“CLASSMATES, makinig kayo! May sasabihin ako tungkol sa darating na foundation day natin.” Nasa harap na ko’t lahat, pero wala pa ring umiintindi sa akin. Abala kasi sila sa pangongopya ng assignment.
“Makinig naman kayo! Kasi ganito iyon, sa parada raw, may temang Around the World. Ano’ng gusto n’yong bansa na ikakatawan ng klase natin? Sa kabilang pangkat kasi, Egypt na sa kanila, tapos iyong sa first section, Philippines naman.”
“Puwede bang mamaya na iyan? Kailangan na kasi iyong desisyon natin. Para mapa-reserba na natin ang bansang mapipili natin. Pakiusap naman makinig kayo!”
“Nics, walang nakikinig sa iyo,” sabi ng isang boses. Napaupo na lang ako sa dulo ng platform dahil may nakapansin na walang saysay ang ginagawa ko. Sa mga ganitong pagkakataon, nais ko na lang na may humalili sa akin. Buti na lang at nandiyan ang matalik kong kaibigan na si Laurence.
“Hoy! Ano ba?” Napatigil ang lahat sa ginagawa nila. “Hindi n’yo ba napansin na kanina pa may nagsasalita dito sa harapan? Bingi ba kayo o nagbibingi-bingihan lang?”
“E ano ba ‘yon? Kita mo nang gumagawa kami ng assignment e,” anas ni Annabelle, ang kamag-aral naming mapapel.
“Hirap kasi sa iyo kung anu-ano ginagawa mo pag-uwi kaya nangongopya ka ng assignment dito! Bahay ba ‘to? Tapos magtatanong ka riyan, halatang hindi ka nga nakikinig!” Inirapan lang siya ni Annabelle. Napansin ko, nagngisian ang mga kaklase ko dahil napahiya si “mapapel.”
Nang matapos na ang asaran, itinuloy na ni Laurence ang anunsiyo. “Kasasabi lang kanina, may tema ang parada para sa foundation day. Wala pa tayo, e kailangan nang ipasa ang mapipili natin mamayang tanghali. Tapos ayaw n’yo pang makinig diyan.”
“Pasensiya na, heto na nga po, nakikinig na kami,” sabi ng isa naming kaklase na nakikinig pero abala pa rin sa pangongopya.
“May nakapili na sa Egypt at Philippines. Marami pa naman tayong pagpipilian, ano’ng gusto ninyo?”
“Korea!” Sigaw ng isa. “Sikat kasi ang Super Junior at Boys Over Flowers.”
“Korea raw.” Isinulat ni Laurence sa pisara ang nabanggit. Hinayaan ko na lang siyang mamuno. Mas nakikinig naman sila sa kaniya.
“Iraq o kaya Afganistan,” sigaw ng mga lalaki. “Para hindi na mahirap sa costume, gamitin na lang natin iyong uso na Sahal, tapos sa mga babae magtatalukbong lang ng mukha.”
“Puwede bang Japan? Kasi kung tutuusin kumot lang kailangan para sa costume. Magtatali lang tayo ng isa pang tela sa tiyan para maging kimono na iyong itsura,” mungkahi ni Jen.
Tahimik lang ako habang ginagawa ang botohan. Natutuwa kasi ako na maayos ang nangyayari dahil sa pamamahala ni Laurence. Buti na lang lagi siyang nariyan. Malapit nang mag-bell pero tuloy pa rin sa diskusyon ang klase. ‘Di bale, palagi namang late si Ma’am Pandi.
“Japan na ang napagkasunduan ha? Sa halip na bumili pa, gamitin na lang natin iyong kaniya-kaniya nating kumot sa bahay. Siguro naman lahat tayo may kumot ‘no?”
“Si Jansie wala. Comforter daw iyong sa kanya,” asar ng mga lalaki.
“Kumot pa rin iyon. E kung kaya niya ba magparada nang may nakataling comforter sa kaniya, e ‘di sige lang,” nakangiting sabi ni Laurence.
“May naglalakad na kama tayo!” Asar ulit ng mga lalaki. Nagtawanan na naman ang buong klase. ‘Saktong dumating si Ma’am Pandi. “Bakit nagtatawanan kayo? Ano’ng nakakatawa?”
Dali-dali kaming bumalik sa kaniya-kaniyang puwesto at nag-ayos ng mga gamit. Takot ang buong klase namin kay Ma’am Pandi. Ang iba sa amin, gaya namin ni Laurence, ayaw sa kaniya. Math kasi ang tinuturo niya. Mahirap na nga, dinadagdagan pa niya ng kasungitan, lalo tuloy humihirap.
