Muling sumilip sa aking paghimbing
ang iyong mga mapamahiing mata,
bigla ang pagsulak sa alaala
ng mga gabing bago managinip
ay iyong ipinaghehele sa isang
matimyas na himig.
Minsan ay muli kang pumilas sa gunita
ng maisasalaysay na kuwento, kung hindi
tungkol sa lamang lupa, sa pasyon,
ay sa pagdalop ng pulang araw sa papawirin.
Musmos lamang akong sumasahod
ng tumatapong hiwaga sa bawat kabanata.
Manginginig, mapapapinid ang bibig habang
tinutunghayan ang panganganak ng mga guhit
sa iyong mukha, na kung hindi dahil
sa isang maluwalhating halakhak,
sa pagsungaw ng pasasalamat sa iyong labi,
ay sa paglamukot ng iyong noo’t pagniniig
ng mga kilay.
Ngunit higit pa sa karanasan ng mga tuhod,
mababakas sa bawat hilatsa
ng iyong mukha ang pakikipagsundo
sa panahon. Nang minsang datnan kita
ay kay bigat ng hikbing iyong hinahagilap
sa bawat buntunghininga.
Ang lalim ng panatang iyong pinag-ugat
sa aking kamusmusan ay higit pa sa mahabang
alamat ng mga linya sa iyong pisngi.
Sana lamang habang maaga, nasuklian
kita ng kuwento. Hindi ko nahulaang
mahigpit na pala ang paniningil ng lupa.
(alay sa aking Nanay Tanda)