Dibuhio ni Carla T. GamalindaNABABALOT man sa kontrobersiya ang paghirang sa mga bagong Pambansang Alagad ng Sining noong Hulyo, natatangi naman ang posthumous na pagkilala kay Lazaro Francisco sa larangan ng panitikan. Mula sa pitong mga hinirang, isa si Francisco sa tatlong orihinal na pinili ng seleksiyon upang bigyan ng parangal.

Kinilala si Francisco bilang isa sa mga pangunahing nobelista sa wikang Filipino dahil sa kaniyang mga realistang paniniwala na makikita sa kaniyang mga nobela.

“When the history of the Filipino novel is written, Lazaro Francisco is likely to occupy an eminent position in it. Already in Tagalog literature, he ranks among the finest novelists since the beginning of the 20th century,” ani Bienvenido Lumbera, isa ring Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.

Bagaman tubong Orani, Bataan, sa Cabanatuan nagtapos ng elementarya at hayskul si Francisco matapos lumipat ng kaniyang pamilya roon noong siya ay 16 na taong gulang pa lamang. Ngunit dala ng hirap ng buhay, hindi
natapos ni Lazaro ang kaniyang kolehiyo sa Central Luzon Agricultural College.

Hindi naglaon, kumuha siya ng pagsusulit sa gobyerno at nang makapasa ay nagtrabaho sa probinsya ng Nueva Ecija bilang isang assessor.

Bilang assessor, ipinaglaban ni Francisco ang karapatan ng mga munting magsasaka na siyang naging pangunahing paksa ng kaniyang mga nobela. Idagdag pa rito ang pagpapaigting ni Francisco ng kanilang proteksyon laban sa mga mapagsamantalang banyagang negosyante. Dahil dito, ginawa nang National Grains Authority ang noo’y National Rice and Corn Corporation ni Pangulong Ferdinand Marcos nang ipatupad ang batas militar.

Noong 1958, itinatag ni Francisco ang Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino na nagsulong sa paggamit ng Tagalog bilang pambansang wika.

READ
Si Haraya

Mga natatanging kontribusyon

Mula 1925 hanggang 1960, namayani ang mga temang agrikultural, socio-ekonomikal at realistiko sa 12 nobelang isinulat ni Francisco na nalathala sa babasahing Tagalog na Liwayway.

Inilarawan ng tanyag na manunulat na si Rogelio Sikat si Francisco bilang “dalubhasa sa wika, malalim sa pilosopiya, may puso sa dukha, idealistang nangangarap ng magandang daigdig, mamalikmatahin niya ang mambabasa…
upang pagkaraa’y matuklasan nitong ang mata’y tinamaan na ng liwanag ni Lazaro Francisco.”

Taong 1946 nang manalo ang kaniyang sanaysay na Tatsulok sa Commonwealth Literary Contest. Ito ang naging batayan ng kaniyang mga pangunahing akda sa mga sumunod na taon.

Umani ng pagkilala si Francsico para sa Ilaw sa Hilaga noong 1948 (noo’y Bayang Nagpapatiwakal) na tumalakay sa mga baluktot na polisiya na sumusuporta sa noo’y pangangasiwa ng bansang Amerika sa ekonomiya ng Pilipinas. Itinuring itong isa sa pinakamahusay na nobelang naisulat sa unang dekada ng ikatlong Republika ng Pilipinas.

Sinundan ito ng marami pang mga akda na nagbigay ng pagkakakilanlan kay Francisco bilang manunulat gaya ng Maganda Pa ang Daigdig, Daluyong, Sugat ng Alaala, Bago Lumubog ang Araw, Ama, Binhi, at Sa Paanan ng Krus.

Ipinakita rin ni Francisco sa kaniyang mga akda ang iba’t ibang aspeto ng buhay gaya ng katatagan ng kalooban at prinsipyo sa gitna ng kahirapan sa Sugat ng Alaala. Ayon sa anak na si Dr. Floriño Francisco, ang nasabing nobela ay ang pinakapersonal sa kanilang pamilya.

“It was about the Second World War, with a little romance thrown in while showing the struggle of the Filipino people then in defense of the country. What makes it a personal account is that his eldest son, our kuyang, and youngest brother were among the volunteers who were sent to Bataan,” ani Dr. Francisco sa isang panayam sa Manila Times.

READ
Retrato bilang dokumentaryo

Tinalakay naman ni Francisco ang usapin ng pakikisamá at repormang agraryo sa Ama at ang pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma sa Maganda Pa ang Daigdig.

Dahil sa kaniyang husay sa paglinang ng mga makabayang paksain sa kaniyang mga nobela, umani si Francisco ng iba’t ibang parangal gaya ng Republic Cultural Heritage Award (1970), Presidential Award of Merit for
Literature, Patnubay ng Kalinangan mula sa lungsod ng Maynila, at Gawad Plaridel at Pingkain Award mula sa Bayanihan Foundation, Inc.

Ipinangalan din kay Francisco ang isang paaralan sa Cabanatuan, Nueva Ecija noong 1987 na tinawag na Lazaro Francisco Central School.

Namayapa si Lazaro noong Hunyo 17, 1980. Bilang pagkilala sa kaniyang mga naging kontribusyon, naglagay ng marker ang National Historical Institute sa Lazaro Francisco Central School noong Hunyo 16, 1990. May ulat mula kay Ma. Karla Lenina Comanda

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.