Mula nang mabuo ko ang kauna-unahan kong kuwento, naging malaki na ang paghanga ko sa ilang mga kilalang manunulat ng ating bansa. Noon ko unang naunawaan kung gaano kahirap isabuhay sa papel ang mga tauhan at pangyayaring hinubog lamang sa isipan.

Ngunit bilang isang baguhang manunulat, alam kong marami pa akong dapat maunawaan at matutunan tungkol sa sining ng pagsulat. Kung ikukumpara sa isang paglalakbay, marami pa akong hakbang na dapat gawin upang marating ang dapat paroonan. At noong nakaraang bakasyon, umusad ng isang hakbang ang paglalakbay na ito sa pamamagitan ng 2nd UST National Writers’ Workshop.

Marami na akong narinig na mga kuwento tungkol sa iba’t ibang pambansang palihan ng pagsulat. At ang mga kuwentong ito ang dahilan kung bakit nakadama ako ng kaunting takot at kaba.

Sa kabila nito, sumama pa rin ako sa Baguio, kung saan ginanap ang palihan mula Abril 23-27, baon ang ilang mahahalagang kagamitan at lakas ng loob.

Doon ko unang nakilala ang sampu pang mga fellows na sina Michelle Bayaua, Daryll Jane Delgado, Paolo Enrico Melendrez, Mervin Joseph Espina, Glenn Maboloc, Catherine Candano, Julius Benjamin Villanueva, Mark Augustus Funcion, Genaro Gojo Cruz, at Ana Baluyut.

Nakasama ko rin doon ang mga batikang manunulat at mga panelist na sina Dr. Ophelia Dimalanta, Dr. Cirilo Bautista, F. Sionil Jose, Joselito Zulueta, Rebecca Añonuevo, Michael Coroza, Ralph Galan, Ramil Gulle, at Lourd de Veyra.

Noong unang araw ng workshop, pakiramdam ko ay hindi sapat ang baon kong lakas ng loob nang malaman ko na ang aking kuwento ang unang isasalang.

Sina Dr. Cirilo, Ma’am Becky, at Sir Mike ang naging mga panelist ko. Natutuwa ako kapag naiisip kong naglaan ng oras ang mga kilalang manunulat na ito upang basahin ang dalawa sa mga kuwentong sinulat ko. Ngunit noong oras na ng palihan, hindi maiwasang tumarak sa puso’t isipan ko ang bawat salitang binitawan nila.

READ
Be a volunteer

“Halatang nagsisimula pa lang magsulat ang may gawa nito,” wika ni Dr. Cirilo.

Gusto ko nang matunaw sa kinauupuan ko. Ngunit pilit pa rin akong ngumiti nang ipakilala ako bilang may akda ng katatapos lang talakayin na kuwento.

“Magkano po ba ang pamasahe pabalik ng Maynila?” pabiro kong wika nang bigyan ako ng pagkakataong makapagsalita. Nagtawanan ang lahat. “Maraming salamat sa mga comments. Tama po kayo, beginner lang po talaga ako,” pagpapatuloy ko.

Pagkatapos noon, nilapitan ako ni Sir Mike. Tinanong niya ako kung kaninong mga akda raw ang binabasa ko. Noon ko unang nakita ang puno’t dulo ng mga kahinaan ko bilang isang manunulat.

“Economics major po ako kaya nauubos na ang oras ko sa pagbabasa ng mga textbooks namin,” sagot ko.

Ngumiti lang siya at tinanong niya rin kung gaano ko katagal balak ipagpatuloy ang pagsusulat ko.

“Hanggang nasa college lang po ako. Pagkatapos, maghahanap na ako ng trabahong malapit sa course ko,” wika ko.

Nang marinig niya ang sagot kong iyon, inilagay niya ang kanyang kanang kamay sa balikat ko. At habang naglalakad kami palabas ng conference room, ipinayo niya sa aking magsimulang magbasa ng mga libro nina Lualhati Bautista at Liwayway Arceo. “Huwag kang hihinto sa pagsusulat. Kaunti na lang ang marunong sumulat sa Filipino ngayon,” dagdag pa niya.