Nagsimula nang magklase si Ma’am at simula na rin ang day-dreaming ko. Inuulit niya lang naman kasi kung ano iyong nasa libro namin.
“Lau, salamat nga pala ha,” bulong ko, ngunit wala siyang sagot sa pasasalamat ko.
Sanay na ako. Palagi naman kaming ganito ni Laurence. ‘Pag maingay ako, tahimik siya. Kapag ako ang nagsasalita, tahimik at kung minsa’y nakikinig lang siya.
Si Laurence ang tangi kong matalik na kaibigan mula pa noong nasa ikaanim na baitang kami. Naturingang babae pero panlalaki ang pangalan niya. Nakilala ko siya noong awayin ako ng buong klase namin dahil hindi ko sinasadyang mawala iyong susi ng supply cabinet namin. Tandang-tanda ko pa, tumayo rin siya sa harapan ng mga kaklase namin para ipagtanggol ako. Mula noon, siya na ang superhero ko!
Kaiba sa mga magkaibigan, kabaligtaran namin ni Laurence ang isa’t-isa. Napakabrusko at agresibo na tao ni Lau; habang ako, kahit pa palaging pangulo ng klase ay mahinahon at minsa’y mahiyain. May sapat na tapang si Lau para makipag-away na kadalasa’y dahil sa akin.
“Miss Peralta, the Cartesian plane has how many coordinates?” Tinapik akong bigla ni Ma’am Pandi sa balikat. Nahalata niya yatang hindi ako nakikinig.
“A, Ma’am, it has two coordinates,” sagot ko.
“Yes, it has two coordinates. The x and the y. Now, how do they differ?”
“Ma’am, I think the x coordinate lies vertically on the plane, while the one lies horizontically.”
“Are you sure?” Sambit ni Ma’am kasabay ng pagtaas ng kanyang kilay. Iling lang ang isinagot ko sa kaniya.
“See? You’re not listening! Class president ka pa man din. Sit down!”
“Kung anu-ano kasi iniisip mo e,” bulong ni Laurence pagka-upo ko.
Kung may pagkakapareho kami ni Lau, iyon ay iyong gusto niya ang gusto ko at ayaw niya ang ayaw ko rin. Unang-una sa listahan namin si Ms. Pandi “Coco.” Asar na asar kami ni Lau sa kaniya! Napaka-unprofessional niya kasi pagdating sa pagiging guro. Hindi rin namin maintindihan kung bakit kailangan niya palaging magtaray at mamahiya sa tuwing nagkakamali kami sa board work niya. Nakakainis talaga!
“For your homework, do exercise a to c of page 189 to 190. Bye.” Hindi man lang niya kami hinintay magpaalam sa kaniya at nagwalk-out siya agad. Okay lang, at least tapos na ang oras namin sa kaniya.
Kinabukasan, nagkaroon kami ng overtime sa P.E. kaya nawalan kami ng recess time. Heto ang klase namin ngayon: kumpul-kumpol ang mga upuan, ang iba sa ami’y kumakain, ang iba nama’y nagkokopyahan. Ang mga lalaki naman tila hindi pa rin makalimutan ang dodge ball game kanina at nasa likod at nagbabatuhan ng bolang yari sa medyas. Kami ni Lau, tahimik sa aming upuan habang kumakain at nagbabasa ng notes para sa susunod na asignatura.
Hindi namin namalayan ang oras. Labinlimang minuto na pala ang nakalipas mula nang tumunog ang bell. Nadatnan kami ni Ma’am Pandi na magulo at huli sa aktong nagkokopyahan.
“Anong oras kayo na-dismiss kanina?” Tonong parang abogado ang tanong niya.
“9:30 na po.” Magalang na sagot ko.
“At bakit? ‘Di ba hangang nine lang ang P.E. n’yo? Bakit huli na kayo na-dismiss?”
Ang mga lalaki na ‘di makaramdam na galit na si Ma’am ang sumagot. “Kasi Ma’am, masaya iyong P.E. namin kanina. Naglaro po kami ng dodge ball. Tapos natalo po namin ang mga babae gamit po ito,” sabay labas ng bola na gawa sa medyas.
“Akin na nga ‘yan,” kinuha ni Ma’am ang bola.
“Sa uulitin, bago kayo mag-over time sa klase ninyo, magpaalam muna kayo ha. Tignan n’yo tuloy! Naubos na ang oras natin! Sa tingin n’yo may magagawa pa tayo niyan ha?”
