PANGARAP ng maraming Filipinong animators ang makapagtrabaho sa Walt Disney, Pixar, Toei, at iba pa. Ngunit dahil panandalian lang ang ibinibigay na trabaho ng mga banyagang animation studios, kadalasang nasasayang o nauuwi sa wala ang galing ng mga Filipinong kartunista.

Upang solusyunan ang problemang ito, sinimulan ng ilang mga Tomasino at Filipino animators ang paggawa ng sariling mga produktong naglalayong hindi lamang bigyan ng permanenteng hanapbuhay ang mga Filipinong kartunista, ngunit para dalhin din ang mga Filipino tungo sa pagkahumaling sa yaman ng sariling kultura, kasaysayan, at tradisyon.

Animation na sariling atin

Kailangan daw magkaroon ng sariling animation ang mga Filipino dahil epektibo itong instrumento ng edukasyon, lalo na’t nasasagap ng mata ang 90% ng natututunan ng tao. Ayon kay Apolonio “Pol” Medina Jr., kartunistang Tomasino na kilala sa kanyang obra maestrang “Pugad Baboy.”

“Ang animation kasi, pinagsasama ang alamat at kultura gamit ang modernong teknolohiya kaya nakapagbubukas ito ng paningin ng mga tao para sa kinabukasan,” dagdag pa ni Medina.

Sinuportahan siya ni Jomike Tejido, estudyante ng UST College of Architecture at host ng “Art is Kool.” Aniya, napakaepektibo at maimpluwensiya ang animation dahil nakokopya ng mga bata ang mga kaugalian at paraan ng pagsasalita ng mga tauhan sa animé.

“Nagpapakita ng mga kaugalian ang Japanese animé na maaaring tanggap sa kulturang Hapon, ngunit negatibo ang dating sa mga Filipino, kaya kailangan, repleksyon ng mga kaugaliang Filipino ang mga animé na pinapalabas sa bansa,” ani Tejido.

Para naman kay Jose Lonito Gatdula, alumnus ng UST College of Architecture, kinakatawan ng animation ang tao. “Kung gusto mo maging aktor pero ‘di ka marunong umarte, ‘yung karakter na ginuhit mo ang gagalaw para sa’yo,” aniya.

Nagtatrabaho si Gatdula para sa Artfarm Asia, isa sa pinakaunang animation productions sa bansa.

Ayon naman kay Nelson Caliguia, creative director ng Artfarm, kailangang magkaroon ng Pinoy animé: una, dahil kailangang magkaroon ng sariling mga produktong ibebenta ang mga Filipino; at pangalawa, para maibahagi ang kultura, kasaysayan, at tradisyon ng mga Filipino sa mundo.

“Ang masakit sa mga Filipino, makapagtrabaho lang sa Disney ang pangarap nila,” ani Caliguia sa panayam sa kanya ng Varsitarian.

“Sa tulong ng sariling production studio, hindi lang serbisyo ang naipamamahagi ng mga Filipino, pati sarili nilang produkto,” dagdag pa ni Caliguia.

READ
Catholic schools to stress moral values vs. corruption

Salamin ng kultura at kasaysayan

Ayon sa obserbasyon ni Tejido, parte na ng kulturang Filipino ang mga cartoons simula noon. Nagsimula ito sa paglipana ng mga komiks tulad ng “Kenkoy” at “Zuma.”

“Mga komiks ang popular na libangan ng mga Filipino noon dahil abot-kaya ang mga ito,” ani Tejido. “Ang pagkahilig ng mga Filipino sa komiks ang nagdala sa kanila sa pagkahumaling sa animation.”

Sa paniniwala ni Mary Sharline Bobadilla, estudyante ng College of Fine Arts and Design, ipinapakita ng animé ang kasaysayan ng mga kulturang namana ng mga Filipino mula sa mga Kastila, Amerikano, at Hapon. Ito ang tinatawag ni Caliguia na “culture crash.” Sanhi nito, malakas daw ang colonial mentality ng mga Filipino.

