UNANG sumikat ang mga Pinoy superheroes sa pagsilang ng Pinoy komiks noong 1929. Dahil dito, nagsilbing daan ang mga komiks upang makalimutan ng mga Pilipino ang hirap ng buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Unang naging idolo ng mambabasa si Kenkoy ni Antonio Velasquez dahil sa kanyang mga nakakatuwang pakikipagsapalaran.

Lalo nauso ang komiks nang itayo ni Don Ramon Roces noong Mayo 27, 1947 ang Ace Publications. Hindi naglaon, isinapelikula ang kuwento ng ilang mga sikat na tauhan sa komiks gaya nina Bondying, Captain Barbel at Dyesebel.

Bagaman naging patok sa takilya ang mga pelikulang hango sa komiks, hindi pa rin nakuntento ang mga producer. Kung dati, sa pelikula lamang nakikita sina Darna, Panday, at Kampanerang Kuba, ngayon, sila na ang namamayagpag at kinagigiliwan sa mga istasyong ating sinusubaybayan.

Magmula nang ipalabas noong nakaraang taon ang mga “fantaserye” na Marina (ABS-CBN 2) at Mulawin (GMA 7), mga makabagong uri ng Pinoy superheroes nagtuluy-tuloy na ang pagdagsa ng mga iba’t-ibang palabas na nagdadala sa mga manonood sa ibang mundo.

Ayon kay Dr. Joyce Arriola, Department Chair ng Media Studies ng Faculty of Arts and Letters, patok na patok ang mga “fantaserye” dahil alam ng mga network ang pormulang gagamitin upang tugunan ang panlasa ng masang Pilipino.

“Umaangkop sa panlasa ng masa ang pormulang linear o structural. Basic ang ganitong klaseng pormula. Sa umpisa ipapakilala ang mga tauhan, magkakaroon ng problema, ipapakilala ang tagapagligtas, hahanapan ng tagapagligtas ng solusyon ang problema, at magiging maayos ang lahat. Pumapatok ang ganitong klaseng pormula sapagkat madaling mahulaan ang balangkas nito,” ani Arriola.

READ
Three Sundays away from the carnival

Payak mang maituturing ang balangkas ng mga ito, nakahatak sa mga manonood ang mga kakaibang anyo ng isang bida, mga nilalang na nagtataglay ng mga kakaibang lakas at katangian. Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, binigyang buhay ng mga “fantaserye” ang pakikipag-sapalaran ng mga Pinoy superheroes na sa komiks lang dati masusubaybayan.

Ayon kay Richard “Dode” Cruz, na nagtapos sa Faculty of Pharmacy at headwriter ng seryeng Darna sa GMA 7, magandang basehan ng “fantaserye” ang mga kuwentong hango sa komiks dahil mayroon itong panitikang pinaghanguan.

“Kilala na ng lahat sina Darna, Dyesebel at iba pa,” dahilan ni Cruz. “Meron na kasi silang tagasubaybay.”

Ngunit kahit sikat ang kuwento nina Darna, Panday at Kampanerang Kuba, hindi ito nangangahulugang mataas ang kalidad ng mga nasabing “fantaserye,”

Para kay Arriola, hindi makikita ang kalidad ng mga palabas sa popular media sapagkat hindi ito nasusukat sa pamamagitan ng pagbilang sa dami ng manonood nito.

Sapagkat naka-angkla ang mga “fantaserye” sa gusto ng masa at mga advertisers, madali na lamang para sa mga manonood na hulaan ang balangkas ng mga ito, dagdag niya.

“Eksperimento ang isang palabas kung laban ito sa karaniwang predictable plot. At ang palabas na isang eksperimento ang nagdudulot ng kalidad,” paliwanag ni Arriola.

Subalit ipinaliwanag ni Robert Joseph “RJ” Nuevas, produkto ng dating College of Architecture and Fine Arts (CAFA) at headwriter ng seryeng Sugo sa GMA 7, kakikitaan pa rin ang mga pangyayari dito ng pagkakatulad sa totoong buhay.

