Nakalapag na rito ang katahimikan.
Nakahimpil ang lahat at wala kahit
kaluskos. Walang talinghagang mahango
mula sa agos ng tubig-kanal.
Di gumagalaw ang mga sanga ng puno.
Walang kibot na maaninag sa hating-buwan
na tumatanod. Laganap naman ang kaayusan
ngunit tila lumisan ang gaan sa dibdib.
Hinigop ng hilakbot at kinagat
ng pangingilabot ang init ng balat.
Hindi kaya pangitain ang lahat ng ito?
Sa kuwadro ng telebisyon, bumulagta
ang gusaling binangga ng dalawang
naghuhuramentadong eroplano.
Ang pinulbong usok
ng mga pader at bato ng gusali’y
kaluluwang kumalas sa katawan
ng komersyo. Sa lungsod,
multo ito ngayong di matutulog.
Nadurog ang aking puso
nang gumuho ang dalawang tore.
Humahangos ang lahat sa pagkamangha,
ngayong babalot ang pagluluksa.
Papaanong itatali sa kapatawaran ang ganitong
kasalanan? Papaanong iwawaglit ang pangitain
ng digmaan, gayong nakakalat sa kalsada
ang mga biga, abo at pira-pirasong
palapag? Hindi ito tulad ng alikabok
na maaring ipagpag.
Malamig ang kalabit ng araw sa pagsikat
ng umaga. Mananahan ang pighati
sa lahat ng sulok ng gunita. Malulukuban
ng usok ang buwan. Mananatili naman
ang katahimikang hahalili sa hanging
parating na pangitain.
(Setyembre 11, 2001, nang atakihin at pabagsakin
ng mga terorista ang World Trade Center
sa New York.)