MAKALIPAS ang mahigit dalawang oras na biyahe sa malubak na kalsada ng Sharrif Aguak patungong Cotabato at isang oras at kalahati naman lulan ng eroplano, narating ko rin ang Maynila, ang unang hakbang sa pagtupad ng aking mga pangarap. Totoo nga ang sinabi ng kababata kong si Dhali na kamangha-mangha ang ganda ng Maynila—ang malalaking gusali, ang patag na kalsada at makabagong teknolohiya.
Ako si Miguel Maussaui, 17-taong gulang. Mas kilala ako bilang Muel sa aming nayon sa Sharrif Aguak, Maguindanao. Isa akong Muslim at sa tulong ng aking mga guro na nagrekomenda sa akin, napili ako ng mga Dominikano na maging iskolar sa pamantasang Katoliko na kanilang pinatatakbo. Kahirapan ng pamilya ang nagtulak sa akin para mag-aral sa Maynila sa kabila ng pag-aalinlangan. Sa pagkuha ko ng kursong Political Science, hangarin ko ang makatulong sa aking mga kababayan.
Dalawampung taon na ring pinagsasamantalahan ng mga haciendero ang aking mga magulang at mga kanayon na ikinabubuhay ang pagtatanim ng pinya. Sabi ni ama, inangkin ng mga haciendero ang lupang minana pa niya mula sa ninuno ng kanyang lolo. Dala ang tunay na katibayan umano sa lupang kanilang inaangkin, marami sa amin ang walang nagawa kundi magpatuloy sa pagtatanim ng pinya para sa “may-ari ng lupa.” Kaya naman marami sa mga manggagawa ang nahihimok sumapi sa mga kilusang nais ipaglaban ang kanilang dangal at karapatan. Ngunit kung minsan, wala na rin sa tamang katwiran ang ilan sa mga kilusang ito. Basta na lamang silang kumikitil ng mga inosenteng buhay. Nagiging konotasyon tuloy na rebelde kaming mga Muslim o kung hindi, higit na malala—terorista.
Si Dhali Dulaiman ang aking kababata. Lihim akong umibig sa kanya hanggang matuklasan naming parehas pala kami ng nararamdaman sa isa’t isa. Kailangan kong magsumikap upang maipagmalaki niya ako sa kanyang amang datu.
Makailang ulit nang nasilip ni Dhali ang Maynila. Sa tuwing babalik siya, ikinukuwento niya ang kaniyang mga nakita at naranasan.
“Kamanghamangha ang ganda ng Maynila—ang malalaking gusali, ang patag na kalsada at makabagong teknolohiya,” aniya. “Pero maganda man sa Maynila. Kaiba ang mga tao roon sa mga tao rito sa atin. Nangingilag ang iba sa ating mga Muslim.”
“Welcome Miguel Maussaui!”
Nabasa ko na ang placard kung saan nakasulat ang pangalan ko. Kalahating oras nang huli sa usapan ang taong dapat susundo sa akin sa Maynila. Nahihilo pa rin ako hanggang ngayon. Naging mahirap ang proseso kanina bago ako nakasakay ng eroplano, sinamahan pa ng paghigpit ng seguridad higit lalo para sa mga katulad ko. Malamig kanina sa loob ng eroplano pero napaghandaan ko na iyon ng bagong malong na ibinigay ni ina. Ngunit, ang hindi ko inaasahan ang malamig na pagtanggap ng ilang Pilipinang flight attendant sa akin. Hindi ko matanggap kung bakit ako ang kinailangang lumipat ng upuan gayong ang dayuhan naman ang ayaw akong makatabi. Highit sa lahat, hindi ko maunawaan kung bakit ayaw ako nitong makatabi.
Sabi ni Ms. Cruz, na siyang naghatid sa akin sa dormitoryo, nahirapan siyang maghanap ng maaari kong matuluyan. Sa tuwing malalaman na Muslim ako, nag-aalangan ang mga may-ari ng dormitoryo. Buti na lamang daw at may nakilala siyang taga-Mindanao. Laking tuwa ko nang mabatid kong mayroon akong kababayan na makakasama.