“Ma’am pasensiya na po,” sabi ko para matahimik na siya. “Sorry po, hindi na po mauulit.”
“Huwag kang manghingi ng pasensiya kasi iresponsable ka! Dapat ikaw nagsasabi sa ‘kin na hihiramin ninyo iyong oras ko para magsikain at magkopyahan! E ano ginawa mo ha? Nakipagkopyahan ka lang din sa mga kaklase mo! Ano’ng klase ka?”
Nagulat ako sa mga sinabi niya. Maging si Laurence nagulat din. Gusto sana niyang magsalita pero pinigilan ko siya.
“Next time class, kung pipili kayo ng presidente, huwag iyong kasing iresponsable nitong presidente n’yo ha?” Sabi niya, habang dinuduro-duro niya ako sa puwesto ko.
“Sige, bilang parusa sa pagiging iresponsable niyo, get one-fourth sheet of paper!”
Pinipilit kong ‘wag tumulo ang luha sa papel ko pero mahirap. Hindi ko mapigilang umiyak dahil sa mga mali-mali kong sagot. Pero higit sa lahat, hindi ko kayang pigilin ang luha ko dahil sa kahihiyang inabot ko na kung tutuusi’y hindi ko naman dapat natamasa.
“Hindi ka dapat humingi ng pasensiya. Wala ka namang kasalanan e,” mahinang wika ng isang boses.
“Lau, kung ‘di ko ginawa iyon, lalo lang siya magagalit.”
“Ang tanga mo talaga Niks,” anas ni Laurence.
“Sige pass your papers! Tignan lang natin kung may nakapasa sa inyo! Sa susunod magkopyahan ulit kayo ha! At ikaw,” sabay duro sa akin, “huwag mong kakalimutan iyong sinabi ko!”
Pagkatanggap niya ng mga malilinis naming papel, ginawa na naman niya ang paborito niyang ginagawa, ang magwalk-out.
Pagkalabas niya, isa-isang nagsilapitan ang mga kaklase ko. “Anica, huwag ka nang umiyak. Hayaan mo na lang si Ma’am.” Lahat sila, awang-awa sa akin. Lahat, maliban kay Laurence, na sa kabila ng pagtangis ko ay tahimik lang.
May sumenyas na parating na raw iyong susunod na guro namin kaya nag-ayos na ang lahat. Tahimik at waring malungkot ang buong klase dahil sa nangyari.
Bumulong naman sa akin si Lau, “‘Di bale, may araw din si Coco. Tumahan ka na kahit ang tanga-tanga mo.”
Kinabukasan, hindi ko na kinailangan pang pagsabihan ang mga kaklase ko para ayusin ang mga upuan. Wala na ring nahuli mula sa kantina. Lahat nasa ayos na sampung minuto bago dumating si Ma’am Pandi. Gaya ng dati, huli pa rin siya kaya nag-C.R. muna kami ni Lau.
Pagbalik namin, nakaupo na pala si Ma’am sa harap. Tahimik na lang akong pumasok at naupo. Napansin ko, mainit ang ulo niya. Siguro dahil hindi siya ang napiling pumalit sa nagretirong coordinator namin.
“Sige, heto’t tignan natin ang mga papel ninyo.” Hindi na kami kinakabahan dahil alam na naming lahat na bagsak kami sa quiz na ‘yon.
“Five lang iyong pinakamataas sa inyo! Bakit? Kasi hindi n’yo nagawang magkopyahan!” Tahimik lang kami, ang ila’y nakayuko sa kanilang upuan.
“Miss Peralta,” nanlamig lalo ang kamay ko nang tawagin niya ‘ko, “Alam mo ba kung ano’ng nakuha mo sa quiz ha?” Umiling ako.
“Hindi mo alam? E wala ka naman talagang alam e!”
“Ma’am?” Sa pagkakataong iyon, napatayo ako’t tumitig nang mata sa mata sa kanya.
“Wala ka talagang alam! Kita mo, kundi dahil sa kapabayaan mo kahapon, ‘di sana magsisibagsak ang mga kaklase mo! At ang kapal pa ng mukha mong dumating sa klase ko nang late! Mag-resign ka na nga sa puwesto mo! Hindi ka-“
“Tumigil ka na!” Natigil si Ma’am nang sumigaw si Laurence
“Wala kang karapatang patigilin ako! Estudyante ka lang, guro mo ‘ko!”
“O ngayon? Kahit guro kita, wala kang karapatang magsalita nang ganyan!” Gusto ko mang awatin si Lau, ramdam kong hindi na siya makapagtimpi.