Aniya, ang mga pag-uusap ng mga tauhan sa mga “fantaserye,” gayundin ang kanilang mga desisyon ang mga kinakailangang gawing natural upang hindi ito malayo sa tunay na mundong ginagalawan ng mga tao.

READ
Edsa sa mga musmos na mata

“Kapag hindi mo nagawang mapaniwala ang mga manonood, lumalayo sila sa mga napapanood nila. Kapag mas makatotohanan, lalo nila itong pinapanood,” ani Nuevas.

Sa tulong ng mga makatotohanang desisyon at pag-uusap, nagagawang pagtagpuin ng mga ito ang mundo ng realidad at pantasya. Dahil doon, nakukuha ng mga tauhan ng mga “fantaserye” ang simpatiya ng mga manonood.

At dahil na rin punung-puno ng special effects ang mga tagpo sa fantserye, mas lalo nitong binibigyang-kulay ang palabas.

Ayon naman kay Arriola, malaki ang naitutulong ng mga serye sa mga manonood na pansamantalang malimutan ang kanilang mga problema. Ang katatawanan, hiwaga, at drama ng kwento ang nagbibigay aliw sa mga tagasubaybay. Binigyang-diin din niya na hindi masama ang pagtakas sa realidad habang nanonood ng mga “fantaserye.”

“Walang masama sa pagtakas. Pero kung naulit ang ginawang materyal sa pagtakas sa realidad, yun ang mahirap. Dapat may bagong ideya na maiuugnay sa mga problema ng bansa.”

Pagtakas man sa realidad o pagpapakita ng totoong buhay, hindi pa rin masasabing naibabahagi ng mga fantaseryeng ito ang kaugalian nating mga Pilipino.

Para kay Milanie Sanchez, na nasa ikaapat na taon sa kursong Journalism ng Faculty of Arts and Letters, mayroong naibibigay na aral ang panonood ng “fantaserye.”

“Naroroon ang karaniwang makikita sa mga kuwentong pambata na mayroong pabuya kapag gumawa ng kabutihan at kaparusahan kung hindi,” ani Sanchez.

Ayon naman kay Joseph Emil Magalong, na kumukuha ng kursong Applied Physics sa College of Science, pagsasayang lang ng oras ang panonood ng mga “fantaserye.”

“Hindi naman kasi makatotohanan at hindi rin magagamit sa pang-araw-araw na buhay,” sabi ni Magalong.

READ
Bringing back the brilliance in cinema

Subalit nagkasundo ang mga pahayag nina Sanchez, Magalong at dalawa pang manunulat na walang direktang kontribusyon sa kagandahang asal ang mga fantaseryeng napapanood ngayon.

“Hindi naman kasi talaga namin iniisip yung partikular, pangkalahatan lang. Tulad ng laban ng kabutihan sa kasamaan,” sabi ni Cruz.

Sinabi rin ni Nuevas na lahat ng tao naghahanap ng matatawag na bayani sa buhay at naibibigay ito ng mga fantaserye.

Ngunit ayon kay Sanchez, hindi dapat labis ang pag-iidolo sa mga bida ng mga kwentong napapanood.

“Nakakatuwa silang panoorin pero kalabisan naman kung iidolohin,” sabi ni Sanchez.

Dagdag pa ni Magalong, “Hindi dapat makulong sa mundo ng pantasya dahil may iba pang importante sa buhay.”

Binuhay ng fantaserye ang mga superheroes na nagtatanggol sa tao sa masasamang kamay. Bagaman panandaliang dinadala ng mga “fantaserye” ang mga tao sa ibang mundo, maimulat pa rin sana ng mga ito ang pananaw ng mga manonood sa mga aral na nakapaloob dito. Emili Therese A. Malacapo at R.A.R. Pascua

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.