Sagot ng pamantasan ang lahat ng aking gastusin kaya naman hindi ako mahihirapan sa usaping pinansyal. Mayroon silang ibibigay na boarding, food, book at monthly allowance buong taon.
Sa unang araw ng klase, ako pa ang napili ng propesor namin na mag-alay ng panalangin. Hindi ko alam kung kanino ako dapat magdasal—kay Allah ba na aking pinaniniwalaan o sa kanilang Diyos. Ako ba dapat ang makibagay o sila ang dapat umintindi sa akin? Sa huli, napagsabihan ako ng aming propesor na kailangan kong matutunan ang paraan ng kanilang pagdarasal sapagkat nasa pamantasang Katoliko ako.
Marami akong nakilala, naging kaibigan at mayroon din mga hindi nakasundo. Malaki ang pinagkaiba ng kultura, lipunan at tao sa bagong mundong aking ginagalawanan. Nahirapan akong pakibagayan ang marami sa kanilang mga paniniwala, gawi at tradisyon. Nahirapan akong pag-aralan ang kanilang Diyos, relihiyon at pananampalataya.
Makalipas ang apat na taon ko sa kolehiyo, marami na akong naging kaibigan. Bagaman marami kaming pagkakaiba, higit na marami ang mga bagay na maari naming mapagkasunduan. Napatunayan kong maari palang mamuhay nang payapa, nagkakasundo at nagkakaisa kahit magkaiba sa relihiyon o kultura.
Nakapagtapos na ako ng aking kurso. Buo na ang aking pasya na magtutuloy ako sa abogasya. Nagpapasalamt ako kay Fr. Martinez na siyang gumabay sa akin sa buong panahon kong pananatili sa Unibersidad. Sapat na ang apat na taong edukasyon na inihandog ng pamantasan upang tumayo ako sa sarili kong mga paa. Magtatrabaho ako habang nag-aaral.
Lumipas ang limang taon at natapos din sa wakas ang mahaba kong pagsusunog ng kilay. Napatunayan kong may katumbas na gantimpala ang bawat pagsusumikap. Pumangalawa ako sa bar exams.
Dalawang taon na rin nang huli akong umuwi sa amin. Alas siete ngayong umaga nakatakda ang aking flight. Alam kong maipagmamalaki ako ng aking mga magulang ngayon.
Nagpapasalamat ako kay Allah man o sa Diyos ng mga Kristiyano para sa magandang kapalaran na Kaniyang ipinagkaloob. Naniniwala ako na ang lahat ng naganap sa aking buhay ay naaayon sa maktud—na nakatakda na ang lahat.
Magsasampa na rin kami, kabilang ang aking mga magulang at ilan pang mga magsasaka ng pinya, ng kaso laban sa mga may-ari ng lupa para sa kanilang iligal na pagsamsam ng aming lupain. Napagpasyahan ko na ring buhayin ang kaso ng maanumalyang “reporma ng lupa” sa Mindanao sa aking pagdating. Batid kong ito ang mga hakbang upang makamtan ang pantay na karapatan, pagkakasundo, kapayapaan at pagkakaisa ng mga Pilipino—Kristiyano man o Muslim.
Naramdaman ko ang mainit na pagtanggap ng mga flight attendant sa muli kong pagsakay ng eroplano. Marahil dahil nakabarong-tagalog ako ngayon kumpara sa mga nakaraan kong pagsakay.
Sa aking pag-uwi, nais kong ibsan ang pangungulila ng aking mga magulang at pangungulila ko sa kanila. Nais kong punan ang pangangailangan ng aking lipunan at baguhin ang bulok na sistema. Higit sa lahat, ibig ko nang wakasan ang siyam na taong paghihintay at pagtitiis ni Dhali. R.U. Lim