“KAILAN ba ako makalalabas mula sa madilim at masikip na baul na ito?”

Ako si Greta, isang kamiseta. Mula sa isang puting istante sa isang pamilihan na sa angking tindig at sa naggagandahang suot na damit ng mga taong namimili dito ay masasabing puntahan ng mga mayayaman, hindi inaasahang nabili ako ng aking among si Esteban.

Kilala sa lahat ng istante si Esteban bilang isa sa mga pinakapihikan na mamimili. Sa katunayan, ayon sa isang nakatabi kong polo, gaano man daw kaganda ang disenyo, hangga’t may “pagkakamali” sa pagkakagawa ng damit, hindi niya ito pinipili.

“Matapos niya akong malabhan at malapatan ng nag-iinit na plantsa, dahil lamang sa isang buhol na nakaligtaang gupitin ng modistang nagtahi sa akin, walang pagdadalawang-isip akong isinilid ng Estebang ‘yun sa plastik, at agad na ibinalik sa buwisit na istanteng ito,” inis na kuwento ni Pektong polo.

Ganoon na lamang ang pagtakwil niya sa aming pamilihan. Sa totoo lang naman, wala namang hindi tulad niya. Parang isang lupon ng hibla ng sinulid na matagal na hinintay ang bawat pagtatapos ng bawat yugto ng kanyang pagkayari—mula sa pagiging tela, padron, hanggang sa pagiging isang kumpletong kasuotan.

Walang bagay ang hindi mamamatay sa kakahintay sa katuturan ng kanyang kayarian. Bilang damit, wala kaming ibang pangarap kung hindi balang araw, may mag-aangkin sa amin at isusuot kami, at kung susuwertihin ay maaaring maituring bilang kanyang paborito.

Ngunit minalas ‘ata ako.

Isang payak na araw, kung kailan paisa-isa nang nagsasara ng ilaw ang pamilihan, bigla akong ginulat ng isang malakas na puwersa—isang payong na bitbit ng isang mamang payat, maputi, at ubod ng tangkad ang nagdala sa akin patungo sa kahera.

“Mister, hindi n’yo po ba babayaran ‘yang kamisetang nakasabit d’yan sa payong n’yo?” kunot-noong pang-uusisa ng kahera.

Tulad ko, nagulat din ang lalaki sa nangyari.

Sa pagkunot ng kanyang noo at pagsalubong ng makakapal niyang kilay, alam kong galing lang sa ilong ang sagot niya, “A, oo. Sorry ha. Nakalimutan ko lang.”

Paglabas ng pamilihan, nanginginig sa takot ang bawat hibla ko, sa pag-iisip ng maaaring sumunod na maganap sa akin. Gagamitin kaya niya akong pamunas ng kanyang sasakyan? Itatapon kasama ng mga nabubulok na niyang pagkain? Pampunas ng uhog ng mga nakababatang kapatid? Susunugin kaya niya ako? Haaay…halos mapatid ang bawat lilip sa laylayan ko.

READ
New USTHS principal appointed

“D’yan ka!” mag-isang bulyaw ni Esteban matapos akong ihagis sa bandang likuran ng kanyang kotse.

Bago paandarin ang sasakyan, hinugot muna niya ang kanyang wallet at tinignan ito, sabay sabing, “Paubos na nga ang budget ko, nabawasan pa. Lintek!”

Sa magkahalong hiya at takot, parang gusto ko nang maging tubig na lamang na tatagos sa malambot na upuan ng kotse.

“Hindi ko naman hiniling na kunin mo ko ah!” sabi ko sa aking sarili.

Pagdating sa bahay, kaba ang dulot sa akin ng bawat bahaging tinitigilan ni Esteban—sa kusina, sa isang silid ng mga bata, sa isang basurahan, sa garahe, sa hardin.

Ngunit wala ni isa sa aming tinigilan ang aking kinalagyan. Lumuwag kahit papaano ang kanina pang nagdidikit-dikit na hibla ko. “Baka susuotin n’ya ako!” masaya kong pag-aakala.

Ngunit sadya yatang malas ako.

Pagdating namin sa kuwarto ni Esteban, muli, umasa akong sa wakas matutupad na ang pangarap kong malapatan ang mga hibla ko ng balat ng tunay na tao at hindi lamang ng isang manekin o kahit na anong padron.

Ngunit matapos kong pinagmasdan ang isang salamin, kadiliman ang sumambulat sa aking kabuuan.

“Hello, kumusta ka?” masiglang pagbati ng isang boses na dahil sa labis na kadiliman ay hindi ko malaman kung nasaan.

“Huwag kang matakot sa dilim. Masasanay ka rin d’yan,” dagdag niya.

Matapos ang ilang sandali matapos akong ilapag ni Esteban sa baul, kahit papaano’y higit kong naimulat ang aking paningin. Nakapatong ako sa napakaraming damit na may iba’t ibang laki at dahil sa kadiliman ay waring puro itim ang kulay.

