NANG maghulog ng mga dilaw na talulot sa mga tao ang isang helikopter matapos ang panunumpa ni Pangulong “Noynoy” Aquino noong Hunyo 30 sa Quirino Grandstand, isang Tomasino ang naging saksi sa makasaysayang senaryong ito.
Para kay Karen Ivy Santos, 18, ng College of Tourism and Hospitality Management, hindi pangkaraniwan ang mga talulot na ito sapagkat ang mga ito ay paalala ng kaniyang tungkulin bilang isang kabataang Filipino.
Ang inagurasyon ay habambuhay na magiging bahagi ng kasaysayan, hindi lang dahil sa mga tala ng mga historyador at mamamahayag, mga retrato, kundi pati na rin sa mga memorabilia na nauuso sa panahong ito.
Kagaya ng mga dilaw na talulot, ang mga souvenir o memorabilia ay mga bagay na nagsisilbing alaala ng isang mahalagang okasyon. Ang panunumpa ng pangulo ng bansa ay isa ring natatanging pagkakataon kung saan nagiging patok ang mga memorabilia.
Paliwanag ni Teodoro Atienza, puno ng Heraldry Division ng National Historical Institute, ang mga memorabilia ay maituturing na pampaganda at pampabuhay ng alaala sa mga tao.
“Gusto [ng mga tao] na nakikita roon [sa memorabilia] ang iniidolo nila,” ani Atienza.
Para naman kay Augusto de Viana, tagapangulo ng Department of History sa UST, tuwing mayroong makasaysayang okasyon ay nagkakaroon ng fad, na sa pagtagal ng panahon ay nagiging collector’s item.
Ang paglabas naman ng mga memorabilia ay hindi na maituturing bago sa Pilipinas dahil matagal na itong nagsimula sa bansa.
“Noong panahon ni [Emilio] Aguinaldo, mayroon siyang brochure na naglalaman ng menu ng mga pagkain sa kanyang inagurasyon noong 1899. Noong panahon naman ni [Manuel] Quezon taong 1935, mayroon siyang pins at mga ticket sa kaniyang inagurasyon. Simula nang nagkaroon ng pangulo ang Pilipinas ay may lumabas na [mga memorabilia]” ani de Viana.
Ayon naman kay Atienza, noong panahon ni Ferdinand Marcos, ang gobyerno ay namigay ng mga relo sa taumbayan, samantalang nauso naman ang mga wrist band noong panunumpa ni dating pangulong Joseph Estrada.
Binanggit din ni Atienza na mayroon ding mga memorabilia na ipinagbabawal ng batas.
“Minsan may mga bawal ding mga bagay tulad ng watawat na ginagawang damit,” aniya.
Ang mga commemorative stamps ay maituturing ding mga memorabilia tuwing dumarating ang araw ng inagurasyon.
“Kapag may mga historical events, nagkakaroon ng mga stamps. Bawal maglabas ng stamp na may larawan ng taong nabubuhay pa pero exemption doon ang presidente. Paglipas ng panahon, nagiging collector’s item ang mga ito, tulad na rin ng mga barya at peso bill,” dagdag ni de Viana.
Ayon pa sa kaniya, noong inagurasyon nina dating pangulo Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Arroyo, ang Philippine Postal Corporation ay naglabas ng mga selyo na may imprenta ng kanilang mukha.
Isang araw bago manumpa sa panunungkulan si Aquino, ang Philippine Postal Corporation ay naglabas ng commemorative cover ni Pangulong Noynoy Aquino. Kasama ng commemorative cover na ito ang selyo ng kaniyang inang si Corazon Aquino.
Taong 2009 naman sa inagurasyon ni Barack Obama, pangulo ng Estados Unidos, nang mauso ang mga memorabilia tulad ng t-shirts, mga baso, at maliit na estatwang may mukha ni Obama. Naging mabili ang mga ito hindi lang sa mga Amerikano sapagkat si Obama ang kauna-unahang African-American na naging pangulo ng Estados Unidos.