“Sumasagot ka pa ha? Bastos kang bata ka!”
“Kung may bastos dito, ikaw ‘yon! Wala kang karapatang tratuhin kami ng ganito!” Nataranta na ang buong klase nang lumapit si Ma’am kay Laurence.
Nagpumiglas si Laurence sa kamay ni Ma’am. “Masama ka! Ikaw ang pinakamasamang guro sa lahat! Ang galing mong mag-akusa pero ikaw naman ang mali! Maninisi ka pa e ikaw naman ang laging late!”
“A, talaga ha?” Hinatak ni Ma’am si Laurence at pinatayo sa likod ng room habang nag-iiyakan na ang iba sa amin at nagmamakaawa dahil sa takot.
Napuno na si Lau dahil sa inis niya kay Ma’am mula pa kahapon. Bumalik si Ma’am Pandi sa mesa niya, kumuha ng referral slip na hudyat na magpapatawag siya ng magulang. Sa likod, nakatitig nang masama si Lau kay Ma’am. Nanlilisik ang mga mata niya na animo’y papatay.
“Ano’ng buong pangalan mo?” Nabaling si Ma’am kay Lau. Nakita niya ang masamang titig nito sa kanya.
“Aba! Sinusubukan mo talaga ‘kong bata ka ha!” Sinugod ulit ni Ma’am si Lau at hinatak sa braso. Lalong natakot ang buong klase.
“Naghahanap ka ng katapat mo ha bastos na bata? Sige halika sa principal’s office,” sigaw ni Ma’am kay Laurence.
“Bitawan mo ko!” Pumiglas si Laurence sa pagkakahawak ni Ma’am pero hindi bumitaw si Ma’am. Kinagat ni Lau ang kamay ni Ma’am kaya agad naman siyang bumitaw kay Laurence.
“Hindi mo ba alam na bawal saktan ang mga estudyante? Child violence ‘yon! Course ‘yon ng mama ko sa graduate school nung nage-M.A. pa siya!”
“Wala akong pakialam! Bastos kang bata kaya dapat kang turuan ng leksyon!” Piningot ni Ma’am si Lau at hinila palapit sa pinto.
“Bitawan mo ‘ko! Palibhasa wala kang M.A. kaya hindi ka naging coordinator! Masama kasi ugali mo!” Sigaw ni Lau habang nakahawak sa tainga niyang dumudugo na.
Naghahatakan si Ma’am at si Laurence. Nang binitawan ni Ma’am ang tainga ni Lau, agad-agad niya siyang sinampal sa kanang pisngi. At ‘di inaasahan ng klase, bilang ganti, itinulak ni Laurence si Ma’am. Natisod si Ma’am sa platform at tumama ang ulo sa chalk ledge. Matapos noon, nawalan na siya ng malay.
Nagkagulo na nang tuluyan ang buong klase. May nag-iiyakan, nagsisigawan, at ang iba’y natutuwa sa nangyayari. Si Lau, nanginginig pa rin sa galit habang nakatitig sa walang malay naming guro.
Ngayon, tatlong araw na ang nakalilipas mula nang mangyari ang insidente. Hindi na pumapasok si Ma’am Pandi. Wala kaming narinig na kahit ano mula sa mga guro namin.
Wala ring pagtawag mula sa principal’s office. Parang walang nangyari. Galit ang buong klase namin kay Lau dahil sa nangyari. Naniwala kasi sila sa sabi-sabi na comatose raw si Ma’am dahil sa pagkakabagok. Ako naman, bilang pinakamatalik na kaibigan ni Lau, ang bukod tanging kakampi niya.
Sa mga oras na ‘to, kahit paano bumalik na ang saya ng klase. Ako na lang sa amin ang nag-iisang balisa. Naging palaisipan sa akin ang nangyaring incidente.
Ganoon pa man, kahit walang kasagutan ang lahat, isa lang ang alam kong tiyak: hindi ko pinagsisisihan ang aking nagawa.
“Good afternoon Ms. Aran, sorry to interrupt your class, but may I please excuse Ms. Laurence Anica Peralta? The principal wants to see her.”
Ito marahil ang ipinanalong piyesa ng may-akda sa nakaraang Gawad Ustetika kung saan nakamit niya yata ang parangal ng Kuwentista ng Taon kung hindi ako nagkakamali. Nagustuhan ko ang kwento dahil hindi ko inaasahan ang katapusan. Magaling! =)
salamat po at nagustuhan nyo ang kuwento ko. 🙂