“Ako nga pala si Madel. Kalalagay lang ‘din sa akin ni among Esteban dito sa baul. Marupok na kasi ang yari ko. Wala na akong silbi. Nararapat na ako dito,” sambit ng kamisong hindi ko makita kanina.

READ
Who's that girl?

Hindi pa man ako nakasasagot sa naunang sinabi ni Madel, ilang boses pa ang sumunod kong narinig.

“Ako naman si Linda. Isang taon na akong nakatiklop dito at walang ginagawa.”

“Rambo naman ang pangalan ko”

“Ako si Zenki kumusta ka?”

“Welcome! Ako si Lee.”

Sunod-sunod na pangalan ang narinig ko. Sa sobrang dami, hindi ko na matiyak kung sino si sino.

Hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras. Ang dami kasing kuwento ng bawat damit.

“Pagpasensyahan mo na kami ha. Ganito lang talaga kaming mga nasa baul kapag may bagong dating,” paliwanag ni Linda.

Pilit nila akong pinagkukuwento sa kung anong bagong sinulid ang uso sa tindahan na pinanggalingan ko, kung anong itsura ng palagiang ginagamit na manekin, sino-sino ang mga kilalang modista sa tindahan, at napakarami pang iba.

Sinasagot ko naman sila, subalit sadyang hindi nakatuon ang isip ko sa aming pinag-uusapan kundi sa nadarama ko magmula nang inilapag ako ni among Esteban sa masikip na baul na ito.

Iba’t-iba ang pumasok sa aking isipan: wala na kaya talagang pag-asa na magkaroon ng saysay ang pagkakayari ko? Habangbuhay na lamang ba akong nakatiklop kasama ng mga kapwa ko damit na sa takbo ng pananalita ay tanggap na ang kawalang pag-asa?

Ayoko.

Naisip ko tuloy na mas mabuti pa ang kalagayan ko noon sa may tindahan. Kahit na walang bumibili sa akin, nararamdaman ko naman ang pagiging bahagi ng buhay na mundo. Hindi katulad ng kinalalagyan ko ngayon. Para kaming mga sinulid na walang katiyakan kung gagamitin pa ng modista o hindi.

***

“Hindi dahil walang liwanag ng araw ang sumasakop sa iyong kabuuan, wala ka nang pag-asang maramdaman ang init na dulot nito.”

Ito ang mga salita ni Linda na gumising sa halos ilang araw kong pagkakatulog. Nagulat talaga ako sa sinabi niya. Hindi ko pa gaanong naibabaltak ang aking mga hibla nang narinig ko iyon, kung kaya’t napatuon talaga ako sa nais nitong ipahatid.

READ
Faculty members get free Ed-tech laptops

Ayon kay Linda, matagal na raw niya akong pinagmamasdan. Gusto man daw niya akong kausapin nang matagal, hindi niya nagawa dahil nga sa tinulugan ko lamang daw silang lahat.

“Pasensya na talaga ha? Pero talagang hindi ko lang napigilan ang antok ko,” sabi ko kay Linda.

“Inaantok ka nga ba talaga, o tinatakasan mo ang sakit ng loob na dulot sa iyo ng baul na ito?”

Walang duda. Pinag-isip ako ng huling tanong ni Linda.

Ano nga ba ang dahilan ng matagal kong pagkakatulog? Ginusto ko bang takasan ang katotohanang hatid ng mga damit sa baul o sadyang napagod lamang ako sa pag-iisp?

Nawala ang lahat ng maling paniniwala tungkol sa kabuluhan ko bilang isang damit matapos ang palagian kong pakikipag-usap kay Linda. Tama siya, hindi lahat ng itinatakda ng pamilihan ay totoo at siyang katotohanan. Hindi lahat ng kamisetang tulad ko ay isinusuot. Hindi lahat ng kamisetang tulad ko ay walang saysay kung hindi maisusuot. Ang kabuluhan ng aking kayarian ay nasa sa aking kamay at wala sa pamilihan, o maging sa amo kong si Esteban.

Lumipas ang ilang taon at narito pa rin ako sa loob ng baul. Hindi nagkatotoo ang takot ko noon. Nabuhay akong maayos kahit limitado ang kinalalagyan ko. Mali ako sa pag-iisip na puro patapon ang naririto. Sapagkat sa yaman ng kanilang isipan at lawak ng kaalaman sa tunay na saysay ng pagiging isang damit, masasabing higit pa silang maipagmamalaki ng mga mananahing lumikha sa kanila.

Ako ang lumikha ng sarili kong problema. Masyado kong inilagay ang isip ko sa istruktura ng mga dapat at hindi ng pagiging isang damit. Binigyan ko ang sarili ko ng kulungan, maging masaya sa mga simpleng sayang hatid ng buhay.

Sa lahat ng sayang nalikha sa loob ng baul na ito, kasama ang mga kapwa ko damit, hindi ko na pinapangarap na dumating ang araw na masuot ako ni among Esteban. Sapat na sa akin ang sayang dulot ng mga kuwento ng aking mga kasama.

Makalabas man ako o hindi, okay lang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.