WEIRDO daw ako.

Sa tagal ng inilagi ko sa mundo hanggang sa araw na ito, habang unti-unti kong inilalapat sa mga titik ang nag-uumapaw na diwa sa aking isipan, hinahanap ko pa rin ang tunay na katuturan ng salitang halos naging panturing ng lahat sa aking pagkatao.

Ayon sa aking mga kamag-anak, kakaiba na daw ako nung maliit pa ako. Mas mabilis daw ang aking pag-unlad kumpara sa aking mga ka-edad—mas naunang nagsalita, tumayo, at naglakad. Maging sa pagkain naungusan ko daw ang iba. Kuwento ng tiyahin ko, nagsisimula pa lang daw dumede ng gatas sa bote ang mga kasing-gulang ko, kapeng nasa baso na daw ang iniinom ko. Nakatutuwa kung iisipin, kahanga-hanga kung tutuusin, ngunit sa matamang pagsusuri ng ilan, nakatatawa ang aking pagkabata.

Hindi ko nakilala ang aking mga magulang. Ayon sa tiyahin kong kumupkop sa akin, itinae lang daw ako ng isang galising aso sa isang eskinitang malapit sa dating bahay niya sa probinsya. Kahit labis ang pagnanais kong malaman ang katotohanan, hindi ko na muling nabuksan ang usaping iyon sa aking kinalakhang ina. Tiyak ko, kahit paulit-ulit ko mang tanungin ang bagay na iyon sa kanya ay hinding-hindi niya ako sasagutin nang matino dahil abala siya sa kanyang limang anak na halos sunod-sunod ang edad.

Kailanman, hindi naging problema sa akin ang pag-aaral. Sa public school na pinagpasukan sa akin ng aking tiyahin, nagawa kong manguna sa klase mula grade one hanggang huling taon ko sa high school. At tulad ng inaasahan, nilayuan ako ng karamihan dahil sa pagiging iba ko. Nakikipag-debate ako sa mga guro kong tila hindi alam kung ano ang tinuturo nila. Hindi kaagad ako nakasasakay sa mga biro ng mga kaklase ko.

READ
New home for Archi, CFAD inaugurated

Ang mga guro ko lamang ang nakakasama at nakakausap ko nang matagal. Wala akong naging best friend o kahit barkada man lamang sa halos 10 taon ko sa paaralan. May lumalapit naman sa akin. Ngunit kung titingnan mo ang kalendaryo, iyon ang mga panahong nalalapit na ang araw ng mga long quizes at major exams. Sa pagnanais kong malaman ang dahilan ng kakaibang pagtanggap sa akin ng aking mga kaklase, lakas loob kong tinanong ang katabi ko sa upuang nginingitian lamang ako tuwing magpapaturo sa akin ng Algebra. Sabi niya, weirdo raw kasi ako. Hindi raw tao ang mga katulad ko at hindi magandang makita na nakisasalamuha sa mga hindi tao ang mga taong tulad nila. Nakabababa daw ng dignidad.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa mga oras na iyon. Sa kabilang banda, nakaluluwag na rin ng damdamin na kahit paano ay may dahilan akong pinanghahawakan sa pagtrato sa akin ng lipunan.

Hindi ako tao. Iyon na marahil ang pinakatapat at pinakamasakit na mga salitang umukit nang pagkalalim-lalim sa aking pagkatao.

Nang tumapak ako sa kolehiyo, tiniyak ko ang lugar ko. Bumukod na ako sa pamilya ng aking tiya dala ang pangakong iniwan na gagantihan ko ang pagsuporta niya sa aking pag-aaral kapag ako ay nakapagtapos at magkatrabaho. Habang nag-aaral, namasukan ako bilang isang copywriter sa isang nagsisimulang kompanya sa Maynila. Doon ko nakuha ang aking pang-matrikula at pambayad sa kuwartong aking inuupahan.

Nagpatuloy ako sa pag-aaral tulad nang kinalakhan ko. Ngunit hindi tulad ng dati na nangangahas akong makipag-ugnayan sa aking kapwa estudyante. Humulma ako ng sarili kong mundo mula sa aking isipan. Matapos ang bawat klase, mag-isa kong tinutungo ang library at karinderya. Tuwing linggo, na siyang day-off ko mula sa aking pag-aaral at trabaho, nanonood ako ng sine, nagmuni-muni sa mga parke ng Maynila, at kumakaing mag-isa sa mga restawran. Hindi tulad ng dati, nagagawa ko ang lahat ng iyon na walang pag-aalala sa pangungutya ng iba.

READ
Nursing his way to glory

Nakaya kong mag-isa. Nagawa kong mabuhay nang walang barkada o kahit isang malapit na kaibigan man lang. At sa aking sariling mundo, nakita ko ang kabuuan ng aking sarili. Iminulat nito ang aking mga mata sa aking mga kagalingan, kamalian, at kakulangan. Sa aking paraiso, nararamdaman ko ang kapayapaang nais kong makamit sa tuwing pilit kong inilalapit ang aking sarili sa mga taong alam kong kahit kailan ay sarado ang mga sarili sa pagtanggap sa mga tulad ko. Sa aking pag-iisa, nakita ko ang lipunang hinahanap-hanap ko—walang patakaran, walang hinihingi, walang inaayawan. Sa halip, puno ng pagtanggap, pagbibigay, at pagkalinga.

Ngunit sadyang may mga pagkakataong pagkakatuwaan ka ng tadhana at susubukin ang katigasan ng iyong ulo.

Dahil sa napakaraming requirements sa kolehiyo, na karamihan pa ay mga pang-grupo, bahagya kong iniikot ang aking pananaw. Inisip ko noon, labag man sa kalooban ko at dahil sa gusto kong makapagtapos, kailangan kong sumunod sa mga patakaran na hinihingi ng aking kurso.

Sa bawat gawaing naiatas sa akin, buong pagsisikap at kahusayan kong ginampanan ang mga ito. Sa mga pagpupulong, kapag hiningi ng mga ka-grupo ko ang aking pananaw, ibinigay ko nang taos-puso. Lalo na nang mga pagkakataong alam kong kapaki-pakinabang at makatutulong ang mga nasasaisip ko. At kapag tapos na ang bawat pagpupulong at paggawa ng mga term paper, nililisan ko ang grupo at agad na bumabalik sa aking sariling paraiso.

Natapos ko ang kolehiyo nang walang bigat ng loob, hindi tulad noong nilisan ko ang high school. Hindi ko na hinangad na lubusang matanggap ng lipunang puno ng dapat at hindi dapat. At kung titignan ko ang buhay ko ngayon, napalawak ko pa ang aking mundo.

READ
Life in a bustling world

Sa mapagkalingang mundo na nabuo sa aking isipan, ilang tauhan na ang nagawang manirahan dito—mga imortal na nang lumaon ay nahulma bilang mga karakter sa aking mga kuwento at kasalukuyang nagpapaligaya sa napakaraming taong, hindi man tuwirang inaamin, ay katulad ko ring weirdo.

At sa pagdiriwang ko ngayon ng aking ika-30 taong kaarawan, kapiling ang aking laptop computer, lapis, at papel, isang tanong ang naghuhudyat ng isa na namang kuwentong ilalabas ko—ano ang tunay na kaligayahan?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.