NAGING bahagi na ng ating kabataan ang paglalaro.

Sa paglipas ng panahon, iba’t ibang uri at anyo ng laruan ang umusbong. Ngunit sa dami ng mga nagsulputang laruan may isang klase nito ang patuloy na tinatangkilik ng mga Pilipino.

Sino ang hindi makakakilala sa Game of the Generals? Sumikat ang naimbentong laro ni Ronnie Pasola noong dekada 70 bilang alternatibong board game sa chess. Halaw sa pinag-isang ideya mula sa mahjong, detective movies at war movies, naging mabenta ang laruan hindi lamang dahil sa kakaiba nitong hitsura, kundi rin sa mas makabago at mas kapana-panabik na larong ginagamitan ng estratehiya.

Dahil sa pagsikat ng Game of the Generals, sunud-sunod na nagsulputan ang iba’t ibang uri ng boardgames gaya ng Demopoly, Questival atbp. Datapwat naging talamak ang board games noong dekada 70 hanggang 80, hindi lubusang nagpatuloy ang karamihan sa mga ito.

Bagaman hindi lubusang naipakita ng data mula sa Department of Trade and Industry (DTI) ang tunay na kalagayan ng industriya ng board games sa bansa, isinaad nito na naging bahagi ito ng P355-milyon na industriya ng laruan noong 1992.

Boardgames sa ngayon

Sa kasalukuyan, hindi lubusang napapansin ang industriya dahil na rin sa 0.1 porsiyento lang ang naibabahagi nito sa kabuuang ekonomiya, ayon sa National Statistics Office (NSO).

Noong 1999, iniulat ni Myrna Austria, isang research fellow ng Philippine Institute for Development Studies, na mahina ang industriya ng paggawa ng mga laruan dahil malakas ang kumpetisyon na dala ng Tsina at ibang mga bansa sa Asya kung saan mura ang pasahod at mga sangkap.

READ
TO PLANT OR NOT TO PLANT

Samantala, inaangkat pa mula sa Estados Unidos at mga bansang napapabilang sa Asia-Pacific Economic Cooperation ang karamihan sa mga boardgames. Ayon sa NSO (1991-1996), bahagi ang boardgames sa kategorya ng scale models and puzzles na humigit kumulang sa P7-milyong halaga ang naiaangkat ng bansa kada taon.

Para kay Erik Lee Sun, may-ari ng Hobbes and Landes, isang toyshop na kilala sa pagbenta ng boardgames, halos 10 porsiyento lang sa kanilang naibebenta ang kinabibilangan ng mga local boardgames gaya ng Word Factory at Crossword.

Bagaman mahina ang ipinapakitang kalagayan ng industriya sa bansa, may iilan pa ring lumalabas na makabagong uri ng local boardgames at patuloy na nabubuhay sa industriya nito.

Uso lang?

Dahil sa pagka-uso ng mga fantaserye sa telebisyon, nagsulputan ang mga bagong boardgames na hango sa mga sumisikat na pelikula at palabas sa telebisyon gaya ng Encantadia at Panday.

Para kay Pacito Madroño, may-ari ng 13 PM Enterprise, isang kumpanyang gumagawa ng boardgames, isang “fad” lamang ang mga ito.

“It’s more of entertainment… they are cashing in on the popularity of the series in effect,” ani Madroño. “Magkakaroon ito ng magandang presyo, ngunit wala akong nakikitang malaking kahalagahan nito sa edukasyon.”

Dagdag pa ni Madroño, kailangang hindi lamang maging isang uri ng libangan ang mga boardgames, ngunit dapat ding maging higit na kapaki-pakinabang sa pag-aaral ng mga kabataan.

Magandang halimbawa ng mga educational boardgames ang popular na Scrabble ng Spears Co., at Boggle ng Hasbro, Inc. na hinahasa ang bokabularyo ng manlalaro.

“May natatanging aral na makukuha sa boardgames,” ani Madroño.

READ
Broken resolutions

Sa mga lumabas na boardgames noon at ngayon, taglay pa rin ng ilan sa mga ito ang pagbibigay-halaga, higit sa lahat, sa aral na matutunan kaysa sa pawang panlibangan lamang. At hindi rin naman natatalo ang mga educational boardgames sa mga tindahang gaya ng National Bookstore (NBS) kung saan pinakamabenta pa rin ang mga ito.

Ayon kay NBS merchandise officer Irene Francisco, pinakamalakas ang benta ng mga educational na boardgames, sumunod ang mga entertainment na boardgames tulad ng Encantadia at Disney, habang pumapangatlo naman ang mga recreational board games tulad ng chess.

Larong pangmayaman?

Bagaman mahalaga ang naidudulot ng mga boardgames sa paglinang ng kakayahan ng isang bata, hindi naman ito tuwirang naaabot ng masa. Karamihan sa mga boardgames na binebenta nagkakahalaga ng P500 pataas.

Ngunit ayon kay Francisco may oportunidad na lumaganap ang industriya ng local boardgames na mas mura.

“Kadalasan, bumibili ng mas murang board games ang karamihan sa mga mamimili,” ani Franciso. “Kung ikukumpara ang Game of the Generals sa Monopoly, mas malakas ang Game of the Generals dahil sa presyo.”

Ayon naman kay Madroño, na nagbebenta ng Crossword at Word Factory, and lokal na bersyon ng Scrabble at Boggle, mas mura ang pagkakaroon ng “import-substitution,” tulad ng kanyang ginagawa, kumpara sa pag-aangkat mula sa ibang bansa.

“They’re not original in the sense that there are original patterns; that they are all innovations of existing products,” sabi ni Madroño.

Sinabi rin ni Madroño na hindi madali gumawa ng isang bagong board game. “Kailangan itong dumaan sa mahabang proseso ng pagsisiyasat. Kinakailangan din itong umakma sa kalagayan ng bansa.”

READ
Chem Eng'g Society holds quiz bee

“Even the British, Russian, and American needs to be adaptive. There will be some people insinuating why not come up with a crossword/scrabble which is Filipino,” ani Madroño. “Of course it could be done, But the configuration will be different because there will be more ‘n’, ‘ng’, more ‘a’ than the usual. “

Kahit patuloy ang pagbabago ng anyo ng boardgames, hindi mawawala ang kahalagahan nito bilang isang alternatibong paraan ng pagtuturo at paghinang sa kakayahan ng kabataan.

“In effect, it’s not just a board game rather it’s how you do things from what you learned from these board games that makes you a better person, a better citizen.” Mary Elaine V. Gonda at Reagan D. Tan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.