Ngunit kung negatibo ang karaniwang tingin sa colonial mentality, sa animation, ito ang pangunahing kalakasan ng mga Filipino.

“Tayo kasi ang may pinakamalapit na humor at kaugalian sa mga Amerikano,” paliwanag ni Caliguia. “Ang problema nga lang, nagpapaalila ang mga Filipino sa mga Amerikano. Dapat may colonial mentality, pero may dignidad pa rin. Di dapat kalimutan ang kinagisnang kultura.”

Upang magkaroon ng markang Filipino ang ginagawa nilang animation, ibinabase ng mga Filipinong kartunista ang kanilang mga gawa sa mga alamat at tradisyunal na paniniwala. Sinisigurado ng mga Filipino animators na bunga ng malalim na pananaliksik ang kanilang mga gawa nang sa gayo’y maiparating sa mga manonood ang, kung ‘di man tunay, pinakamalapit na hitsura, kapaligiran, at galaw ng mga katutubo.

“Nakabase ‘yung mga gawa ko sa katotohanan,” sabi ni Medina. “Ginagawa ko lang komedya ang mga totoong pangyayari sa Pilipinas para makapanlibang ng mga mambabasa.”

Sabi pa ni Tejido, ‘di lang kultura ang epektibong nakokopya ng cartoons. Nagagaya na rin ang kabayanihan ng mga bayaning Filipino, tulad ng kung paano ginagawang animé ng mga Hapon ang kanilang mga samurai.

Ngunit, kahit anong pagsisikap ng mga Filipinong kartunista na kopyahin ang kulturang Pinoy, nananatiling walang sariling istilo at identipikasyon ang mga gawang Filipino.

“Dapat kasi may universal appeal ‘yung cartoons namin,” ani Caliguia. “Gustuhin man naming magmukhang Pinoy ‘yung mga tauhan, kailangang walang marka ng racial discrimination ‘yung mga gawa namin.”

Maliban dito, mga banyaga ang nagbibigay ng pondo sa produksyon ng mga kartunistang Filipino. Isa rin itong dahilan kung bakit mukhang mga karakter ng Disney ang mga tauhan sa gawang Filipino.

READ
Law prof is still campus advisers group president

Upang kahit papaano’y makilala ng mga kapwa nila Filipino ang kanilang mga gawa, nilalagyan ng mga animators ng mga palamuti o kasuotang Pinoy ang kanilang mga karakter, o ‘di kaya’y isang kilalang tanawin sa Pilipinas ang ginagawa nilang pook ng kuwento.

Ayon kay Caliguia, hindi pa handa ang mga Filipino na sumubok ng bago, kaya inuunti-unti nila ang pagpapakilala sa Filipino animation. Sinimulan nila ito gamit ang mga istilong natutunan nila sa Disney, Hanna-Barbera, at Marvel.

“Plastik kasi ang mga Pinoy e,” kumento ni Caliguia. “’Pag gumawa kami ng bago, sasabihin nila, baduy kami, ‘pag gumamit naman kami ng istilong banyaga, sasabihin naman nila, manggagaya kami. Sa’n kami lalagay n’yan?”

Higit pa rito, inirereklamo rin ni Caliguia ang pagkakaron ng crab mentality ng mga Filipino.

“Sa halip na pintasan n’yo ‘yung mga gawa namin, suportahan n’yo na lang kami para sabay-sabay tayong umunlad,” aniya.

Maliban sa suporta ng madla, kailangan din nila ang suporta ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, tanging endorsement pa lamang mula sa Department of Education ang nakukuha ng mga Filipinong animators.

“Kung ‘di kami kayang pondohan ng gobyerno, sana alagaan na lang nila ang mga animation contractors na namumuhunan sa ating bansa,” sabi pa ni Caliguia. Korupsyon daw kasi ang isa sa mga dahilan kung bakit nag-aalisan ang mga kumpanya ng animation sa Pilipinas.

