SA PANAHON ngayon, hindi na asong kalye ang naiisip ng maraming Filipino sa tuwing naririnig nila ang salitang “askal.” Sa halip, ang agad pumapasok sa kanilang isip ay ang Philippine National Football Team na mas kilala sa tawag na “Azkals.”
Binansagang “Azkals” noong 2005, maihahambing sa mga “askal” ang mga naturang manlalaro dahil minsan na ring nagpalipat-lipat ng lugar ang mga ito dahil sa kawalan ng lugar para sa ensayo at kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan.
Naging saksi ang mga Pilipino sa isang makasaysayang tagpo sa larangan ng palakasan nang gumawa ng pangalan ang “Azkals” sa kanilang pagkapanalo laban sa bansang Myanmar noong Disyembre sa Asean Football Federation Suzuki Cup 2010 na ginanap sa Vietnam. Ang tagumpay na ito ay naging hudyat ng pagbabago ng mukha ng larong football sa bansa.
Ngunit sa kanilang pagsikat, masasabi nga bang dahil ito sa nasyonalismo ng mga Pilipino o ito’y sanhi lamang ng panatisismo ng mga ito, lalo pa’t ilan sa mga kilalang personalidad sa “Azkals” ay mga dayuhang manlalaro?
“Bayani” ng bayan?
Maituturing na bayani ng bayan ang mga “Azkals”, kaya maraming Pilipino ang sumusuporta rito. Ito ang naging pagsusuri ni Fernando Pedrosa, tagapangulo ng Department of Social Sciences, kung bakit sikat ngayon ang “Azkals”.
“We identify ourselves with these apparent heroes who we badly need these days especially when there’s a feeling of no direction. They serve as unifying factor because they won. Had they not won, we would not rally for them because their success is our success,” ani Pedrosa, isang sosiyologo.
Itinuturo ni Pedrosa ang colonial mentality bilang sanhi ng pag-iidolo ng marami sa mga manlalarong Fil-foreigner na matagal nang nasa kultura ng mga Filipino.
“We still rely on our deep-seated colonial mentality that what is foreign is what the best is. We have this unconscious feeling of looking up at anything that is foreign,” aniya.
Dagdag pa niya, maituturing na pseudo o hindi tunay ang nasyonalismo na ipinakikita ng mga Pilipino sa pagtangkilik sa “Azkals”, ngunit maganda na rin itong simulain para sa atin.
“Let’s face it, some half-Filipino players are good-looking. They are potential actors and models so young people gravitate towards them. But it’s a good start. From pseudo, let us try to process it, deepen it, and raise it to a higher level,” aniya.
Isang dugo, isang laban
Para kay “Azkals” forward Chieffy Caligdong, ang pagkakaroon ng mga Fil-foreigners sa koponan ay hindi isang balakid dahil kung anong kaya ng mga Fil-foreigners ay kaya rin ng mga Pilipino.
“Kung nandoon ka na sa loob ng field, kailangang magtiwala ka sa sarili mo. Ang oras at ensayo sa ‘Azkals’, sobrang hirap. Palagi kong sinasabi sa sarili ko na kung ano ang kaya ng Fil-foreigners, kaya rin ng mga Pilipino,” aniya.
Hindi naging sagabal sa kanilang koponan ang wika dahil tuwing sila’y kinakausap ng kanilang coach na isang Aleman, wikang Ingles ang gamit nito. Samantala, marunong namang magsalita ng wikang Filipino ang ilan sa mga manlalarong Fil-foreigners.
“Si Phil (Younghusband), marunong mag-Tagalog. Si James (Younghusband), nakaiintindi ng Tagalog pero hindi makasalita. Si Neil (Etheridge), English lang talaga. Kapag ang buong koponan ang kausap, English ang ginagamit, pero kapag isa-isa, Tagalog na,” ani ng “Azkals” forward na si Ian Araneta.
Para naman kay Marjo Allado, coach ng UST Golden Booters, malaki ang naging epekto ng “Azkals” sa imahe ng football sa bansa dahil na rin sa atensiyong ibinigay ng media.
“Ang absence ng media noon sa football ay malaking bagay. Sa ngayon kasi, halos araw-araw mayroong mga clip tungkol sa ‘Azkals’,” ani Allado.
Para kay Araneta, layunin nila sa “Azkals” ang maipakita hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang galing ng mga Pilipino sa paglalaro.
“Hindi laging masaya ang katapusan ng bawat laro. Nag-umpisa kaming tinatambakan lang. Simula nang magsimula ang ‘Azkals’ hanggang makarating kami sa kinalalagyan namin ngayon, kami na lang dalawa (Caligdong) at iilan ang natitira, kaya sinabi namin sa aming mga sarili, balang araw mag-iiba rin ang pagtingin at respeto ng mga Pilipino sa football,” ani Araneta.
Sa pagsikat ng “Azkals” sa bansa, maraming mga Tomasino ang naging inspirado upang makilala nang husto ang larong football at gumaling sa larangan ng larong ito.
Para kay David Basa, team captain ng UST Golden Booters at miyembro rin ng “Azkals”, napalawak ng “Azkals” ang pagtingin ng mga Pilipino sa football. Marami sa kanila sa Golden Booters ang nagpupursige sa paglalaro ng football upang makasali sa “Azkals”.
“Marami sa amin ang nangangarap na makapasok sa ‘Azkals’. Ngayon kasi may nakikita na kaming kinabukasan sa football, hindi tulad dati na pagkatapos ng kolehiyo, wala na talaga,” ani Basa.
Para naman kay Dwiljoy Hao, mag-aaral ng Faculty of Arts and Letters, sinusuportahan niya ang “Azkals” dahil sa karangalang ibinibigay ng mga ito sa bansa at sa layunin ng koponan na makatulong sa kabataang Pilipino.
“Ang kanilang layunin ay hindi lamang upang manalo bagkus ay upang maibahagi ang kanilang mga laro sa mga Pilipino. Ang ilan din sa kanila ay mayroong kampanya na gawing prayoridad ang edukasyon kaya’t sila ay tumutulong sa ilang kabataan upang makapagtapos,” ani Hao.
Ayon naman kay Mary Marasigan, isang mag-aaral din mula sa Faculty of Arts and Letters, ang mga manlalarong Fil-foreigner ay ang kaniyang inaabangan sa tuwing may laro ang “Azkals”.
“Gusto ko sila (‘Azkals’) dahil nagbibigay sila ng karangalan sa bansa. Tuwing nakikita ko si Phil (Younghusband), mas lalo akong nabubuhayan at lumalakas ang sigaw ko para sa kanila,” ani Marasigan.