ALAS tres. Nakapapaso ang init ng araw. Madalang ang pag-ihip ng hangin kung kaya’t damang-dama ang alinsangan ng panahon. Mula sa aking kinatatayuan ay tanaw na tanaw ko ang batang naglalako ng diyaryo. Tumatagaktak ang pawis nito habang bitbit ang mga paninda nitong sa tingin ko’y kaunti pa lamang ang nababawas.
“Psst! Boy! Halika rito!”, sigaw ko.
Dali-daling lumapit ang pawisang bata na sa aking palagay ay wala pang sampung taong gulang.
“Bigyan mo nga ako ng isa.”
“Alin po rito?”
“Kahit ano, pare-parehas lang naman laman niyan,” tugon ko sabay abot ng sampung piso.
Agad kong binuklat ang diyaryo. Patayan. Rape. Nakawan. Ipinagbabawal na gamot. Kabi-kabila pa rin ang mga krimeng nagaganap sa buong bansa hindi lamang sa kalakhang Maynila kundi pati na rin sa maliliit na probinsiyang gaya rito. Parang kailan lang, bahagi ako ng mundong iyon. Dati, isa ako sa mga sumusulat ng mga balitang paulit-ulit kong nababasa ngayon. Naroon na naman ang pamilyar na pakiramdam na mahigit dalawang taon ko nang nararamdaman—kahungkagan.
Napaigtad ako nang may maramdaman akong marahang tapik sa aking balikat. Si Monang, ang aking maybahay.
“Ben? Okay ka lang ba?”
“Ha? Oo, oo naman. Puwede bang ikaw muna ang magbantay dito sa panaderya? Nahihilo ako. Magpapahinga muna ako sandali.”
***
Alas tres. Hindi ako magkandatuto sa pagsusulat. Ngalay na ngalay na aking kamay ngunit kailangan kong magmadali. Kanina ko pa dapat naipasa ang article ko sa aking editor. Tiyak na malilintikan na naman ako rito at maririnig ko na naman ang pagputak ng bibig nito na tila pulos pintas at mura ang alam bigkasin.
Magtatatlong buwan na rin ako sa trabahong ito. Sa totoo lang, hindi ito ang pinangarap ko nang makapagtapos ako ng kursong Journalism sa isang disenteng pamantasan anim buwan na ang nakararaan. Matalino naman ako, sa katunayan nga ay nagtapos akong cum laude, at hinahangaan ng marami kundi man ng lahat noong nag-aaral pa ako. Pero heto ako ngayon, nagsusulat para sa isang tabloid. Malayo sa pangarap kong maging kilalang mamamahayag sa isang prestihiyosong broadsheet. Hindi rin naman masasabing nagkulang ako sa pagsusumikap dahil isang linggo matapos ang graduation ko ay naghanap na ‘ko ng trabaho. Ngunit ewan ko ba, sadyang mailap sa akin ang suwerte. Wala rin naman akong karapatang maging mapili dahil kailangan kong kumita para sa aking pamilya, lalo pa ngayon at ipinagbubuntis ni Monang ang aming panganay.
“Ayon sa mga nakasaksi, dakong 11:30 ng gabi nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang lalaki si Bermudez habang naglalakad ito sa…”
Nagtatalo ang aking isip. Ilang ulit ko nang isinusulat ang bahaging ito.
Kaninang umaga, nagtungo ako sa pinangyarihan ng krimen. Kinausap ko ang mga nakasaksi sa pangyayari, at ayon sa kanila, ang mga “hindi kilalang lalaki” ay kilala naman pala. Mga tauhan daw sila ni Don Franco Sanchez, isang mayaman at makapangyarihang asendero na kamakailan lang ay binatikos ni Bermudez sa kaniyang programa sa radyo na nagmamay-ari umano ang Don ng isang shabu den. At isa sa mga bumaril kay Bermudez ay ang kapatid ng Don na si Tony. Nang tanungin ng mga pulis ang mga saksi ay sinabi ng mga ito ang totoo, ngunit pagdating sa spot report na hawak ko ngayon ay nakapagtatakang hindi binanggit ang salaysay ng mga ito.
Natigil ako sa pag-iisip nang biglang may tumawag sa aking telepono.