Samantala, tatlong araw bago ang inagurasyon, naging mabenta sa Binondo, Maynila ang mga dilaw na t-shirt na may larawan ng Time magazine nang maging cover nito si Aquino noong Abril. Naging patok din ang mga disenyong ginaya sa islogan ni Obama na “change.”
Sa araw naman ng inagurasyon ni Aquino ay inilunsad ang mga relo na ang disenyo ay ang mukha ng mga namayapang magulang ni Aquino na sina “Ninoy” at “Cory”. Namigay din ng libreng dilaw na pamaypay, payong, at mga maliliit na estatwa ni Noynoy.
“Sila ang lider ng bansa, sila ‘yong namumuno sa bansa kaya madaming tao ang sumusunod at umiidolo,” paliwanag ni Atienza kung bakit patok na patok ang mga memorabilia ng mga presidente.
Bahagi ng kasaysayan
Ayon kay Fernando Pedrosa, tagapangulo ng Department of Social Sciences, ang pagkakaroon ng mga memorabilia ay paraan ng tao upang makilahok sa isang makasaysayang pangyayari.
“You feel that you were there when it happened because you want to be part of history. You want to tell the next generation that when that happened, you were there,” ani Pedrosa.
Aniya, mayroong mga taong mahilig mangolekta at magtago ng mga memorabilia sa mga mahahalagang pangyayari sa bansa dahil para sa kanila, ito ay pagpapakita ng nasyonalismo at pagmamahal sa bayan.
“It is a personal fulfillment, a sense of nationhood, a sense of patriotism and it is a sense of being one with the people and its history,” paliwanag ni Pedrosa.
Isang magandang pagkakataon din ito para sa mga negosyanteng Filipino upang kumita dahil sa dami ng mga taong tiyak na tatangkilik dito.
“Hindi natin masisisi ang mga negosyante kung sasamantalahin nila ang pagkakataong ito para kumita. Isa pa, naipakikita nila sa paraang ito ang pagiging makabayan nila. At siyempre, gusto rin nilang magsilbing instrumento para makapagpreserba ng alaala ang mga tao sa mahalagang pangyayaring ito sa ating kasaysayan,” ani Pedrosa.
Dagdag pa niya, bagaman panandalian lamang ang mga araw kung kailan mabibili ang mga memorabilia at sa mga natatanging sa okasyon lamang ito patok, ang epekto ng mga ito ay panghabambuhay.
“Memorabilia’s effect is lasting. Some people would feel guilty not to have been there if they had the chance,” aniya.
Bagong pag-asa
Si Santos ay nakasaksi sa panunumpa sa tungkulin ni Aquino kasama ng kaniyang mga magulang.
“Iba ang pakiramdam na maging bahagi ka ng kasaysayan. Ako ay naging parte ng tinawag na ‘sea of yellow’ at doon, nakiisa ako sa mga taong sumuporta sa bagong presidente. Nakita ko ang emosyon ng mga tao, ang kanilang mga tunay na ekspresyon at ang kanilang pag-asa,” ani Santos.
Ayon pa sa kaniya, noong nanunumpa si Aquino, sari-saring mga saloobin ng pag-asa at pakikiisa ang binabanggit ng mga tao.
“Habang nanunumpa siya [Noynoy], pumasok sa akin iyong mga mabibigat na sinabi niya. Sa sinabi niyang walang lamangan, walang padrino, at walang magnanakaw, inaamin kong narinig ko na iyon sa iba pang mga pulitiko. Pero ako mismo, umasa na sa pagkakataong ito, magagawa niya ito. Ang ibinahagi ni Noynoy noong kaniyang inagurasyon ay hindi lamang isang talumpati, kundi isang pangako sa mga Filipino,” aniya.
Dahil dito, higit pang nahamon si Santos na kumilos kahit sa maliit na paraan lamang upang makatulong sa bayan.
“Sa simpleng pagsunod sa mga panuto at batas, alam kong makatutulong ito sa bansa. Ang mga simpleng bagay tulad ng pagtawid sa tamang daan at ang pag-aaral nang mabuti ay makatutulong nang malaki. Hindi naman magtatapos lahat kay Noynoy, nasa atin pa rin ang hamon,” dagdag pa ni Santos.