Napangiti ako dahil sa sinabi niyang iyon. Kahit papaano’y muli akong nabuhayan ng loob.

Naging magaan na para sa akin ang mga sumunod na araw habang hinihintay ko ang natitira ko pang kuwento. Naging madalas din ang pag-uusap namin ni Sir Mike dahil siya ang naging tagapayo ko sa cliniquing. Namangha ako sa matinding pagmamahal niya sa pagsulat at pati na rin sa pagpapahalaga niya sa sariling wika. Lalo ko siyang hinangaan.

READ
Tale of two pretentious creatures

Bukod kay Sir Mike, naging malapit din ang loob ko kay Cathy, fellow ng tula sa Ingles mula sa Ateneo. Iisa ang kurso namin kaya nagkakasundo kami sa maraming bagay. Pareho rin kaming nagsisimula pa lamang magsulat kaya mas madali para sa aming unawain ang nararamdaman ng isa’t isa.

Nakatutuwa ang kakaibang interes ni Cathy sa pagsulat. Para sa kanya, higit pa sa mga salitang nakasulat lamang sa papel ang mga tula niya. Repleksyon ng nilalaman ng puso at kaluluwa niya ang bawat akdang nalilikha niya.

Nakasundo ko rin ang mga fellows na sina Mitch at Mark. Ang mga biro nila ang nakapagpapagaan ng loob ko tuwing natatapos ang bawat pagpapalihan at tuwing naaalala ko ang mga naiwan kong kaibigan sa Maynila. Taga-Baguio si Mitch kaya siya na rin ang nakasama namin ni Cathy sa pamamasyal doon.

Ang mga payo na rin ng mga kasamahan kong ito ang naging dahilan kung bakit mas naging handa ako para sa workshop ng pangalawa kong kuwento.

Ngunit kahit na mas nakapaghanda na ako dahil kahit papaano’y alam ko na kung ano ang dapat kong asahan, hindi ko pa rin maiwasang muling kabahan noon. Halos magkapareho lang ang mga napansin nilang kahinaan sa una at pangalawa kong kuwento.

Noon ko mas naunawaan na ang mga kahinaan ko bilang isang manunulat ay hindi lamang bunga ng kakulangan ko ng kaalaman sa sining ng pagsulat. Bunga rin ito ng kakulangan ko sa mga karanasan at higit pang kaalaman tungkol sa buhay.

Maraming aral at alaalang iniwan ang palihan sa akin. Hinding-hindi ko rin malilimutan ang farewell dinner, sapagkat binigyan kami ng pagkakataong basahin sa harap ng ilang mga panauhin ang aming mga akda. Hindi ako sanay sa ganoong mga gawain. Marahil iyon ang dahilan kung bakit naging manunulat ako. Mula pa noon, mas madali na para sa aking isulat na lamang kesa bigkasin ang mga salita.

READ
Pope to resign, Czech paper says

Nang gabing iyon, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga fellows na papirmahan sa mga panelist ang mga aklat na ibinigay sa amin bilang souvenir. Naalala ko pa ang mensaheng isinulat ni Sir Mike: Kay Anna Leah, Maraming ipinangangako ang iyong panitik. Huwag mo kaming biguin.

Kinabukasan, baon ang mga alaala at aral mula sa katatapos pa lamang na karanasan, bumalik ako sa Maynila kasama ang mga bago kong kaibigan. Iyon na ang pagtatapos ng limang-araw na palihan. Ngunit para sa akin, simula pa lamang iyon ng mas makabuluhan pang paglalakbay bilang isang baguhang manunulat.

Alam kong malayo pa ako sa dapat kong paroonan. At dahil dito, marami pa akong hakbang na dapat gawin upang tuluyan kong matupad ang “mga pangako ng aking panitik.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.