Ang animation bilang propesyon

Bata man ang industriya ng animation sa bansa, hindi iilan ang nangangarap na mapabilang dito. Isa na rito si Bobadilla.

Dahil sa mga palabas ng Disney tulad ng “The Little Mermaid,” ginusto na ni Bobadilla na maging animator simula pagkabata.

Dahil din sa pagiging bago ng nasabing industriya, inaakala ng marami na hindi praktikal ang pumasok sa karerang ito.

“Hindi gaanong mapagkakakitaan ang animation, pero kung mahal mo ang trabaho mo, magiging praktikal ito,” sabi ni Tejido.

Sang-ayon dito si Gatdula dahil “lumalawak na ang sakop ng animation, lalo na’t marami nang bagong teknolohiya tulad ng cellphones, Internet, at web design.” Gumagamit ng animation ang lahat ng kanyang nabanggit.

Kaugnay nito, kasalukuyang nagsisimula pa lamang sa pagtuklas ng mga bagong paraan sa pagpapaunlad ng industriyang animation ang mga Filipino, ‘di tulad ng mga Hapon na nakapagtatag na ng pangalan at market para sa kanilang mga produkto.

READ
Dimalanta launches poetry collection

“Sa ngayon, mas okay ang market sa comic books kaysa animation,” ayon kay Medina. “Kasi puwedeng balik-balikan at itago ang komiks; ‘di tulad ng cartoons, kailangan pang paulit-ulitin para matandaan.”

Maliban sa training sa paggawa ng komiks, nakatulong din ang edukasyon mula sa Unibersidad para sa mga Tomasinong animator.

“Naging pulido ang mga gawa ko simula nang nag-aaral ako ng Architecture sa UST,” paliwanag ni Medina.

Para naman kay Tejido, pakikisama naman sa mga katrabaho ang kanyang natutunan mula sa kanyang kurso, habang “good craftsmanship” at “concept of beauty” naman ang kay Gatdula.

Ayon kay Mina Caliguia, isa sa mga may-ari ng Artfarm, nasasakop ng mga Filipino ang malaking bahagi ng animation industry sa buong mundo. Sa katunayan, maraming bagong palabas, tulad ng “Finding Nemo” at “The Incredibles,” ang mayroong mga Filipino sa kanilang creative team.

“Mas expressive tayo kaysa ibang Asyano, kaya magagaling tayong mga animator,” paliwanag ni Caliguia sa isang panayam na isinagawa ng Philippine Daily Inquirer. “Individually, magagaling tayo, pero kung sa kabuuan, hindi pa tayo sikat.”

“Masipag ang mga Pinoy,” ayon pa kay Medina. “Kailangan lang talagang magsanay sa malikhaing pagsusulat, dahil kung puro salin lang, nasisira ang ideya ng istorya.”

Dahil isang maliit na industriya, “marami ang may gustong kumita agad,” sabi ni Nelson Caliguia. “Problema rin ‘yung pagiging seasonal ng animation dahil umaasa lang tayo sa awa ng mga subcontractors.”

Malaking impluwensiya rin ang ekonomiya ng Pilipinas sa kalagayan ng animation. “Walang pondo para sa pagpapalathala ng mga ito,” ani Tejido. “Mahina rin ang buying power ng masa, at kulang tayo sa aspetong teknikal.”

Marami pang kailangang pagbutihin sa industriya, ayon kay Nelson Caliguia. “Dapat makita ng mga animators na negosyo at sining ang ginagawa nila kaya dapat galingan ang kalidad ng gawa. Ang hirap kasi sa mga Filipinong animators, para silang mga manggagawa ng pabrika, kulang sa professionalism”.

“Dapat maging handa rin ang mga local producers para sa industriyang ito, dahil nakadepende ang tagumpay ng animation sa pagtutulong-tulong ng iba’t ibang sektor ng lipunan at pelikulang lokal.” Kasama si Florian C. Garcia. Sanggunian: www.inq7.net

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.