyang-diin ng mga panelista ng ika-apat na Ustetika Palihang Pampanitikan na idinaos noong ika-14 at ika-21 ng Setyembre sa tanggapan ng Varsitarian para sa mga baguhang manunulat.
Ito ay bilang pagtugon sa mga problemang nakita ng Varsitarian sa mga ipinasang akda sa taunang Gawad Ustetika Paligsahang Pampanitikan noong mga nagdaang taon, naglalayon ang palihan na mapaunlad ang kalidad ng mga akda ng mga mag-aaral sa Unibersidad.
“Kung ano’ng alam mo, iyon ang isulat mo,” ani Rosario Cruz-Lucero, propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) at isa sa mga panelista sa palihan. “Don’t write something you don’t have knowledge of because you can’t dramatize it.”
Para naman kay Vicente Groyon, manunulat at propesor sa De La Salle University, hindi dapat ipilit ng manunulat ang isang tema kung hindi naman niya ito gustong isulat.
“I would rather read a story about the Ivory tower that the writer likes to write than a political story that a writer is forced to write about,” ani Groyon.
Kasama nina Groyon at Lucero bilang mga panelista para sa fiction si Maria Francezca Kwe, dating tagapangulo ng Thomasian Writers Guild at ngayo’y nagtuturo sa UP.
Samantala, sina Efren Abueg, Abdon Balde, Jr., at Jun Cruz Reyes naman ang mga sumuri sa mga isinulat na katha ng mga lumahok sa palihan.
Ang mga kalahok para sa katha ay sina Altheo Patrick Alvarez (College of Science), Dianne Karen Consolacion (College of Nursing), John Andrew Del Prado at Karl Ivan Dan Orit mula sa Faculty of Arts and Letters, at Julie Ann Dominique De Leon, Arthea Arese Quesada at Alvin Ray Ramos mula sa College of Education. Sina Sarah Aurelio (Faculty of Arts and Letters), Pamela Cenido at Kimberly Lao (Faculty of Pharmacy), Dominic Derramas (Faculty of Canon Law), at Miko Jim Paolo Panganiban mula sa College of Education naman ang para sa fiction.
Pagsisimula
Binigyang-pansin din ng mga panelista ang kahalagahan ng tamang paggamit ng wika sa pagsulat ng maikling kuwento. Ayon kay Balde, na dalawang beses nang nakamit ang National Book Award para sa kanyang mga nobela, dapat ay gamay na ng manunulat ang lengguwaheng ginagamit niya upang epektibong maiparating sa mga mambabasa ang mensaheng nais niyang ipahiwatig sa kanyang kuwento.
Itinuring naman ni Groyon ang wika bilang instrumento ng manunulat upang bumuo ng koneksyon sa kanyang mambabasa.
“If you cannot master the language, readers will end up interpreting your story different from how you want it to be,” ani Groyon.
Dagdag pa niya, mahalaga rin para sa isang manunulat ang mag-eksperimento at subukang sumulat sa Filipino kung mas madalas sumulat sa Ingles o sumulat naman sa Ingles kung Filipino ang madalas gamitin upang malaman kung saan siya mas magiging mahusay.
“Language should be in your control so you can say what you want to say and mean what you want to mean,” ani Groyon.
Sinabi naman ni Lucero na ang diwa ng kuwento ay dapat na mabasa sa unang talata pa lamang nito. Aniya, karamihan sa mga kuwentong may magandang pambungad na talata ay mas nakakaakit ng atensyon ng mambabasa.
Pokus ng kuwento
Hanggat maaari, ani Kwe, dapat na magsimula ang kuwento malapit sa tunggalian na siyang bumubuo sa suliranin ng tauhan sa istorya.
“The writer should also determine the conflict to add depth,” ani Kwe.
Para naman kay Reyes, kuwentista, makata at propesor sa UP, dapat maitatag ng manunulat ang tunggalian ng kuwento. Aniya, “Kung walang conflict, walang drama. Kung walang drama, walang kuwento.”
Kasabay rin ng pagbuo sa katawan ng kuwento ang pagpapaunlad ng tauhan.
“The first thing to work out in writing a story is the character motivation – the psyche and history of the character – but make sure it is believable,” ani Kwe.
Ani Lucero, ang kasaysayan ng tauhan ang nagbibigay ng kulay at nagpapatibay sa kuwento.
Ayon naman kay Abueg, na anim na beses na nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa kanyang mga katha, dapat pag-isipan ng mambabasa ang paksa upang mayroong patunguhan ang kanyang ikinukuwento.
Pinaalalahanan din ng mga panelista na hanggat maaari ay iwasan ng manunulat ang pagsulat ng mga kuwento tungkol sa kamatayan, ang paksa kung saan umikot ang karamihan sa mga akda ng mga kalahok.
“It’s impossible to move (your readers) with a story of someone’s death,” ani Lucero. “If you are writing about death, give (your readers) something that is worthy of mourning.”
Nakakasawa at nakakabagot naman ang mga ganitong uri ng kuwento ayon kay Reyes. Aniya, “Who cares about death? Don’t you even know how to live?”
Sa pagsulat ng paksa para sa kuwento, pumili lamang ng isang eksena sa istorya at payabungin ito, ani Lucero. Mas makabubuti, aniya, kung matututo ang manunulat na magtanggal ng mga bahagi na hindi kinakailangan sa kuwento, kahit na masakit man itong gawin.
Pinayuhan din ng mga panelista ang mga baguhang manunulat na matutong maghanap ng puna sa sariling mga akda.
Sariling kultura
Iginiit naman ni Balde, na dapat ihiwalay ng manunulat ang kanyang sarili sa eksena ng kanyang kuwento.
“Huwag mong isali ang persona mo sa kuwentong isinusulat mo,” ani Balde.
Ipinabatid naman ni Lucero sa mga kalahok na bago sila sumulat ng kuwento, dapat din nilang alalahanin na Pilipino ang karamihan sa kanilang mambabasa, bungsod aniya ng pamamayani ng mga makadayuhang mga tauhan at kaganapan na inilahad ng mga Tomasinong manunulat sa kanilang mga akda.
Napansin kasi ito ng mga panelista para sa fiction sa karamihan sa mga akda sa fiction.
“You can’t go into more complex acts (in your story) because it needs to be anchored in your own culture,” ani Lucero.
‘Huwag susuko’
Sa kabila ng ilang pagpuna ng mga panelista sa mga akda ng mga Tomasinong kalahok, hinimok naman nila ang mga ito na ipagpatuloy ang pagsulat ng mga katha.
“Talagang mahirap mag-isip ng paksa para sa kuwento,” ani Abueg. “(Pero) huwag kayong susuko.”
Para naman kay Reyes, sana’y ipagpatuloy ng mga kalahok ang pagsulat ng mga katha at manggaling sana sa kanila ang susunod matagumpay na kuwentista ng Unibersidad.
Para naman sa ilang mga naging kalahok, naging daan ang palihan para lumawak ang kanilang kaalaman sa pagsulat ng katha.
Ani De Leon, isa sa mga pinakabatang kalahok, ang pinakatumatak sa kanyang isipan ay ang maayos na pagbibigay ng katapusan sa akda.
“Dapat huwag maging makulit. Kapag ending na, ending na…wala nang paliguy-ligoy pa,” ani De Leon. May ulat mula kay Quinia Jenica E. Ranjo