“Hello?”
“Nasaan na ang istorya mo? Kanina ko pa hinihintay. Lagi kang late! Marunong ka ba talagang magsulat o nabili mo lang sa kung saan ang diploma mo?” singhal ng editor ko.
“Ah, eh, boss, may problema kasi. May komentarista ng radyo na binaril kagabi. Ayon dito sa police report hindi pa nakikilala iyong mga suspek. Pero kanina, nanggaling ako sa crime scene at nagtanong-tanong. Sabi ng mga saksi, mga tauhan daw ni Don Franco Sanchez. At iyong isang bumaril, kapatid ng Don.”
“Malaking scoop iyan! Nag-iisip ka ba? Bilisan mo na at kanina pang alas tres ang deadline niyan! Parang hindi mo iyon alam ah!” sabay baba nito sa kabilang linya.
***
Naging usap-usapan ang article ko kinabukasan. May ilang bumati dahil naka-scoop ako, habang ang iba nama’y nagbabala na na mag-ingat na ako.
Nang araw ding iyon ay inanyayahan sa presinto ang kapatid ng Don, pati na rin ang mga nakasaksi. Nakagugulat na biglang bumilis ang imbestigasyon.
Ganunpaman, wala pa ring pagbabago sa aking career. Naka-scoop nga ako, pero matapos ang araw na iyon, balik na naman sa normal ang lahat. Halos araw-araw pa rin akong nahuhuli sa pagbato ng istorya, at madalas pa rin akong mabulyawan ng aking editor. Crime stories pa rin ang sinusulat ko, at mababa pa rin ang aking suweldo. Bawat araw na magdaan ay papalapit nang papalapit sa araw ng panganganak ng aking asawa. Kailangan ko ng mas malaking kita—kailangan ko ng bagong trabaho.
Parang sagot sa aking problema, isang gabi ay may pumarang van sa harap ko habang ako’y naglalakad pauwi. Bumukas ang pinto, at sumungaw ang isang pamilyar na mukha. Si Don Franco.
“Kumusta ka bata? Puwede ba kitang maanyayahan sandali? May pag-uusapan lang tayong mahalagang bagay,” sabi nito habang sinusuri nito ang kabuuan ko. Hindi ko alam ang isasagot ko. Tila napipilan ako sa pagkabigla. Hindi lang kasi ang Don ang laman ng van kundi pati na rin ang mga tauhan niya. Naramdaman ko na lamang na may humawak sa aking balikat. Isa sa mga tauhan ni Don Franco. Wala na akong nagawa kundi lumulan sa van.
Tahimik sa loob ng sasakyan. Walang ibang maririnig kundi ang malalim kong paghinga. Nahihintatakutan ako sa mga maaaring mangyari. Paano kung dalhin nila ‘ko sa kung saan at i-salvage? Paano na si Monang? Paano na ang magiging anak namin?
Si Don Franco ang bumasag ng katahimikan.
“Alam mo bata, mabait akong tao. Kaya lang, ang ayaw ko sa lahat ay iyong mga madadaldal. Iyong si Bermudez, madaldal iyon. Tingnan mo ang sinapit niya. Gusto mo bang matulad sa kaniya?”
“Hi—hindi ho.”
“Kung ganoon, sundin mo ang sasabihin ko sa iyo. Bukas na bukas din ay bawiin mo ang isinulat mo. Nakausap ko na ang mga nakasaksi, handa nilang bawiin ang salaysay nila. Kung papayag ka, bibigyan kita ng dalawang milyong piso, magbitiw ka na sa trabaho mo, at magtayo na lamang ng negosyo. Pero kung ayaw mo…alam mo na ang mangyayari sa iyo,” banta ng Don.
“Oho, si—sige ho.”
Halos mapaihi ako sa aking pantalon nang huminto ang sasakyan sa isang bakanteng lote. May kinuha si Don Franco sa kaniyang attaché case.
“Heto ang tseke kapalit ng iyong pananahimik. Ngayon ay bumaba ka na at kalimutan na nangyari ang usapang ito.”
***
Napabalikwas ako sa aking pagkahihiga. Mahigit dalawang taon na rin nang mangyari ang tagpong iyon sa van ni Don Franco. Mula sa perang ibinigay niya ay nakapagpatayo ako ng bahay, at maliit na panaderyang pinagkukunan namin ngayon ng ikabubuhay.
Pinalaya ang kapatid ng Don. Galit na galit ang mga kamag-anak ni Bermudez ngunit wala rin silang magawa dahil bukod sa mga saksi na binawi na ang kanilang sinumpaang salaysay, wala ng iba pang ebidensiya na si Don Franco at ang kapatid nito ang nasa likod ng pagpaslang kay Bermudez. Paulit-ulit nila akong pinakiusapan upang magbago ang isip ko, ngunit mistulan na ‘kong bingi sa halagang tinanggap ko kay Don Franco.
Dalawang taong pananahimik. Dalawang mahahabang taon ng pagdurusa. Halos gabi-gabi ay napananaginipan ko si Bermudez. At walang araw na hindi ako binabagabag ng aking konsensiya. Habang maginhawa at masaya akong namumuhay kasama ang aking pamilya, ano na kaya ang dinaranas ng mga naiwanan ni Bermudez? Ilan pa kayang mamamahayag ang patatahimikin ng makapangyarihang Don? At higit sa lahat, ito na ba ang kabuuan ng aking mga pangarap? Ng mga aral na natutunan ko noon sa unibersidad? Ano nga ba ang mas mahalaga? Pera o prinsipyo?
Sa tuwing makakikita nga ako ng diyaryo ay nakadarama ako ng kahungkagan. Wala akong ibang nais gawin sa aking buhay kundi ang magsulat, at mag-ulat nang tapat alinsunod sa katotohanan. Hindi ko kailanman pinangarap na magtinda ng mga tinapay at maging alipin ng salapi.
At sa wakas, matapos ang dalawang taong pagtitis ay may nabuo akong pasya: bukas na bukas din ay gagawin ko na ang bagay na noon ko pa sana ginawa—ang ipagtapat ang katotohanan.
***
Marami ang nakinig sa aking kuwento. Marami rin ang naniwala. Matapos ang araw na isiwalat ko ang tunay na pangyayari at maging ang ginawang panunuhol ni Don Franco sa akin ay hindi ko na muling napanaginipan si Bermudez. At higit sa lahat, wala na ang kahungkagang mahigit dalawang taon ko nang nararamdaman.
Sa kabila nito ay hindi pa rin lubos ang aking kasiyahan. Pader ang binangga ko, at alam kong gagawa at gagawa ng paraan si Don Franco upang makaganti.
Hanggang isang araw ng Linggo, pagkatapos naming magsimba ng aking mag-ina ay may humarang na pamilyar na van sa aming sasakyan.
Ang van ni Don Franco.
Bumaba mula rito ang isa ring pamilyar na mukha. Isa sa mga bodyguard ng Don. Ang lalaking humawak sa aking balikat noong gabing alukin ako ng salapi ng amo nito.
Kumakabog ang aking dibdib lalo na nang makita kong papalapit ang lalaki sa aming sasakyan. May tangan itong silencer gun. Tila tinatambol ang aking dibdib sa kaba. Para akong napako sa pagkakaupo sa driver’s seat. Hindi ko naman magawang umabante o umatras dahil may van din sa likod ng aming sasakyan. Umibis mula rito ang mga armado ring kalalakihan.
Marahas na kinatok ng lalaki ang bintana ng aming kotse. Nang ayaw ko itong buksan ay binasag ng lalaki ang salamin. Umiiyak na ang aking asawa’t maging ang aking anak na pumapalahaw na. Hindi ko na malaman kung ano ang aking gagawin.
“B-Boss! Huwag po! Huwag n’yong idamay ang pamilya ko! Ako na lang po! Parang awa n’yo na!” pagsusumamo ko kasabay ng pag-agos ng aking luha.
“Alam mo, sana nanahimik na lang. Ang kaso, dumaldal ka pa.”
Narinig ko ang pagkasa ng baril.
“Ito ang nararapat sa mga madaldal na katulad mo,”
Biglang-bigla ay naramdaman ko ang malamig na gatilyo ng baril sa aking pawisang noo. Alam ko na ang susunod na mangyayari.